ISO Audit: Para Saan Ba?
Sa mabilis na pag-inog ng buhay sa anumang larangan, kabilang ang pamamahala at negosyo, nahaharap ang lahat ng organisasyon sa malaking hamon na panatilihing mataas ang pamantayan ng kalidad at kahusayan. Upang patuloy ang pag-unlad, dapat na patuloy na tasahin at pagbutihin ang mga proseso ng paggawa sa loob ng organisasyon. Ang isang epektibong paraan upang makamit ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga pamantayang kinikilala sa buong mundo tulad ng ISO (International Organization for Standardization) 9001:2015 – Quality Management Systems (QMS).
Hindi sapat ang pagpapatibay lamang ng mga pamantayang ito; kinakailangan ang regular na pag-audit mula sa isang respetado at kilalang independent third-party na certifying body upang matiyak, hindi lamang ang pagsunod sa naturang pamantayan, kundi ang pagsiguro rin ng patuloy na pag-unlad at pag-ani ng mga benepisyo nito.
Kaya naman ang LGU-Bayambang ay puspusan ang pagsisikap upang makamit ang ISO 9001:2015 kahit batid ng lahat kung gaano ito kabusisi sa dokumentasyon at lalo na sa aktuwal na implementasyon.
Anu-ano nga ba ang mga mapapala natin kapag ang ating bayan ay sertipikado na sa ISO 9001:2015? Marami.
Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
(1) patunay ng pagsunod sa mga pandaigdigang pamantayan sa quality management
(2) patuloy na pagpapabuti (continuous improvement) ng operasyon
(3) paglakas ng kumpiyansa ng mga kliyente/customer sa pamahalaang lokal
(4) pagharap sa mga maaaring panganib sa mga proseso ng organisasyon
(5) pakikiisa ng empleyado sa mga proseso ng Munisipyo.
Kaya sa aming palagay, isang mahalagang investment ang makakuha ng sertipikasyon para sa ISO 9001:2015.
Sa maingat na pagsusuri sa mga proseso, dokumentasyon, at sukatan ng pagsunod sa mga quality standards, malinaw na matutukoy ng mga auditor ang anumang mga paglihis o hindi pagsunod sa pamantayan. Kapag may tamang analysis at ‘diagnosis,’ mas madali nang makahanap ng ‘gamot’ o lunas; ang mga nonconformity na nagdudulot ng mga balakid sa maayos na pagbibigay-serbisyo ay mas madali nang maaksyunan.
At kapag nakasanayan na ng lahat ang kultura ng continuous improvement sa LGU, magiging natural na bagay na lamang sa mga pinuno at kawani ang pagbibigay ng pinakamataas na kalidad ng serbisyo-publiko.
Tama, sa huli ay ikaw na taumbayan, kami sa gobyernong lokal, at tayong lahat na BayambangueƱo ang makikinabang sa isang matagumpay na ISO 9001:2015 certification.
No comments:
Post a Comment