GOOD GOVERNANCE
Higit 100 Katao, Nagwithdraw ng Suporta sa CTGs
Sa inisyatibo ng Regional Intelligence Unit 1 ng PNP Intelligence Group, naganap ang Mass Withdrawal of Support to Communist Terrorist Group (CTGs) ng higit isang-daang miyembro ng Ulupan na Umbaley ed Camp Gregg Military Reservation noong April 11 sa Events Center. Ang nasabing grupo na konektado sa tinaguriang CTGs ay kusang-loob at buong-pusong nagpahayag ng kanilang suporta sa lokal na pamahalaan at sa gobyerno ng Pilipinas. Saksi sa kaganapang ito ang mga opisyal ng PNP at LGU-Bayambang sa pangunguna ni Mayor Cezar Quiambao. Nagpayo ang alkalde sa mga nagsipagbalik-loob na panatilihin ang patriotismo subalit sumama sa rebolusyon na hindi laban sa pamahalaan, kundi sa rebolusyon laban sa kahirapan.
Training on Annual Investment Programming and Budgeting
Noong April 22, nag-organisa and Municipal Budget Office at Planning and Development Office ng Training on Annual Investment Programming and Budgeting sa Balon Bayambang Events Center. Ang aktibidad na ito ay parte ng adhikain ng Team Quiambao-Sabangan na maiangat ang antas ng pamamahala ng mga pinuno ng Munisipyo sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano ng mga annual investment at masinop na pagbubudget ng mga pondo mula sa kaban ng bayan.
Influential Leaders Master Class
Isang Leadership Development Seminar na pinamagatang "Influential Leaders Masterclass" ang inorganisa ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo Bautista Jr., para sa lahat ng department at unit heads noong April 18 hanggang 20. Ito ay ginanap sa Mayor’s Conference Room at Balon Bayambang Events Center. Dito ay naging resource speaker si Ms. Marie Antoniette ‘Toni’ Miranda, isang kilalang image consultant at motivational speaker. Bagama't abala ang lahat sa kani-kanilang opisina ay naglaan ang bawat isa ng oras sa aktibidad na ito bilang pagtanggap ng oportunidad na mas malinang pa ang kanilang kaalaman sa pamumuno at pagbibigay ng tamang gabay sa kanilang mga tauhan.
Citizen's Charter, Nakatakdang Iupdate
Noong April 26, tinipon ng MPDC at ICTO ang lahat ng departamento ng Munisipyo upang pag-usapan ang pag-uupdate sa kani-kanilang Citizen's Charter at pagsulat ng sariling Citizen's Charter para naman sa mga tanggapang hindi frontliner na wala pa nito. Ito ay upang masiguro na ang Citizen's Charter ay tumutugma sa itinatatag na Quality Management System ng LGU na isang requirement upang makakuha ng ISO 9001:2015 certification. Sa updated na Citizen's Charter, mas lalong maliliwanagan ang publiko ukol sa mas pinabilis at transparent na proseso ng iba't ibang transaksyon sa Munisipyo.
DILG R1 Assessment Team, Dumating para sa SGLG
Naging abala ang lahat ng pinuno ng LGU-Bayambang at national line agencies sa pagdating ng Regional Assessment Team ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Office 1 upang mag-evaluate para sa Seal of Good Local Governance. Ang evaluation team ay pinamunuan ni Local Government Operations Officer (LGOO) Rogelio Quitola, kasama sina LGOO Arianne Peralta, at CSO partner na si Ptr. Dante Serios at mga kasamahan nitong chaplains ng iba't ibang religious groups. Kasama rin sa mga bumisita ang Provincial Director ng DILG Pangasinan na si Dir. Paulino Lalata. Ang mga panauhin ay inilibot ni MLGOO Royolita Rosario kasama ang ilang concerned department heads sa lahat ng pampublikong pasilidad ng bayan upang mag-inspeksiyon. Kinalaunan, sila ay dinala sa Balon Bayambang Events Center para suriin naman ang mga kinakaukulang dokumento na nagpapatunay ng responsable at masinop na pamamahala.
