Thursday, November 11, 2021

SingKapital, Ating Laging Gunitain

SingKapital, Ating Laging Gunitain

Magandang araw sa inyong lahat!

Nagyong araw na ito, muli nating binabalikan ang nakaraan upang sariwain ang isang bagay sa kasaysayan na masasabi nating unique o natatangi sa bayan ng Bayambang. Ito ay walang iba kundi ang SingKapital: ang dokumentadong pagkakadeklara ni Heneral Emilio Aguinaldo sa bayan ng Bayambang bilang ikalima at panghuling kapitolyo ng bansa noong Rebolusyon nang itatag ang Unang Republika ng Pilipinas. Sa palagay ko'y kailangang mapasaatin ang dokumentong iyon at mailagay sa ating nalalapit nang matapos na Balon Bayambang Municipal Museum bilang isa sa ating mga pinakamahalagang historical property. 

Kung inaakala ng ilan na ito ay isang simpleng bagay lamang noong ika-12 ng Nobyembre, 1899, sila ay nagkakamali. Ito ay sapagkat hindi isang simpleng pagdaan o pagbisita ang naganap sa bayang ito. Dito binuo ni Heneral Aguinaldo ang isang Council of War upang buwagin ang Republika at ang ating sandatahang lakas upang maging mumunting guerilla units laban sa mga Amerikanong tumutugis sa kanila. Ito ay parang isang deklarasyon ng all-out war gamit ang ambush, concealment, at iba pang unconventional war strategies. 

Bago natin makalimutan, nag-utos din si Presidente Aguinaldo kay Jose Palma na nasa train station sa Bautista na sulatin ang liriko ng Pambansang Awit ng Pilipinas. Ang Bautista ay opisyal na naging bayan lamang noong 1900.

Sa Estacion din patuloy na naglimbag ang mga kasamahan ni President Aguinaldo ng diyaryo noong panahong iyon, ang La Independencia, na ang patnugot o editor ay si Antonio Luna.

Huwag din nating kalimutan na ilang buwan bago magtungo rito sina Aguinaldo, inilipat sa Bayambang ang Department of War ng pamahalaan na pinamunuan ni Heneral Antonio Luna. Di maglaon ay si Heneral Gregorio del Pilar naman ang tumapak sa ating bayan, sa Hunyo 7, ayon sa kasaysayan upang tugisin ang mga kasamahan ni Heneral Luna.

Hindi natin ikinakaila na puno ng kontrobersya ang kwentong ito. Isang kontrobersyal na karakter si Aguinaldo dahil sa mga naging desisyon nito bilang pangulo ng Pilipinas. Mayroong mga eksena ng patayan na kinasangkutan ang tatlong bayaning nabanggit. Ngunit di tayo papayag na manaig ang mga kontrobersiya laban sa kanilang mga nagawang kabayanihan. 

Bakit ba may rebulto ni Aguinaldo sa harapan mismo ng Munisipyo? Sa mga di nakakaalam, apat lamang ang ating alam na bayan na may rebulto ng kontrobersyal na presidente: ang Kawit at Indang sa Cavite, isa sa Baguio City, at dito sa bayan ng Bayambang. Pinaparangalan natin si Aguinaldo dahil na nga sa deklarasyon niya ng Bayambang bilang panglimang Kapitolyo ng bansa noong Unang Republika ng Pilipinas. Mismong National Historical Commission ang nagdeklara nito, at hindi basta-basta ang gumawa ng estatwa ni Aguinaldo, ang national artist na si Napoleon Abueva. (Marahil hindi ninyo alam kung sino ang nagdonate ng estatwang ito.)

Bukod pa rito ay ag mga ambag ni Aguinaldo at ang kanyang mga kasamahang opisyales sa pagkakatatag ng bansang Pilipinas: ang pagkakaroon ng isang national constitution, pambansang hukbo o national army, ang pagkakaroon ng isang government organizational structure na may executive, legislative, at judiciary branches, ang pagkakaroon ng isang bandila, at iyon na nga, isang pambansang awit, ang "Lupang Hinirang." 

Sa paggunitang ito ng SingKapital, nararapat lamang na tayo ay magpasalamat kay Heneral Emilio Aguinaldo sampu ng kanyang matatapang, magigiting, at di maitatatwang makabayan na kapwa Rebolusyonaryo. Di tulad ng mga duwag, mapanlinlang, sinungaling, at makasarili, sila ang dahilan kung bakit tayo ngayon ay Pilipino, kung paanong ang Bayambang ay nagkaroon ng isang bahagi sa kasaysayan ng pagkakabuo ng bansang Pilipinas.

Huwag sana nating kalimutan ang lahat. Mabuhay ang ika-limang kapitolyo ng bansa! Mabuhay tayong mga bagong bayani! Mabuhay ang ating makabagong rebolusyon, ang Rebolusyon Laban sa Kahirapan!

No comments:

Post a Comment