Kung ang bayan ng Mangatarem ay may Daang Kalikasan at ang Aguilar ay may Daang Katutubo, ang Bayambang naman ay may Daang Kaunlaran. Ang daang ito ay walang iba kundi ang buong road network ng bayan na nagkokonekta sa 77 na barangay nito.
Dati itong putol-putol, may mga mabato at maalikabok na parte na kung tag-ulan ay nagiging putikan. Subalit ngayon ay maipagmamalaking 'di hamak na mas maayos.
Ayon mismo kay Municipal Engineer Eddie Melicorio, simula nang maupo ang Quiambao-Sabangan administration, may 46.15 na kilometro na ng sementadong daan ang naipagawa, at nagkakahalaga ito ng tinatayang P194,066,923 mula sa pinagsamang 20% Development Fund ng LGU at national agencies. Ito aniya ay dahil ayaw ni Mayor Quiambao sa patsi-patseng daanan. Dagdag pa ni Engr. Melicorio, ang datos na ito ay wala pa sa kalahati ng naipagawa noon sa loob ng 18 na taon bago maupo ang Team Quiambao-Sabangan.
Ang isang kongkretong daan ay hindi lamang bato, bakal, at semento. Ito rin ay nangangahulugan ng kumbinyenteng biyahe, maayos na koneksyon sa pagitan ng lahat ng barangay, at mabilis na daloy ng mga produkto patungong merkado. Ito rin ay simbolo ng progreso sa isang lugar.
Ayon pa kay Engr. Melicorio, pag-upo ng pamunuan ng Team Quiambao-Sabangan, nadama ng kanyang departamento ang bigat ng trabaho, mapa-inhinyero man o construction worker at laborer. Magkanun man, ito ay dahil ibinibigay lamang ang matagal nang naipagkait sa ating mga mamamayan: ang mabilis na daan tungo sa kaunlaran.
No comments:
Post a Comment