HEALTH
Free Odontectomy sa Grand KSB
Sa nakaraang Grand Komprehensibong Serbisyo sa Bayan, nakapag-identify ang KSB team ng dalawang pasyente na candidate for odontectomy o pag-opera ng impacted tooth. Ang mga ito ay ineschedule for operasyon noong April 21 sa RHU 1, na naging pawang matagumpay. Nanguna si Dr. Dave Francis Junio sa operasyon katulong si Dr. Alma Bandong at mga nurse ng RHU. Ang mga pasyente ay dalawang babae mula sa Brgy. Batangcaoa at Brgy. Managos na parehong indigent residents. Sila ay nakatipid ng mula P10,000 hanggang P15,000 bawat isa na siyang halaga ng operasyon kung sila ay nagpunta sa pribadong dentista. Ilang lamang sila sa mga pasyenteng nabiyayaan ng de kalidad na serbisyo bilang parte ng pagdiriwang ng ating ika-408th year ng kapistahan ng bayan.
Chikiting Bakunation Days
Kaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa Chikiting Bakunation Days - National Vaccination Days for Routine and Catch-up Immunization. Maglilibot ang ating mga kasamahan mula sa Rural Health Units sa iba’t ibang barangay tuwing huling Huwebes at Biyernes ng buwan ng Abril, Mayo, at Hunyo upang bakunahan ang ating mga kabataan at mabigyan ng proteksyon laban sa mga sakit. Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, magtanong lamang sa RHU o mag-message sa kanilang Facebook page.
EDUCATION
MANGO, Nag-turnover ng Classroom sa Telbang ES
Noong April 12, nagkaroon ng isang soft turnover ceremony ang Bayambang Municipal Association of NGOs o MANGO para sa katatapos na classroom building project nito sa Telbang Elementary School bilang paghahanda sa nalalapit na face-to-face classes doon. Pinangunahan ni MANGO President Vilma Dalope ang turn-over ng classroom kay Telbang ES School Head Roderick Rebamontan at sinaksihan ito ni DepEd Bayambang II PSDS, Dr. Mary Joy Agsalon, at mga guro ng Telbang ES. Ang proyekto ay naging posible sa tulong ng Queensborough West Rotary Club, Westport Rotary Club USA, Queenslong Island Golf Club, Philippine Golfers' Association of New York, Kasama Kita sa Barangay Foundation, at Niña Cares Foundation.
Paghahanda sa Limited Face-to-Face Classes
Noong April 22, inanyayahan ni Mayor Quiambao ang buong Kagawaran ng Edukasyon mula sa dalawang distrito ng Bayambang, kabilang ang mga pribadong eskwelahan, upang pag-usapan ang limitadong pagbubukas ng mga paaralan, bunsod ng tuluy-tuloy na pagbawas ng kaso ng covid-19 sa lalawigan ng Pangasinan. Naroon sa forum na ginanap sa Balon Bayambang Events Center at Benigno Aldana Gymnasium ng PSU sina Mayora Niña Jose Quiambao, Vice-Mayora IC Raul Sabangan, at mga konsehal ng bayan, Municipal Health Officer at Bayambang PNP Chief. Sa forum ay ipinaalaala ang minimum health protocols na dapat sundin at tinalakay ang mga dokumento na dapat isumite at mga hakbangin upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.
Dr. Saygo, Interim President ng Bayambang Polytechnic College
Noong April 21, inappoint ni Mayor Cezar Quiambao si Senior Supervising Tourism Officer, Dr. Rafael L. Saygo, bilang Interim President ng Bayambang Polytechnic College. Ito ay isang hudyat na umarangkada na ang nasabing paaralan na inaasahang magbubukas para sa enrolment sa August 2022.
Isang mainit sa pagbati, Dr. Saygo, mula sa iyong LGU family!
KKSB Foundation, Nagpapatayo ng Bagong Dorm sa PSU
Kasalukuyang nagpapatayo ang Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. ng isang bagong dormitoryo sa Pangasinan State University-Bayambang Campus, sa tulong ng Municipal Engineering Office. Sa pagtutulungan ng KKSBFI, LGU, at PSU, ang nasabing dormitory ay magagamit ng mga mag-aaral na kailangang manatili sa campus. Sa tulong nito, sigurado ang kanilang kaligtasan sa kahit anumang peligro gaya ng pandemya.
