Tuesday, September 1, 2020

Social Media, Gawing Sandata Kontra Kahirapan

Social Media, Gawing Sandata Kontra Kahirapan

Kadalasan ginagamit natin ang social media network gaya ng Facebook bilang isang libangan lang at pampalipas-oras. Ang ilan naman sa atin ay ginagawa ito upang maging troll at basher gamit ang fake account.

Sa kabilang banda, may mga taong matitinik at nakakakita ng oportunidad sa makabagong teknolohiya. Gamit ang kanilang Facebook page, sila ay nagpopost ng larawan ng kanilang mga paninda para malaman ng kanilang mga kaibigan at contacts. Karamihan sa kanilang ibinibenta ay pagkaing panghimagas tulad ng kakanin at iba pa.

Usong-uso ngayon ang online shopping, at bihira sa mga may disposable income ang walang smartphone. Kaya ibig sabihin nito ay napakadali nang mag-advertise sa social media ng mga produkto, ano pa man ito, sa halip na magselfie lang o magforward ng fake news. Mainam ding magamit ang account upang gumawa ng panawagan para makatulong sa mga hikahos sa buhay at iba pang may matinding pangangailangan.

Gamit ang social media, iba't-ibang mga produkto at serbisyo ang maaaring gawing pangkabuhayan, propesyunal ka man o hindi. Ilan dito ay home service massage, haircut, mani-pedi, o cell phone, aircon o electronic repair. Maaari ring proof-reading, writing at editing services, tutorial, online assistant services, o kaya ay  direct selling ng mga organic farm produce, na may extra-charge siyempre para door-to-door delivery. ...O kaya’y assistance sa senior citizens o PWDs tulad ng home chores, pamamalengke, rolling sari-sari store, caregiving, o transport services na parang Grab o Uber. Napakarami ng oportunidad online, kahit ilang pindot lang ang kailangan sa FB Messenger. I-PM lang o i-email lang ang kliyente at mapapabilis na ang transaksyon – di na kailangan pa ang koreo, landline phone, at iba pang makalumang teknolohiya. Ayon sa Wired magazine, ang mga marurunong sa computer programming ay kayang-kayang gumawa ng mga app (computer applications) para sa mga layuning ito.

Uso rin ngayon ang mga YouTube superstars, na kumikita sa mga sponsored ads matapos magpost ng vlog o video na may temang kinagigiliwan ng libu-libong ‘followers,’ maging ito may ay ukol sa pagluluto, gardening, pagpapatawa, atbp.

Atin sanang pagmasdan ang ating paligid at suriin ang pangangailangan ng iba na maaari nating punuan. Baka nasa social media lang ang sagot sa ating mga pangarap? Gawin sana nating lahat ito na sandata upang tulungang magapi ang kahirapan sa bayan ng Bayambang.

(Ito ay hindi upang ipromote ang anumang produkto/kalakal, negosyo, komersyante, o business entity, kundi ukol sa laban ng bayan ng Bayambang kontra kahirapan.)

No comments:

Post a Comment