Thursday, April 6, 2023

Pangasinan Ka Nga Kung…

Pangasinan Ka Nga Kung…

“Anu-ano ang senyales na Pangasinan ang kausap mo?” Tanong ito ng isang netizen na nakapost sa Facebook at umani ng daan-daang kasagutan.

Kung taga-Pangasinan ka at napadpad halimbawa sa Maynila, marami kang senyales sa kasalamuha mo na kaparehong Pangasinense ka nga kahit hindi ka pa man nagpapakilala dahil sa iyong pananalita. Agad niyang masasabi na Pangasinan o Pangasinense ka kung...

1. Halatado sa accent mo.
May tono ng pananalita ang karaniwan sa mga Pangasinense, at ito ay madaling madetect ng kapwa Pangasinense kahit hindi ka pa nagpapakilala bilang taga-Pangasinan.

2. Tulad ng mga Bisaya, matigas ang bigkas mo sa mga katagang may /e/ at /o/.
Kadalasan, ang dalawang vowel o patinig na ito ay nagiging /i/ at /u/. Bukod diyan ay may karagdagan pang vowel sound na malimit marinig sa mga Pangasinan: ang schwa: /ə/ o /ë/.

3. May mga salita o expression ka na kadalasan mong dala-dala kahit pa nag-Tatagalog ka na.
Kabilang dito ang sirin, ey, ta, kuwan, neh, ay, atbp. Ito ay katulad ng mga katagang ngay (Apay ngay?) at ngarod (Wen ngarod.) sa Ilocano at gani sa Bisaya (Punta ka gani dito.).
Halimbawa:
Bakit ey? (Eh bakit?)
Kumain ka na sirin. (Walang translation sa Tagalog, pero halos katulad ng, Kumain ka na nga.)
Bakit mo ako pinagagalitan, ta hindi ako ang kumuha niyan? (Maaaring gamitin ang ta bilang eh, dahil, para, atbp.)
Wala akong ginagawa balet? (Ang balet ay kahalintulad ng pero sa Tagalog at but o though sa Ingles.)
Neh, may sasabihin ako. (Hey, I want to say something.)
Ganito ay... (It's like this...)

4. Malimit kang malito sa ilang mga salita na akala mo ay Tagalog ngunit hindi pala dahil may hawig na salita ang mga ito sa Pangasinan.
Halimbawa:
Maga na ang mga sinampay. (Ang amaga ay tuyo sa Pangasinan.)
Pabili nga ng taba. (Ang taba ay mantika sa Pangasinan.)
Luto na yung aratiles. (Ang aluto ay hinog sa Pangasinan.)
Guyudin mo nga yong upuan. (Ang guyor ay hila sa Pangasinan.)

5. Natatawa ka na lang bigla sa ilang salita sa Tagalog dahil iba ang ibig sabihin nito sa Pangasinan. Sa mga hindi nakakaintindi ng Pangasinan, marami sa mga salitang ito ay napagkakamalang bulgar o bastos.

Anto tan? – Ano yan?
Titi – iprito ang taba (ng baboy, halimbawa) hanggang sa lumabas ang mantika nito; to render the fat or fried in its own oil
Kiki – kilitiin; to tickle
Mabayag o bayag – matagal, ang tagal; tagal; taking so long
Utong – talbos; plant shoot
Akin - bakit; why
Labi - gabi; night
Sira - isda; fish
Utot - daga; rat
Lima - kamay; hand

5.1 Kung nalilito ka at natatawa sa salitang wala.
Sa Pangasinan, ang walá ay meron sa Tagalog, at ang kabaligtaran nito ay anggapo o walâ sa Tagalog. Kaya’t kapag ang dalawang Pangasinense ay nagsuswitch sa Pangasinan at Tagalog at ginamit ang walá (meron), kalimitan itong napagkakamalang walâ sa Tagalog o none sa Ingles. Kaya’t minsan ay ganito ang nagiging takbo ng usapan:
Person A: Walâ o walá?!?
Person B: Anggapo!
Kung gusto mong lalo pang malito, sa Pangasinan, may expression na “Angapo’y walá,” na ang ibig sabihin ay “Wala yun” o “That’s nothing” o “Don’t mention it” sa Ingles na karaniwang agot kung may nagpasalamat sa iyo sa kabutihang ginawa mo.

6. Ikaw ay madalas gumamit ng filler word na kuwan kapag di mo maalaala ang salitang Tagalog para sa kahit anong bagay.
Halimbawa:
Ay, kuwan, tara, punta na tayo dun.

7. May mga unique ka na mura at iba pang telling words o expressions na bigla mo na lang ihahalo o isisingit sa Tagalog.
Narito ang ilang halimbawa at medyo katumbas na expression sa Tagalog.

Amay kiyen (Yung ano)
Ay əh/ëh! (Ah oo)
Anak na lasi! (Anak ng pating!)
Ay lasi ka! (Naku ka!)
Ay agi! (Hala! O Ay naku!)
Agabangatan! (Langya ka!)
Agay la! Agay la ya! (Ano ba yan!)
Baoninam! (P*tang ina/P*tang ina mo!)

Kahit ano pang deny ang gawin mo ay matatawa na lang ang kausap mo at sasabihin sa sariling, “Confirmed!” dahil sa mga matitibay na senyales na ito na ikaw nga ay isang Pangasinense.

Contributors: Members of Bayambang Culture Mapping Project: Joseph Anthony Quinto, Luzviminda B. Cayabyab, Elmina Q. Paras, Watus Solis, Vince Ferreria, Gernalyn Santos, Danny Sagun, Cesar A. Tagulao Jr., Rodrigo Austria, Kevinlee Padilla, et al.

No comments:

Post a Comment