GOOD GOVERNANCE
#DisiplinaMuna, Panawagan sa Taumbayan
Noong July 13 sa Events Center nagkaroon ng pagpupulong ukol sa programa ng DILG na #DisplinaMuna pagkatapos ng kauna-unahang flag ceremony ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang simula nang nagkaroon ng community quarantine sa bansa. Nanumpa at lumagda sa #DisiplinaMuna Pledge ang mga Punong Barangay kasama sina Vice Mayor Raul Sabangan, mga konsehal ng bayan, at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
PSA Enumerator Applicants, Sumabak sa Exam
Sumabak sa qualifying exam ang halos tatlong daang aplikanteng Bayambangueño para sa enumerator position ng Philippine Statistics Authority. Ang pagsusulit ay isinagawa ng Local Civil Registry Office sa Events Center noong July 14. Ang mga maha-hire na enumerators ay nakatakdang kumalap ng impormasyon sa mga barangay para sa gaganaping 2020 Census of Population and Housing na mag-uumpisa sa September 1, 2020.
LGU Officials, Nakilahok sa Pre-SONA Forum
Upang siguradong nakaayon ang mga programa ng LGU-Bayambang sa mga programa ng national government, nakilahok sa Participatory Governance Cluster Pre-SONA Forum ang piling opisyales sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo Bautista Jr. noong July 15 sa Events Center. Sa naturang forum ay inilahad ang mga hakbang na ginawa ng iba't-ibang sangay ng gobyerno sa panahon ng pandemya at mga karagdagang kaalaman kung paano mapagtatagumpayan ang mga suliranin na kinahaharap ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Data Capturing para sa RCBMS, Nagpatuloy
Nagtungo ang Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT), sa pamumuno ni G. Rafael Saygo, kasama si ICT Office head Ricky Bulalakaw, at Restructured Community-Based Monitoring System Developer Christian Bautista, sa Brgy. Pantol noong July 17 para talakayin ang pagpapatuloy ng data capturing para sa mga mamamayan ng nasabing barangay. Ang makakalap na impormasyon ang siyang magiging basehan sa paggawa ng mga programa, proyekto at aktibidades na akma sa kanila.
LIVELIHOOD
Rotary Club of Bayambang, Nag-Donate ng mga Alagang Baboy
Patuloy ang Rotary Club of Bayambang sa pagbibigay ng oportunidad sa mga nangangailangang indibidwal sa ating pamayanan. Nitong linggo, nag-donate ang grupo sa ilalim ni Current President Gloria de Vera-Valenzuela ng mga alagang biik. Mayroon silang apat na benepisyaryo sa Brgy. Buenlag 2nd, anim sa Brgy. Hermoza, at dalawa sa Brgy. Bacnono.
FINANCIAL ADMINISTRATION & TAXATION
Ocular inspection sa Sancagulis Poultry Farm
Nagsagawa ng ocular inspection ang Municipal Assessor’s Office sa Brgy. Sancagulis noong July 2 upang siguruhin na may titulo ang lupa sa poultry farm doon.
Assessor's Office Posting of Notice of Special Patent Application
Kasama ang representante ng DENR-Community Environment and Natural Resources Office na si Sonny Boquiren, nagtungo ang Municipal Assessor’s Office sa pangunguna ni Municipal Assessor Annie de Leon sa Brgy. Balaybuaya, Langiran, at Pangdel noong June 25. Doon ay binigyan ang mga opisyal ng mga barangay ng notice of special patent mula sa DENR.
Assessor's Office, Nagpatuloy sa Tax IEC
Patuloy ang ating kampanya upang mabago ang kaisipan ng ating mga kababayan tungkol sa pagbayad ng tamang buwis gaya ng amilyar o real property tax. Noong nakaraang linggo ay nagtungo ang Assessor’s Office sa Brgy. Cadre Site, Carungay, Caturay, at Darawey para sa massive Tax Education Campaign at Appraisal of Land and Buildings.