LIVELIHOOD & EMPLOYMENT
1st Batch ng Kambing para sa Dairy Project, Dumating Na
Kalahati ng kabuuang bilang ng alagang kambing para sa Sustainable Livelihood Program na "Goat Dairy Project" ay dumating na sa bayan ng Bayambang noong ika-26 ng Abril. Ang may kabuuang 100 na milking goats ay mula sa proyekto ni Sen. Cynthia Villar na nakarating sa bayan dahil na rin sa pakikipag-ugnayan ng LGU Bayambang sa kaniyang opisina. Ang naunang batch ng mga kambing na naipadala ay pansamantalang mananatili sa pribadong farm facility ni LGBTQI President at agri-entrepreneur Sammy Lomboy Jr., matapos nitong magboluntaryong ipahiram ang kaniyang pasilidad. Samantala, kasalukuyan nang ipinapatayo ang housing facility sa Brgy. Mangayao para sa mga naturang milking goats
ABONO Partylist, Maghahatid ng Ayudang Pangtrabaho
Dahil sa magandang ugnayan ni Mayor Cezar Quiambao sa ABONO Partylist, muling ginanap ang profiling activity para sa Tulong Pangkabuhayan para sa Ating Displaced Workers o TUPAD Program ng DOLE, sa pag-oorganisa ng Public Employment Services Office at Bayambang Poverty Reduction Action Team. May 1,290 na benepisyaryo mula sa 77 barangays ang kinunan ng datos sa Brgy. Alinggan Covered Court. Sa pagkakataong ito, ang pondo ng TUPAD ay manggagaling sa opisina ni ABONO Partylist Cong. Conrado Estrella III, na nirepresenta sa profiling activity ni Board Member Vici Ventanilla.
OTHER SOCIAL SERVICES
Ms. BNS 2022 Coronation Day
Ginanap noong April 10 sa Events Center ang Coronation Day ng Ms. BNS 2022. Ito ay isang fund-raising activity ng mga Barangay Nutrition Scholars para sa kanilang mga pangangailangan. Itinanghal na Ms. BNS 2022 si Ms. Virgilia Balbin. Si Ms. Anselma Bolina naman ang naging 1st runner up, at Ms. Ronalhe Cabatbat ang 2nd runner-up. Dumalo bilang crowning guest sina Local Council of Women Vice-President Ian Camille “IC’’ Sabangan kasama sina Municipal Councilor Martin Terrado II, Councilor Philip Dumalanta, at Municipal Administrator, Atty. Raymundo B. Bautista. Naging panauhing pandangal din si Municipal Nutritionist Venus Bueno, Mayor’s Action Center head Jocelyn Espejo, at CSO Desk Officer Vilma Dalope.
2Q Municipal Advisory Committee Meeting
Sa ikalawang quarter ng taon, pinangunahan ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo Bautista Jr., na siya ring tumatayong Municipal Advisory Committee (MAC) Alternate Chairman, ang Municipal Advisory Committee Meeting, sa pag-oorganisa ng DSWD. Dito ay ina-update ng bawat departamento ang lahat patungkol sa kanilang mga ginagawa kaugnay ng mga 4Ps at mga proyektong nakapaloob sa Sustainable Livelihod Program. Sa pagpupulong, iminungkahi ni Atty. Bautista sa DSWD na makipagcollaborate sa LGU pagdating sa pag-access sa ating Restructured Community-Based Monitoring System upang magkaroon aniya ng magandang basehan ang datos ng mga miyembro ng 4Ps. Pinakaimportante aniya ang tamang datos dahil dito mas mapapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro.
PEACE AND ORDER & PUBLIC SAFETY
POSO Personnel, Muling Nagpamalas ng Katapatan
Patuloy ang mga kawani ng POSO-Bayambang, sa pamumuno ni POSO Chief, Ret. Col. Leonardo Solomon, ng pagpapamalas ng kanilang katapatan sa pagserbisyo-publiko, lalo na kapag sila ay nakakapulot ng mga naiwang gamit o mahalagang dokumento. Agad nila itong isanasauli sa nagmamay-ari – patunay sa sila ay disiplinado at likas na may kagandahang loob, kaya’t ganun na lamang ang pasasalamat ng mga kapwa Bayambangueño sa mga naturang kawani.
