Prayoridad ang Mentalidad
Nakatutuwa ang pagtutok ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa usapin ng mental health. Ito ay napapanahon sapagkat marami ang nangangailangan. Alam naman natin kung anong takot at pangamba ang idinulot ng pandemya sa lahat, kabilang na ang mga restriksyon na kinailangang isagawa. Ang isyung ito ay hindi maaaring isantabi na lamang.
Marami ang naapektuhan ang hanapbuhay at pang-araw-araw na gawain, at siyempre nagdulot ito ng alalahanin, lalo na ukol sa hinaharap. Dahil dito, maaaring ang ilan sa atin ay nagkaroon ng pagkabalisa (anxiety), panic attack, depresyon, insomnia, atbp., at di malaman ang gagawin. Mayroon pa ngang mga ulat ng pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy, rape, at suicide na siguradong mayroon ding malalim na pinanghuhugutan.
Idagdag pa riyan ang matinding kakulangan sa mga taong may kakayahang i-diagnose at gamutin ang mga ito ng tama, gaya ng psychologist, neurologist, counselor, at psychotherapist.
Kaya’t kami ay nagagalak sa bagong adbokasiya ng administrasyon ukol sa mental health, at ang pagfocus dito ng mga departamento at ahensya gaya ng ating mga RHU, kasama ang DOH at MSWDO. Naaayon ito sa bagong-pasang batas na Republic Act 11036 o Mental Health Act of 2018.
Gaya ng maliliit ngunit makabuluhang aktibidad tulad ng “Hanash Wall” ni Mayor Niña at information campaign ng mga RHU, kanyang binibigyang importansya ang kalusugan sa kaisipan bilang parte ng overall health and well-being ng lahat. Inaalis niya ang stigma sa mga taong naghahanap ng lunas sa kanilang malalim na isyu sa buhay na pinag-uugatan ng iba pang concerns. Sino ba naman sa atin ang perfect at wala ni kaunting topak sa katawan o kabaliwan?
Naaayon din ang pagtutok na ito sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan sapagkat isa ring uri ng pagdarahop ang kawalan ng peace of mind at mental wellness. Kapag maraming bumabagabag sa ating isipan ay tiyak na hindi tayo magiging produktibo.
Ang malusog na kaisipan ay katerno palagi ng malusog
na pangangatawan, upang masabi nating ang isang indibidwal ay tunay na buo at
may kagalingan.
No comments:
Post a Comment