Tuesday, February 27, 2024

Editorial - February 2024 - Basura Blues

Basura Blues

 

Sa tuwing ang usapan ay napupunta tungkol sa basura, kami ay madaling mapikon at tumaas ang presyon. Ito ay dahil sa dami ng aming nagiging katanungan ukol sa mga maling nakagawian nating mga Pilipino pagdating sa isyung ito.

Halimbawa: Bakit hindi natin kayang tularan ang mga Hapones pagdating sa kalinisan at kaayusan? Tayo ay humahanga sa kanilang kalinisan, ngunit hindi ba natin kaya itong tapatan kung talagang gugustuhin?

Ano kaya ang umaandar sa isip ng mga kababaayan nating walang pakundangan kung magtapon ng basura sa daan, sa kanal, at kung saan-saan? Hindi ba sila tinuruan ng tama ng kani-kanilang magulang habang lumalaki? Anu-ano ba ang kanilang mga narinig na aral, or hindi narinig, sa paaralan, sa simbahan?

Ano bang uri ng mga tao ang kayang magtrato sa kanilang sariling bayan bilang kanilang pribadong basurahan at palikuran?

Ano kaya ang turing nila sa kanilang sitio, purok, barangay, bayan, bansa, o ang kanilang pagiging mamamayang Pilipino?

Hindi ba natin mahal ang ating sariling lugar? Hindi ba tayo proud sa kung sino tayo? Kung hindi, bakit ganun na lang kung tratuhin ito ng marami sa atin na parang balewala? Hindi ba natin nirerespeto ang ating mga sarili?

Bakit kaya kailangan pa na ang lokal na pamahalaan mismo ang magpulot ng basura ng mga residente sa daan? (Para sa kaalaman ng lahat, ang mandato ng EWSMO ay mangolekta lamang ng mga inipong basura at i-manage ang nakolekta.) Bakit hindi natin kayang pangalagaan ang ating sariling lugar nang hindi na kinakailangang pang abisuhan ng gobyerno?

Ito ay ilan sa mga katanungang sabay-sabay na pumupukaw sa aming isipan sa tuwing nakakakita kami ng kahit isang piraso ng basura na hindi maayos na itinapon, lalo na kapag ang basurahan ay ilang hakbang na lamang. Masakit ito sa aming kalooban, kung kaya’t kami ay napapailing na lang kasabay ng mga tanong.

Maliban sa tila kawalan ng respeto sa sarili at tahasang kawalan ng pagmamahal sa sariling pamayanan at bayan, marahil ang isang malaking dahilan ay ang umiiral ang kultura natin kung saan masyado tayong nakaasa sa ibang tao na siyang pupulot at magdadakot ng kalat natin saan man natin ito itapon. Para bagang palaging may isang robot sa likod natin na laging handang lumamon ng ating basura kahit ’di ito inuutusan.

Sa kasalukuyan, ang lokal na pamahalaan ay muling naglulunsad ng kampanya upang pigilan ang mga taong kung tratuhin na lang ang ating kapaligiran ay para itong isa lang kadiring palikuran. Kaya naman tayo ay nakikiusap sa lahat ng ating mga kababayan na makiisa, dahil basta’t Bayambangueño ay inaasahang maging disiplinado at dahil bawal ang dugyot, burara, at salaula rito.

Mahalin natin ang ating sarili, sapagkat wala tayong ibang aasahang gawin ito kundi tayo mismo. Mahalin natin ang ating bayan, dahil ito ay nag-iisa lamang. Kailan at saan pa ba natin nais mabuhay ng marangal, malinis, maayos, at masaya, kundi ngayon na, kundi dito rin?

No comments:

Post a Comment