Oplan Semana Santa
Gaya ng nakagawian taun-taon, naka-alerto ang buong Municipal Public Order Council upang masiguro na tahimik at payapa ang paggunita ng Semana Santa sa apat na simbahang Katolika sa Bayambang. Nagtulung-tulong ang PNP, BFP, POSO, MDRRMO, RHU, force multipliers mula sa pribadong sektor, at mga barangay official sa pagsiguro na masunod pa rin ang minimum public health standards kahit bumaba na ang kaso ng covid-19 at mapanatiling maayos ang takbo ng mga tradisyunal na gawain sa panahon ng Kuwaresma.
Operation Baklas, Patuloy
Patuloy ang suporta ng mga Civil Society Organizations at ng LGU sa 'Operation Baklas' ng COMELEC na naglalayong alisin ang lahat ng mga campaign materials na ikinabit ng mga supporters ng iba't ibang kandidato sa mga istraktura sa national roads na di kabilang sa mga aprubadong common areas para magdikit ng election materials. Nanguna bilang observer ang Municipal Association of NGOs, at kasama sa mga tagapagbaklas ang Engineering, Barangay Peace and Order Federation, PNP, at BFP.
TOURISM,CULTURE & ARTS
408th Town Fiesta Opening Program
Matapos ang dalawang taon ng pananalasa ng pandemya, muling ipinagdiwang ang taunang Pista’y Baley ng Bayambang ng face-to-face para sa ika-408 na taon ng pagdiriwang. Sa pag-oorganisa ng Tourism Office, ang Bayambang Town Fiesta 2022 ay may temang “Tayo ang Solusyon sa Rebolusyon,” na nagsasaad na ang bawat Bayambangueño ang mismong dapat manguna sa pagsulong sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan ng may pagkakaisa. Ang unang araw, April 4, ay binuksan sa pamamagitan ng isang banal na misa sa Pavilion ng St. VIncent Ferrer Prayer Park. Pagkatapos ay pormal na binuksan ang Pista’y Baley 2022 ni Mayor Cezar Quiambao, Mayora Nina, at ng buong Team Quiambao-Sabangan.
Liket tan Gayaga Concert
Damang-dama ang kapistahan ng Bayambang sa ginanap na Liket tan Gayaga Concert kung saan tinatayang di bababa sa pitumpung libong katao ang dumalo para masaksihan ang selebrasyon. Kasabay sa paggunita ng 8th Anniversary ng pagkakasungkit ng Bayambang sa Guinness World Record for the Longest Barbecue, idinaos ang isang malaking concert sa Saint Vincent Ferrer Prayer Park. Inabangan at nag-trending naman ang performance ng dalawa sa pinakasikat ngayon na mga banda sa OPM. Napuno ng hiyawan ang concert venue nang lumabas ang Ben&Ben at awitin nito ang mga kantang bumihag sa puso ng mga kabataang Pinoy. Buhay na buhay rin ang mga tao sa musika ng Mayonnaise, lalo na nang kantahin nila ang “Jopay” at palitan ito ng “Niña”. Nagpasaya rin ang local band na Avant Music at nagpakitang-gilas din ang Bayambang's pride na D'Vicente Band bilang front act.
Mega-Jobs Fair 2022
Dinumog ang isinagawang Mega Job Fair ng Public Employment Services Office (PESO) katuwang ang Bayambang Poverty Reduction Action Team noong April 6 sa Balon Bayambang Events Center. Sa 266 na dumating para mag-apply, 57 applicants ang hired on the spot, 17 ang near hires, at 586 ang na-interview. Mayroong 26 recruiters -- 22 local at 4 overseas -- ang dumating at nag-offer ng 1,404 job vacancies. Ang pagkakaroon ng trabaho ay siyang pangunahing paraan upang ang isang tao ay magkaroon ng mapagkukunan ng panggastos sa araw-araw at maitaguyod ang pamilya, kaya’t laging nangunguna sa inisyatibo ng lokal na pamahalaan ang mabigyan ng trabaho ang lahat ng employable na mamamayan sa Bayambang.
