Saturday, January 27, 2024

Editorial - January 2024: AI: Mabuti ba o Masama?

AI: Mabuti ba o Masama?

 

Noong huling bahagi ng taong 2023, biglang nauso ang AI o artificial intelligence, at kabilang sa mga computer applications na naging popular sa madla ang ChatGPT at Google Bard sa mga nagsusulat, at ang PhotoLab na kinaaliwan ng halos lahat ng mayroong Facebook account, dahil ginawa nitong batang-bata at kaibig-ibig ang bersyon ng mga in-upload na profile picture. Medyo nakakabigla at kahanga-hanga ang kayang gawin ng AI, sa pagsusulat man, paggawa ng mga imahe, o iba pang gawain. Ngunit mapapaisip rin tayo sa mga kaakibat na mga tanong sa kabila ng pag-usbong nito, kabilang na ang mga kalakip na banta sa ating pamumuhay at lipunan.

 

Isa sa mga pangunahing benepisyo ng AI ay ang kahusayan nito sa paglutas ng mga problema at pagpapabilis ng mga proseso sa paggawa, lalo na sa mga gawain sa gobyerno at sa larangan ng medisina, siyensya, edukasyon, at iba pang sektor. Sa pamamagitan ng malalim na pagsusuri ng mga datos, maaaring makabuo ang generative technology na ito ng mga estratehiya at solusyon na mas epektibo kaysa sa mga nakasanayang pamamaraan. Sa larangan ng kalusugan, halimbawa, nagiging mas epektibo ang AI sa pag-diagnose ng mga sakit at pagpaplano ng mga pamamaraan ng paggamot. Sa edukasyon, ito ay nagiging instrumento para sa personalisadong pagtuturo at nagbibigay ng maingat na pagsusuri sa pangangailangan ng bawat mag-aaral.

 

Sinusubukan kamakailan ng ating mga manunulat ang bagong teknolohiyang ito, at kami ay namangha na kaya nitong gumawa ng isang liham at sanaysay na sumusunod sa mga pamantayan. Sinubukan din naming magpagawa ng isang editoryal, at sa loob ng ilang segundo lamang ay kinaya nitong gumawa ng isang lohikal at kumpletong akda ukol sa isang mainit na isyu.

 

Minsan ay sinubukan din naming pagsulatin ito ng kasaysayan ng ating bayan ng Bayambang. Subalit sa pagkakatong ito, kami ay napahalakhak na lamang, dahil ang inilabas nitong output ay isang bersyon ng lokal na kasaysayan na aming in-upload sa isang website (blog) ilang taon na ang nakakaraan. At hindi man lang isinaad sa resulta kung saan kinopya ang nasabing akda.

 

Nakakatuwa, ngunit nakakabahala: ito ang aming saloobin ukol sa potensyal na disruptive technology na ito. Marami itong maaaring paggamitan para sa kabutihan dahil lubhang mapapadali na nito ang maraming nakakapagod at paulit-ulit na proseso sa trabaho. May potensyal din itong makapaglikha ng mga bagong uri ng trabaho. Ngunit may panganib din itong dala. Maaari nitong palitan ang maraming manggagawa sa isang iglap lamang, at nakakabahala rin at 'di kanais-nais ang walang pakundangan nitong paggamit ng akda ng iba nang wala man lang pahintulot.

 

Samakatwid, kinakailangan nating maging mapanuri at maingat sa pagtanggap at paggamit ng teknolohiyang ito sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagsasaliksik. Sa ating naisin na umangat at umunlad, mayroon din tayong responsibilidad na protektahan ang kapakanan ng lahat ng maapektuhan.

 

Sa mga posibleng maapektuhan naman ng AI ang kanilang hanapbuhay, mainam na ngayon pa lamang ay tuklasin na ang mga dapat nilang gawin upang makasabay sa panahon, masakyan ang makabagong teknolohiya, at makaiwas sa mga maaaring masamang idulot nito.

 

 

No comments:

Post a Comment