Tax IEC sa M.H. Del Pilar
Tuluy-tuloy ang tax education campaign ng Assessor's Office sa ilalim ni Annie de Leon. Sa nakaraang linggo, ang kanyang staff ay nagtungo sa Brgy. M. H. Del Pilar upang hikayatin ang mga residente roon na magbayad ng amilyar.
HEALTH
Nutrition Month 2020
Ngayong buwan ng Hulyo, ating ipinagdiriwang ang Nutrition Month 2020 na may temang “Batang Pinoy, Sana Tall. Iwas Stunting, Sama All; Iwas All din sa COVID-19.”
Bilang parte ng pagdiriwang, isang Buntis Forum, Nutri-Vlog Contest, at Vertical Pallet Garden Contest ang nakatakdang idaos ngayong buwan. Ito ay upang magbigay kaalaman sa publiko ukol sa pag-iwas sa stunting o pagkabansot sa pamamagitan ng tamang nutrisyon.
Food Packs para sa Child Development Learners
Noong July 3, ipinamahagi ng MSWDO ang food packs mula sa DSWD-Regional Office I para sa Supplementary Feeding Program nito na nakalaan sa mga Child Development Centers ng Bayambang. Ayon kay MSWD Officer Kimberly Basco, may kabuuang 2,902 child development learners ang benepisyaryo ng naturang feeding program.
STAC Kids, Muling Tinulungan ng Victory Church
Noong June 27, muling nag-abot ng tulong ang Victory Christian Fellowship of Bayambang sa mga batang myembro ng Stimulation Therapeutic Activity Center ng Bayambang. Kaagapay ang kawani ng STAC, namahagi ang Victory Church ng food packs, prutas, at vitamins (sa tulong ng Nutrition Office) sa 46 'children with disability' na naka-enrol sa STAC-Bayambang.
Salamat, Blood Donors!
Naging matagumpay ang isa na namang Blood Donation Drive noong July 6 sa Balon Bayambang Events Center, sa pagtutulungan ng Region I Medical Center, Rural Health Unit I at II, Kasama Kita sa Barangay Foundation, Local Council of Women, Sangguniang Kabataan, at Rotary Club of Bayambang. May 104 bags ng dugo ang nakolekta na siyang magagamit para sa mga lubos na nangangailangan. Kabilang sa mga naging blood donors ay mga myembro ng Bayambang Police Station at mga kawani ng LGU-Bayambang.
Buntis Forum 2020
Noong July 10, inilunsad ang serye ng Buntis Forum 2020 sa Brgy. Wawa at Carungay bilang parte ng pagdiriwang ng 46th National Nutrition Month. Ito ay inorganisa ng Municipal Nutrition Council, at nilahukan ng dalawampu’t-isang buntis mula sa iba't-ibang barangay. Layunin nito na magbigay ng wastong kaalaman sa maternal at pre-natal care at tamang proteksyon laban sa COVID-19 habang nagdadalantao.
Seedlings para sa Masustansiyang Buwan
Bilang pagsuporta sa pagdiriwang ng Nutrition Month, namamahagi ang Municipal Agriculture Office sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng mga punla ng gulay at punongkahoy. Ayon sa Agriculture Office, ang aktibidad ay gagawin kada Lunes sa loob ng buong buwan ng Hulyo.
Buntis Forum 2020 Series, Dinala sa Tanolong at Sanlibo
Nagpatuloy ang serye ng Buntis Forum sa Brgy. Tanolong Elementary School noong July 17 at Sanlibo Covered Court noong July 21. May 37 na buntis ang dumalo mula sa Brgy. Tanolong, Maigpa, at Sanlibo. Muling tinalakay sa forum ang wastong kaalaman para sa pangangalaga ng mga buntis at tamang proteksyon laban sa sakit na COVID-19 habang nagdadalantao. Ang Buntis Forum 2020 ay inorganisa ng Municipal Nutrition Council bilang parte ng pagdiriwang ng 46th National Nutrition Month.