Grand KSB, Dinagsa
Iba’t ibang serbisyo ang inihatid sa sBayambangueño sa ginanap na Grand Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa Pavilion ng Saint Vincent Ferrer Prayer Park mula April 6 hanggang April 8. Kasama rito ng ating mga RHU ang The Medical City-Clark, Hospital on Wheels, Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center, Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc., at Niña Cares Foundation. Kabilang sa mga serbisyong handog ay major surgery, minor surgery gaya ng tuli, consultation, eye checkup, chest X-ray, ECG, ultrasound, bunot, at health lectures. May 5551 na pasyente ang naging benepisyaryo, at sa kabuuan ay milyon-milyon ang kanilang natipid sa mga libre pero de kalibreng serbisyong medikal, dental, optical, at surgical na naihatid sa Grand Komprehensibong Serbisyo sa Bayan.
Betha Servito, Bb. Bayambang 2022
Kinoronahan si Bb. Betha Servito ng Brgy. Magsaysay bilang Binibining Bayambang 2022 sa Coronation Night na ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong ika-5 ng Abril. Si Karishma Gupta ng Brgy. Malimpec ang pinangalanang Binibining Bayambang Tourism, at nanalong Binibining Bayambang Charity si Johmila Xy Buizon ng Brgy. Cadre Site. 1st runner-up naman si Reign Joy Lim at 2nd runner-up si Paula Marie Padua. Ang nagwaging Bb. Bayambang ay makatatanggap ng P100,000 cash prize at karagdagang P100,000 para maisakatuparan ang kanyang napiling adbokasiya, at iba pang papremyo. Siya rin ang magiging mukha ng iba’t ibang programa ng Local Council of Women ng Bayambang at ng LGU-Bayambang. Ang pinakamagandang gabi sa bayan ay dinaluhan ng naglalakihang mga pangalan kasama sina Marco Gumabao bilang special guest at Ms. Nadine Samonte bilang isa sa mga naging hurado.
Bodybuilding at Fitness Contest
Sa pinakaunang pagkakataon sa Bayambang ay napabilang sa mga pinananabikang aktibidad ang "Bodybuilding and Fitness Competition" sa kapistahan ng bayan, at ito ay ginanap noong April 8 sa Balon Bayambang Events Center. Dinayo ng mga amateur at propesyunal na atleta mula sa iba't ibang panig ng bansa ang naturang patimpalak at dinagsa rin ito ng nga Bayambangueño pati na ng mga mamamayan sa karatig-bayan. Ang kompetisyon ay mayroong walong kategorya, kaya't umabot sa higit 80 katao ang lumahok. Naging posible ang pagdaraos ng aktibidad na ito sa pag-oorganisa ng LGU Bayambang at mga personal gym coach nina Mayor Cezar at Mayora Niña na sina G. Jayson Paningbatan at Bb. Loujen Saldo na pawang may-ari ng Iron Fitness Gym. Ang event na ito ay pinondohan ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. at Niña Cares Foundation.
Matalunggaring Awards 2022
Noong Sabado, sa pag-oorganisa ng Sangguniang Bayan Secretary, pinarangalan ang pitong natatanging Bayambangueno sa 2022 Matalunggaring Awards na ginanap sa Balon Bayambang Events Center. Sila ay sina Kasama Kita sa Barangay Foundation COO Romyl Junio; UPLB Chancellor, Dr. Jose Camacho; PSU Retired physical education professor Bernardo Jimenez; PSU science professor, Dr. Raquel Pambid; military intelligence officer, Assistant Director General Rolando Espiritu Asuncion; ang teacher at inventor na si Gng. Elmina Paras; at ang batikang aktor na si Rustico Roldan o mas kilala bilang Carlos Salazar.
TMC, JKQHWC, at Hospital on Wheels Doctors at Personnel, Pinasalamatan
Pagkatapos nito ay kasunod namang kinilala ang mga duktor at medical personnel na kasali sa Grand Komprehensibong Serbisyo sa Bayan, bilang pasasalamat sa libreng serbisyo na kanilang inihandog sa loob ng tatlong araw. Mismong si Mayor Quiambao at Mayora Nina ang personal na bumati sa kanila at nagpahayag ng pagpapasalamat.
