Mamili: Pangarap? O Panandaliang Sarap?
Kabataan diumano ang mga pag-asa ng bayan. …Mga batang pilit pinapanday ang katalinuhan at kagalingan sa eskuwelahan sapagkat sila ang inaasahang papalit na mamuno sa kanilang bayan balang araw sa lahat ng larangan. Sila rin ang hinihintay na mag-angat sa bansa mula sa pagkakasadlak sa kahirapan. Ngunit tila ba nakabibingi ang ugong ng mga balita – si nene nabuntis ni totoy nang maaga at sa murang mga edad ay nagkaroon ng supling na pasan-pasan sa kalsada.
Ito ang reyalidad natin sa ngayon. Ayon sa datos, tumataas ang bilang ng mga kababaihan na edad 15 hanggang 19 ang nabubuntis nang wala sa tamang panahon. Nang dahil sa isang iglap na nadamang kaligayahan, ang kasunod ay ang pagpasan sa responsibilidad na hindi napaghandaan.
Marami tayong maaaring sisihin sa ganitong kapariwaraan: mga magulang na di nasusubaybayan ang anak, social media, entertainment media, pornograpiya, peer pressure, at iba pang di magandang role models at impluwensiya sa lipunan, kakulangan sa edukasyon at siyentipikong kaalaman, kakulangan sa gabay sa moralidad at pang-ispiritwal, atbp. Ngunit huwag nating kalimutan na, sa huli’t-huli, mismong ang dalawang teenager ang nagdesisyon at pumili sa maling landas ng teenage sex.
Nakakaalarma ang teenage sex at pregnancy, sapagkat di ito dapat nagaganap sa mga kabataang dapat ay nakafocus pa lamang sa paglalaro, pag-aaral, at pagdidiskubre sa mundong ginagalawan. Bukod dito, delikado sa mga kababaihan ang maagang pagbubuntis. Maaaring malagay sa peligro ang sariling buhay pati na ng buhay ng bata sa sinapupunan sapagkat wala pang kamuwang-muwang sa mga maaaring gawin sa panahon ng panganganak. At sa mga kabataang lalaking nakabuntis naman, ano ang aasahan nilang magiging hanapbuhay para ipangtustos sa kanilang biglaang pagkakaroon ng supling?
"Ang hindi marunong maghintay, madalas ay maagang nagiging nanay (o tatay)." Ito ang kasabihan na madalas nating marinig mula sa mga nakatatanda. Palagi nating tatandaan na sa simula lamang ang panandaliang sarap, ngunit kasunod nito ay pangmatagalang hirap.
Kaya sa lahat ng nene at totoy: Kayo ay mag-isip-isip bago mag-unzip! Huwag ipagpalit ang pansamantalang sarap sa inyong mga pangarap.
No comments:
Post a Comment