[Editorial for August 2020]
Wikang Maipagmamalaki
Noong araw, ang tawag sa pagdiriwang ng pambansang wika ay Linggo ng Wika. Ito ay upang ipalaganap ang wikang Pilipino (na ngayon ay Filipino) na siyang pinangarap ng Pangulong Manuel L. Quezon na maging instrumento ng pagkakaisa ng noon ay rehiyonalistikong mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, ang pagdiriwang ay mas pinalawak at tinawag na Buwan ng Wika, at mayroong mga nagpapanukala na ito ay gawing Buwan ng mga Wika. Ito, sa aming palagay, ay isang magandang modipikasyon, sapagkat hindi lang naman Tagalog, na siyang naging basehan ng wikang Filipino, ang ginagamit na wika sa ating bansa.
Ngayong Buwan ng mga Wika, marapat marahil na pagtuunan din natin ng pansin ang ating sariling wika sa ating probinsya, ang wikang Pangasinan.
Kapag inaral ito ng bahagya ay mapapansing napakayaman nito sa iba't-ibang dahilan. Una, ito ay puno ng nakakaaliw na tongue-twisters, na kadalasan ay may schwa sound (/?/): atalangkab, agmangitaltalek, nipatingurngor, pasitsirayew...
Maraming konsepto sa wika nating ito ay may napakaraming synonyms. Halimbawa, sa aming huling tala, ang salitang 'baliw' ay may mahigit 30 na bersyon. Ayon sa Pangasinan lexicographer at umaanlong (manunula) na si Santiago Villafania, napakarami rin ng ating salita para sa 'tanul' o tunog: alaldis, alalbog, alaltog, alalsik, mapalakapak, matalangatang... Obserbasyon naman ng mananaliksik na si Ed Quiros, ang ating termino sa 'ulan' ay depende sa lakas/hina at haba nito: maya-maya, tayaketek, libog-libog, alimbusabos, siyam-siyam, nepnep...
Ilan naman sa mga salita sa Pangasinan ay may partikular na kahulugan na may kahirapang isalin ng eksakto sa ibang lenggwahe: maablir, ambaling, asagapet, oyos, dampil...
Mayaman din ang ating wika sa idyoma (idioms), na siyang lalong nagpapakulay ng husto rito, patunay na mataas ang antas ng linguistic development nito. (Basahin sa pahina ng isyung ito ang mga halimbawa.) Marami sa mga idyoma ay matalinhaga, at mayroong metaphor, metonymy, at iba pang figures of speech. Makikita rin sa mga ito na tayo ay palabiro dahil mahilig tayo sa hyperbole.
Nakapanghihinayang na marami sa ating mga salita ang 'di na ginagamit ngayon katulad ng mga nasa liriko ng "Malinac la'y Labi." Ngunit patuloy na mabubuhay ang wikang Pangasinan kung atin itong patuloy na gagamitin ng may pagmamalaki, maging sa sulat man o sa pananalita, at maituturo ng may pagpapahalaga sa mga susunod na salinlahi.
No comments:
Post a Comment