Grand Ball 2022
Kinagabihan sa parehong venue, idinaos ang tradisyunal na Grand Ball kung saan nagkasiyahan at nagsayawan ang mga balikbayan sa mga tugtugin ng Don Podring Orchestra. At sa magarbo ay masayang okasyong ito matagumpay na nagtapos ang Pistay Baley 2022.
AGRICULTURAL MODERNIZATION
Agew na Dumaralos 2022: “Modernong Agrikultura, Tulay Tungo sa Masaganang Pagsasaka”
Bilang parte ng pre-fiesta activities ng Bayambang, naglunsad ang Agriculture Office ng Farmers’ Festival o Agew na Dumaralos mula March 29 hanggang 31. At sa unang araw ay ibinida ng mga magsasaka mula sa walong farming districts ng Bayambang ang kanilang mga aning produkto sa pamamagitan ng Agro-Trade Fair sa harap ng Munisipyo. Sa okasyong ito ay lumabas ang pagkamalikhain ng mga magsasakang Bayambangueño sa ginawang pagdekorasyon ng kanya-kanyang mga booth kung saan itinampok ang kanilang mga produktong pang-agrikultura. Ang event na ito ay isa ring booth-making contest.
Samu’t-Saring Livelihood Training sa Farmers’ Day 2022
• Basic Training on Rabbitry
Bilang parte ng Agew na Dumaralos 2022, nagsagawa ng tatlong livelihood training activities ang Agriculture Office noong March 30. Isa rito ay ang Basic Training on Rabbitry na ginanap sa Balon Bayambang Events Center at dinaluhan ng mga local farmers at empleyado ng Munisipyo. Si Bayambang Rabbit Meat Producers Association President Ralph Mar Pinzon ang nagsilbing resource speaker.
• Orientation on Hito and Tilapia Grow Out
Ang pangalawang training ay ang Orientation on Hito and Tilapia Grow Out na ginanap din sa Events Center, at pinangunahan naman ni G. Joel Sims ng Feedmix Specialist Inc.
• Mushroom Production Training
Ang pangatlo ay ang Mushroom Production Training na ginanap naman sa Bayambang National High School Gymnasium, kung saan naging trainors ang mga representante ng Magno’s Kabutehan Farm at Kabutehan ni Cyl.
Sa mga dagdag kaalamang ito, maaaring magkaroon ng adisyunal na kabuhayan at dagdag-kita ang mga nakilahok sa mga nabanggit na aktibidad.
Agricultural Products ng Bayambang, Ibinida sa Float Parade
Noong March 30 pa rin, naging tampok ang pagkamalikhain ng mga magsasakang Bayambangueño, sa ginanap na float parade na nagsilbi ring isang float competition. Naging kaakit-akit sa mata ang kanya-kanya at kakaibang disenyo ng mga float na gawa sa iba't ibang agricultural products ng mga magsasaka mula sa bawat distrito. Ang mga float ay inassemble sa PSU grounds at dumaan sa Burgos St. patungong main road ng Poblacion. Tirik man ang araw ay hindi nagpadaig ang mga magsasaka upang ipakita sa lahat ang kanilang pagkakiisa sa espesyal na okasyong ito.
Pinakamalaking Post-Harvest Facility Complex sa Northern Luzon, Ipinatayo ng Pamilya Quiambao
Kinahapunan, idinaos ang grand opening ng AILC o Agricultural Infrastructure and Leasing Corporation sa Brgy. Amancosiling Sur bilang pinakabagong proyekto ng pamilya Quiambao para sa mga magsasakang Bayambangueño. Ito ay dinaluhan ng mga opisyales ng bayan at kanilang mga bisita. Tinatayang ang AILC ang pinakamalaking post-harvest facility complex sa Northern Luzon, dahil may lawak itong mahigit na tatlong ektarya, at kabilang dito ang rice mill, silo, cold storage, at solar dryer. Tumatayong Chief Operating Officer ng AILC ang ama ni Mayora Niña na si G. Philip Jose. Siguradong napakalaking tulong ito para sa lahat ng lokal na magsasaka dahil magagamit nila ito bilang imbakan, patuyuan at gilingan ng kanilang mga produkto nang di na kailangan pang lumabas ng Bayambang. Mismong si Mayora Niña ang nakaisip ng pagpapatayo ng post-harvest facility complex na ito para sa kapakanan ng ating mga magsasaka.
