Pagkaing Masustansya, Gawing
Abot-Kaya
Sa
patuloy na pagtaas ng bilihin ngayon, kailangan nating maging madiskarte sa
buhay. Pagdating sa mapagkukunan ng makakain sa araw-araw, kailangan nating
maging maparaan. Mabuti naman at ito ang napiling tema ngayon para sa Nutrition
Month 2023 ng National Nutrition Council sapagkat ito ay naaakma.
Kaya
naman ang Bayambang Municipal Nutrition Council ay naging puspusan ang
pag-iisip ng mga pamamaraan kung paano makatutulong sa puntong ito.
Isa sa
mga naisip na puwedeng gawin ay ang pagpapaigting ng backyard gardening na
matagal nang isinusulong ng Quiambao-Sabangan administration. Nagkaroon pa nga ng
nursery kada barangay upang masiguradong patuloy ang proyekto. Kailangan lamang
na buhaying muli ang mga napabayaang taniman. Kung maaari, lahat ng bakanteng
espasyo ay tamnan, at kung kinakailangang magtanim sa mga paso gamit ang
recycled water bottles ay gawin ito. Kung talagang walang espasyo ay puwede
namang subukan ang vertical gardening na usung-uso ngayon.
Maaari
ring magtayo ang isang sambahayan ng mga punong maaaring igulay gaya ng
malunggay na sagana sa mga bitamina, mineral, at maging protina. Mainam na
isama na rin ang pagtatanim ng mga fruit-bearing trees upang libreng mapagkunan
ng mga masasarap at masusustansyang prutas.
Kung may oras pa at espasyo ang
pamilya, lalong mas makatutulong kung may alagang manok, pato, kambing, baboy,
at baka bilang mapagkukunan ng libre at sariwang itlog, karne, at gatas.
Isa ring
posibilidad ang magtayo ng isang small-scale backyard fishery upang
makapagpalaki ng tilapia at hito na maaaring gawing ulam at pangbenta. Isa pa
ay ang aquaponics na isang teknolohiya kung saan maaaring makapagtanim ng mga
gulay nang walang gamit na lupa habang ang tubig na gamit pang-irigasyon ay may
laman ding mga alagang isda.
Usung-uso
rin ngayon sa social media (dito man o maging sa ibang bansa) ang foraging,
kung saan sinusubukang ibalik ang sinaunang istilo ng paghahanap ng libre, masustansya,
ngunit nakaligtaan nang mga pagkain. Ito ay ang pag-iikot sa mga parang at
ilang na lugar upang maggapas ng mga tradisyunal na pagkaing tila nakalimutan
na, kabilang ang mga herbs na itinuturing lamang natin na pagkain ng baboy
ngunit sagana pala sa sustansiya gaya ng ngalub (purslane o Portulaca oleracea)
na nagkalat sa mga bukirin ng Bayambang.
Kapag
sumobra ang ating ani, maaari natin itong ibarter sa mga kapitbahay o sa social
media para sa iba nating pangangailangan.
Sa
pamamagitan ng mga istratehiyang ito, ang “healthy food ay magiging affordable
for all,” gaya ng sabi ng tema ng taon.
No comments:
Post a Comment