Sunday, October 16, 2022

Editorial - October 2022 - Museo: Para Saan Ba?

EDITORIAL (October 2022)

 

Museo: Para Saan Ba?

Nakakain ba ang kasaysayan, sining, at kultura? Para saan ba ang isang museo, lalo na't may mataas na inflation rate sa ngayon? Ang mga tanong na ito malamang ang naglalaro sa isipan ng karamihan sa ginawang pagbubukas ng Bayambang Museum: Home of Innovation noong Oktubre 11, 2022. 

Una sa lahat, ang proyektong ito ay noong taong 2016 pa naisip ng pamunuan ng LGU -- naantala lamang ang pagsasakatuparan.

Pangalawa, maraming gamit ang pasilidad na ito.

1. Fosters identity. Isinusulong nito ang pagkakakilanlan natin sa ating sarili bilang isang bayan, kabilang na ang kuwento ng ating pinagmulan, na nanganganib makalimutan ng mga kabataan kapag tuluyang kakalimutan. Kapag wala tayong sariling kuwento bilang isang bayan, wala tayong panghahawakang pagkakaiba sa iba pang bayan.

2. Preserves local culture and traditions.  Pinipreserba nito hindi lang ang ating kasaysayan, kundi pati na rin ang ating mga unique cultural markers o yamang kultural na tatak Bayambang. Ang mga tatak na ito na natatangi sa Bayambang ay unti-unting nadiskubre matapos ang isang masusing cultural inventory, ang matagumpay at award-winning na Bayambang Culture Mapping Project.

3. Instills pride of place. Kapag may kaalaman tayo ukol sa mga bagay na natatangi at dapat nating ipagmalaki, magkakaroon tayong lahat ng pagpapahalaga sa pagiging mga Bayambangueño. Isasapuso natin ang bagay na ito at pagyayamanin. 

4. Serves as show window to visitors. Ang museo ay hindi lamang para sa ating sarili, kundi pati na rin sa mga hindi taga-Bayambang. Magsisilbi itong isang bahay kung saan maaari nating ipakilala at ipagmalaki sa mga bisita kung ano at sino tayo.

5. Supports education and research. Dahil naglalaman ito ng mga mahahalagang materyal tulad ng mga aklat at artifacts, ang museo ay isa ring lugar para sa lahat ng interesadong magsaliksik ukol sa ating kasaysayan, kultura, at sining, mapag-taga-Bayambang man o bisita sa ating lugar, at ang relasyon nito sa kasaysayan, kultura, at sining ng ibang lugar.

6. Provokes thought and inspires creativity. Dahil ang isang museo ay isang tahanan ng makabuluhan at malayang pagpapahayag, ang pagbisita rito ay nakakahikayat sa lahat na magkaroon ng bukas at mapagpalayang kaisipan at pagkamalikhain sa anumang paraan na kapakipakinabang sa lahat. 

7. Serves as income-generating tourist attraction. Ang pasilidad na ito ay ginastusan ng malaki at nangangailangan ng sapat na pondo upang mapanatiling maayos at kapanapanabik puntahan, kaya't mainam na ito'y maging self-sufficient sa pamamagitan ng income-generating activities gaya ng coffeshop operation at sale ng souvenirs.

8. Functions as instrument of nation-building. Ang kawalan ng kamalayan sa halaga ng isang pasilidad gaya ng isang museo at mga akda ukol sa lokal na kasaysayan, sining, at kultura ay nagdudulot ng mababang pagtingin sa sarili at sa tinubuang bayan. Ito ay nauuwi sa pagbabalewala sa sariling pamanang lahi (historical and cultural heritage) at sa common good o kapakanan ng sariling bayan at buong komunidad. Kaya’t malaki ang papel ng isang museo upang tumulong masolusyunan ito.

9. Addresses a deeper form of poverty. Ang Bayambang Museum: Home of Innovation at ang Culture Mapping Project na kaakibat at pinagbasehan nito ay bagkus naaayon sa ating kasalukuyang Rebolusyon Laban sa Kahirapan, sapagkat ang kakulangan ng pag-ibig sa sarili, at sa sariling bayan, ay isa ring uri ng pagdarahop, isa ring malaking bagay na nagdudulot ng kahirapan sa kamalayan. Malalim ang epekto ng pagdarahop na ito, at siguradong nakakaapekto ito sa lahat ng aspeto ng buhay. 

Tama ang ekspresyon na "We shouldn't live in the past" (Di tayo dapat mamuhay sa nakaraan), ngunit di ito nangangahulugan na kailangang itapon o isantabi na lamang ang mga kuwento at aral nito, sapagkat ang nakaraan ang susi sa kasalukuyan at sa hinaharap. Kung marunong lang tayong minahin ang mga mayamang pamana mula pa sa ating mga ninuno, mapa-kuwento, bagay, o kaugalian man, tiyak na pagyayamanin nito ang ating buhay tungo sa kaunlaran, 'di lamang sa ekonomikal na aspeto kundi sa ating buong pagkatao.

 

No comments:

Post a Comment