Pataway Feast: Search for Most Innovative Product
Nagpasiklab ang mga local food producers ng kanilang mga bagong imbentong produkto sa "Pataway Feast and Product Display: Search for Most Innovative Product" na ginanap sa Royal Mall noon namang March 31. Ilan sa mga produktong natikman ay ang mango graham ice cream, rabbit inasal, embutidong hito, at tomato champoy. Tunay na kakaiba ang marami sa mga inihandang entry, kung kaya't tuwang-tuwa ang mga naging hurado at mga dumalo upang tumikim ng mga ito. Sa huli ay naging top three finalists ang rabbit, hito, at mushroom food product entries sa pakulong ito.
Socialization and Culmination Program
Kinagabihan, idinaos naman ang socialization at culmination program ng Agew na Dumaralos 2022 sa Municipal Plaza, kung saan masayang nagdiwang ang lahat ng representante ng farmers’ association sa walong distrito kapiling ng mga opisyales ng bayan. Dito ay inanunsyo ang lahat ng mga nagwagi sa mga ginanap na paligsahan. Itinanghal na kampeon ang District 2 at 8 matapos makakuha ng pantay na score mula sa mga hurado para sa booth contest, District 6 naman ang nanalo sa float parade contest, at ang Kabutehan ni Cyl ang nakasungkit ng titulong Most Innovative Food Product.
Massive Anti-Rabies Vaccination
Ang buong team ni Municipal Veterinarian, Dr. Joselito Rosario, katuwang ang Municipal Agriculture Office, ay muling nagsagawa ng massive anti-rabies vaccination mula April 6 hanggang April 8. Sila ay nag-ikot sa iba't ibang barangay, kabilang ang Ligue, Inirangan, Tanolong, at Bani upang masiguro na ligtas ang bawat Bayambangueño sa walang lunas na sakit na rabies. Ang aktibidad ay parte ng Grand Komprehensibong Serbisyo sa Bayan noong panahon ng kapistahan, at nakapagtala ng 448 na alagang aso at 28 na pusa ng 245 na owners bilang mga benepisyaryo. May katumbas na P39, 600 ang naihatid na serbisyong ito ng Agriculture Office.
Distribution of Seeds and Seedlings
Sa mga arw ding iyon, sila ay namahagi ng mga buto at punla na nagkakahalaga sa kabuuan ng P2,100. May 105 na katao naman ang naging benepisyaryo nito na residente ng naturang apat na barangay.
Water Pump mula PhilRice
Nakatanggap ang RiceBIS Bayambang Agricultural Cooperative ng isang unit ng water pump mula sa Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute o PhilRice, sa turnover ceremony na ginanap sa Central Experiment Station sa Muñoz, Nueva Ecijia. Ayon sa Municipal Agriculture Office, ito ay parte ng proyektong Rice Business Innovation System ng PhilRice sa Bayambang para maging mas maayos ang farming mechanization sa bayan. Ang naturang set ng water pump ay nagkakahalaga ng ₱75,000.
Organic Fertilizer mula DA, Ipapamahagi
Noong April 16, hinakot ng Municipal Agriculture Office ang 2,100 bags ng organic fertilizer mula sa Department of Agriculture Regional Field Office I (DA RFO-I), at ang mga ito ay inilagak sa Municipal Warehouse sa tulong ng MDRRMO, Engineering, Motorpool, Solid Waste, at Agricultural Infrastructure and Leasing Corp. (AILC). Ang mga pataba na ito ay inilaan ng DA para sa Soil Rejuvenation Project nito at sa ilalim ng Quick Response Fund para sa mga nasalanta ng Typhoon Maring.
RiceBIS Coop, Nakatanggap ng Panibagong BInhi
Ang RiceBIS Bayambang Agriculture Cooperative sa Brgy. Tampog ay nakatanggap ng inisyal na alokasyon ng inbred palay seeds mula sa DA-PhilRice. Sa kabuuan, may 609 bags ng magkaibang inbred palay varieties ang dumating, at ang mga ito ay kasya para sa 304.5 na ektaryang pansakahan.
