Monday, September 28, 2020

"Kumusta Ka Na?" - Editorial for September 2020

"Kumusta ka na?" -- tanong na malamang nais nating lahat na marinig mula sa mga kapamilya, kaibigan, at kakilala sa kasagsagan ng pandemya. ...Tanong na gasgas na dahil madalas sambitin, ngunit kapag galing sa puso ay masarap pakinggan kahit na may kahirapang sagutin para sa marami. 

Naitanong na ba natin ito ng masinsinan sa iba? Marahil ito na ang pinakahihintay na tanong ng ilan sa atin upang maipabatid ang nakakubling nararamdaman. Kung hindi pa ay tayo na sana ang magkusang mangumusta. Hindi natin alam kung sino sa atin ang may matinding pangangailangan. 

Sana nga lang ay di doon magtapos ang pag-uusisa kung sakali man na ang sagot na natanggap ay nangangailangan ng dagdag katanungang may malasakit. At kung kailangan na ng tulong ay sana mauwi ang kumustahan sa konkretong pagtutulungan. 

Marahil tayo mismo ay nangangailangan na marinig ang mga katagang ito. Magandang itanong ito sa ating sarili at pagnilay-nilayan sa mga sandali ng pag-iisa. Kailangang tayo mismo ay may kaliwanagan, sapagkat hindi natin kayang magbigay sa iba ng isang bagay na wala sa atin.

Kung sakaling walang magkamali ay tayo na sana ang magkusang humingi ng saklolo, sapagkat hindi kahiyahiya ang dumanas ng hirap sa panahon ngayon. Lahat naman tayo ay nagdurusa sa iba't-ibang paraan dulot ng kawalan ng kasiguruhan sa ating laban sa di nakikitang kaaway. 

Marahil dahil panay takot at pangamba ang ating nasa isip ngayon, nakakalimutan na nating huminto sa ating ginagawa at magpahinga upang pakinggan ang sarili. Ang pagkukubling ito sa ating sarili ang malimit nagiging dahilan ng mental illness. Dapat tayo mismo ang malinawan kung tayo ba ay natatakot na o nalulungkot na ng lubusan sa puntong ang ating pang-araw-araw na gawain ay naapektuhan.

Kapag malinaw sa atin ang ating pinagdadaanang mga saloobin, malinaw din sa atin kung ano dapat ang mga susunod na hakbang, kung kailangan na ba natin na gumawa ng mga bagay na magbibigay ng kapanatagan.

Iba't-ibang tao, iba't-iba rin ang pamamamaraan upang kayanin ang sitwasyon. Mayroong nagiging 'plantito' at 'plantita' upang aliwin ang sarili sa angking halina ng kalikasan. Mayroong nag-o-online selling at reselling upang magkaroon ng iba pang mapagkakakitaan. Maari nating pataasin ang mga tinaguriang happy hormones sa ating katawan sa iba't-ibang paraan bilang stress reliever. 

Ayon sa mga eksperto, kabilang sa mga pampataas ng dopamine (the reward chemical) ay ang pagkumpleto ng isang gawain, self-care o pampering services (grooming, massage, atbp.), pagkain ng masarap (huwag lang sobra, at dapat ay masustansiya at mabuti sa immune system gaya ng vitamin C at probiotics; atbp.), at pagdiriwang ng mumunting pagwagi. Pampadami naman ng oxytocin (the love hormone) ang pakikipaglaro sa alagang aso at sa sanggol, pakikipagkamay, pag-akap sa kapamilya, at pamimigay ng papuri sa iba. Pampadagdag ng serotonin (the mood stabilizer) ang pagdarasal o meditasyon, pagtakbo, pagpapaaraw, nature hiking, paglangoy, at pagbisikleta. Pampataas naman daw ng endorphin (the pain killer) ang laughter exercise, essential oils, panonood ng komedya, dark chocolate, at ehersisyo.

Maaari tayong sumangguni sa ating mga trained personnel sa RHU 1 o sa mga pari at pastor at mga lisensyadong counselor at therapist kung kailangan na talaga natin ng counseling o intervention dahil sa stress, anxiety, panic attack o depresyon. Hindi isang kahinaan ang paghingi ng tulong pangsikolohikal kapag ito ang malinaw na solusyon.

Sa pagdiriwang ng National Suicide Prevention Month, ating kumustahin ang isa't-isa upang tulung-tulong nating isulong ang kalusugang pangkaisipan o mental health para sa lahat. 

No comments:

Post a Comment