Editorial
Isang Taong Pagpapala
Ang tunay na mabuting pamamahala ay nagbubunga ng mabubuting gawa na nauuwi sa mga pagpapala. Sa taong 2023, marami tayong dapat ipagpasalamat.
Ating binuksan ang RHU VI sa Mangayao, inexpand ang operating room ng Bayambang District Hospital, nirepossess ang Bayambang Central School kahit umaandar pa ang kaso, naging puspusan ang wire-clearing operations para maging maaliwalas ang mga daan sa sentro, nakasecure ng pondo para sa Wawa Bridge sa tulong ni Congresswoman Rachel Arenas, at nakatanggap ng sunud-sunod na grant (P30M DPWH-DOT, P10M DA Swine Project, P5M DA Kadiwa). Bukod sa wing van para sa mga magsasaka at bagong sasakyan ng MSWDO, may parating tayong dalawang bagong dumptruck at isang bagong ambulansya.
Hindi tayo nakaligtas sa bahang ibinuhos ng bagyong ‘Paeng,’ ngunit salamat pa rin at nairaos natin ang mga araw na yun dahil sa pagtutulungan ng lahat ng ahensya at departamento.
Ang pagputok ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay nakasama siyempre sa ekonomiya ng bansa at pati na rin sa lokal na ekonomiya dahil sa pagtaas ng inflation rate at mga presyo. Kaya naman sinikap nating magbigay ng mga oportunidad sa ating kababayan upang makatanggap ng iba’t- ibang uri ng ayuda, makatipid sa mga gastusin, at magkaroon ng mga oportunidad upang kumita. Isa sa mga ginawa nating paraan upang makatipid sa kuryente ay ang pagconvert sa solar power.
Habang nagbigay din ng agam-agam ang pagsiklab ng giyera sa pagitan ng Israel at grupong Hamas sa Palestine, patuloy tayong nagpakatatag at ginawa ang nararapat: ang ipagpatuloy ang mga nasimulang pagtulong sa ating mga mahihirap na kababayan sa iba’t-ibang pamamaraan.
Di nanalo sa Miss Universe ang pambato ng Pilipinas, ngunit sa pinakaunang pagkakataon, nakakuha naman ang LGU ng unmodified opinion mula sa Commission on Audit at nasungkit pa natin ang ISO 9001:2015 certification, na siyang nagtatakda ng isang quality management system para masiguro ang de kalidad na serbisyo publiko.
Dahil nauso ang AI (artificial intelligence) gamit ang ChatGPT atbp., sinubukan natin ito upang mapadali ang trabaho. Dahil sumabog ang ilang balita ng hacking ng PhilHealth data at iba pa, pinag-usapan natin ng masinsinan ang ukol sa data privacy at cybersecurity.
Habang ang lahat ay nakatutok sa hiwalayang KathNiel sa pagtatapos ng taon, nakabuo naman tayo ng isang trending at Instagrammable na tourism project at nagbigay ng tuwa’t saya sa madla: ang Japan-inspired Paskuhan sa Bayambang 2023 na dinayo ng napakaraming turista at magiliw na kinover ng mga vlogger at media mula sa iba’t-ibang panig, pati na rin ang kauna-unahang 3D LED screen sa bansa sa labas ng Metro Manila.
Di nakapagtataka kung gayon na sa pagsasara ng taon ay humakot tayo ng iba’t-ibang parangal sa halos lahat ng aspeto ng pamamahala. Tunay nga na ang administrasyong Quiambao-Sabangan 2.0 ay hindi puro salita kundi puro gawa na nagbubunga ng tunay na pagbabago: nakikita, nadarama, nalalasap hindi lang ng iilan kundi ng lahat. Datapwat marami rin ang naging balakid na kinaharap at marami-rami pa ring dapat maisakatuparan sa lalong madaling panahon, marami sa mga ito ay kasalukuyan nang pinagkaka-abalahang paghandaan at unti-unting tapusin: Ligue Elementary School, Bayambang Central Terminal sa PSU, Bayambang Pump Irritation Project, Pantol to San Gabriel Farm-to-Market Road with Bridges Project, Septage System, Municipal Bonery, atbp.
No comments:
Post a Comment