E-Agro: ang Kauna-unahang Farmers’ Assistance Portal
Noong April 18, inilunsad ni Mayor Cezar Quiambao at ng One Document Corporation ang E-Agro Ecosystems: Farmers’ Total Portal o E-Agro bilang kauna-unahan, pinaka-malawak at pinaka-malaking farmers’ portal na tiyak na tutulong sa pagmodernisa at pagpapalago sa sektor ng agrikultura sa bayan at sa buong bansa. Pangunahing layunin ng E-Agro ang magpautang sa mga magsasaka nang hindi naisasakripsyo ang kanilang kabuhayan at garantisado ang mataas na kita. Ang launching program na ginanap sa Events Center ay dinaluhan ng mga opisyales ng bayan at ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Cong. Guico, Pinuri ang E-Agro
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Congressman Ramon 'Mon-Mon' Guico III na isang "brilliant idea" ang E-Agro. Aniya, kung may Uber at Grab sa public transport, AirBnB sa accommodation, at Piso Fare sa air at sea travel, mayroong E-Agro para naman sa farming business.
Dir. Domenden, Nangako ng 3 Proyekto
Sa nasabing launching program ng E-Agro, nangako naman si Dir. Nestor Domenden ng DA-Regional Field Office 1 na magbibigay sa Bayambang ng isang solar irrigation project, isang storage facility, at fuel subsidy para sa ating corn farmers at fisherfolk.
INFRASTRUCTURE DEVELOPMENT
Progress Report on JKQ Medical and Wellness Center
Narito naman ang update ukol sa konstruksyon ng Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center as of April 26, 2022. Sa darating na June 2023 ay nakatakdang buksan ang handog ng pamilya Quiambao para sa Bayambang – isang bagong tertiary ospital na may mga espesyalistang duktor at mga makabagong kagamitan na tutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng bawat pamilyang Bayambangueño.
DISASTER RESILIENCY
MDRRMO Tokens para sa NSED Participants
Muling namigay ng token ang MDRRMO upang magpakita ng pagpapahalaga sa mga Bayambangueñong naki-participate sa ginanap na 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill o NSED noong ika-10 ng Marso. Umabot sa 64 na participants ang nabigyan ng mga token na naglalaman ng face mask, handwash, disinfectant, at liquid hand soap na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng Php28, 160.
Asia-Pacific S&T Conference on Disaster Risk Reduction
Noong April 7 to 8, dumalo ang MDRRMO sa isang 2-day conference na may paksang "2022 Asia-Pacific Science and Technology for Disaster Risk Reduction." Tinalakay dito ang pinakabagong framework sa science and technology para sa disaster risk reduction at upang mag-contribute sa mid-term review ng tinaguriang Sendai framework. Ito rin ay magbibigay ng pagkakataon upang higit pang isulong ang aplikasyon ng agham at teknolohiya sa risk reduction sa lahat ng lebel ng gobyerno.
ICS Executive Course
Tuluy-tuloy ang paglevel up ng kaalaman ng bawat empleyado ng munisipyo lalo na ang mga department at unit head ukol sa pagiging handa at alerto sa anumang uri ng sakuna na maaaring makasagupa sa loob man o sa labas ng opisina. Ito ay matapos ang dalawang araw na ICS Executive Training Course mula April 12 hanggang 13 na ibinigay ng Office of Civil Defense at inorganisa ng MDRRMO. Sa pagkakataong ito ay nakapokus ang talakayan sa tama at maayos na pagsugpo sa mga sakuna at pagresponde sa mga taong nasa panganib sa pamamagitan ng mas pinaklarong pagtatalaga sa mga responsableng ahensya o grupo na maghahatid ng serbisyo kung sakaling magkaroon ng mga naturang insidente.
Huwag pa rin Maging Kampante
Patuloy pa rin ang MDRRMO sa decontamination activities nito upang tuluy-tuloy na maiwasan ang pagkalat ng nakakahawang sakit sa mga kawani at sa lahat ng mamamayang bumibisita rito. Kanilang pinaaalalahanan ang publiko na magsagawa ng sariling regular na decontamination activity at iobserba pa rin ang mga nakagawiang minimum health standards para sa kaligtasan ng lahat.