Para sa Rabies-Free Bayambang
Patuloy si Municipal Veterinarian, Dr. Joselito Rosario, at ang kanyang team sa pagbabakuna sa mga alagang hayop sa mga barangay upang panatiling rabies-free ang bayan ng Bayambang sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Distribution of Dietary Supplements for Pregnant Women
Noong July 29 sa Events Center, ginanap ang seremonyal na pamamahagi ng food commodities mula sa National Nutrition Council (NNC), sa tulong ng Pangasinan Provincial Health Office, para sa 90-day Supplementary Feeding Program ng NNC na nakalaan sa mga buntis. Ipinaliwanag ni Provincial Health Officer Dra. Cielo Almoite na layunin ng programa na mapababa ang bilang ng malnourished na buntis at maiwasan ang pagkabansot ng kanilang anak.
Carungay SK Pres, Wagi sa NutriVlogging Contest
Nagwagi ang SK President ng Brgy. Carungay sa ginanap na nutri-vlogging contest na inorganisa ng Municipal Nutrition Committee bilang parte pa rin ng pagdiriwang ng 46th National Nutrition Month. Si Carungay SK President Cristian Joy Quijalvo ay tumanggap ng P10,000 para sa kanyang vlog na nagpapakita na aktibo ang SK sa kanyang barangay kahit sa panahon ng pandemya.
Vertical Pallet Garden Contest
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng 46th National Nutrition Month, isang Vertical Pallet Garden Contest para sa mga kawani ng LGU ang inorganisa ng Municipal Nutrition Committee (MNC), at naging patok ito sa mga empleyado. Kitang-kita sa kanilang mga entry ang pagiging malikhain sa paggawa ng mga makukulay na vertical garden ng masusustansyang pananim sa isang limitadong espasyo sa harapan ng Munisipyo. Patunay ito na maaaring gawing produktibo ang lahat ng espasyo gaano man kaliit gaya ng ating workplace o pinagtatrabahuhan.
EDUCATION
Libreng School Supplies sa Nalalapit na Pasukan
Muling namahagi ang Local School Board ng mga libreng school supplies simula July 19 sa limampung public elementary schools ng Bayambang para sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa darating na August 24. Pinamunuan ni Dr. Rolando Gloria ang nasabing distribusyon, sa tulong ng MDRRMO at GSO. Kabilang sa mga ipinamahagi ay 71,152 piraso ng notebooks, 14,353 pad paper, 7,816 lapis, 10,122 ballpen, 18,086 school bags, at 17,788 payong.
Smart-PLDT, Nag-Donate ng Wifi Routers sa DepEd Bayambang I & II
Noong July 9, nag-donate ang Smart-PLDT Communications ng 20 portable wifi routers para sa mga lokal na paaralan upang magamit ngayong pasukan, salamat sa suporta ni Mayor Cezar Quiambao at sa inisyatibo nina Councilor Benjie de Vera, Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Tristan Fernandez, at Local Youth Development Officer Johnson Abalos para sa ikabubuti ng ating mga kabataang mag-aaral. Naroon sa turnover ceremony sina Smart-PLDT Communications Customer Development Manager Kristopher Cris Mamaril; Bayambang I District Supervisor, Dr. Angie Muñoz; Bayambang II District Supervisor, Dr. Mj Agsalon; at ang pinuno ng Bayambang Poverty Reduction Action Team, Rafael Saygo.
Smart Routers para sa mga Estudyante, Dumating na
Sa inisyatibo nina Councilor Benjie de Vera, SK Federation President Gabriel Tristan Fernandez, at Local Youth Development Officer Johnson Abalos, dumating ang portable routers noong July 23 na dinonate ng Smart-PLDT Communications at nakatakdang ipamahagi sa 77 barangay upang maipagamit sa mga estudyante sa darating na pasukan. Sa pamamagitan nito ay matutulungan ng lokal na pamahalan ng Bayambang ang mga mag-aaral na walang Internet connection para sa kanilang online classes.
Bagong PSU Executive Director, Nag-Courtesy Call
Noong July 13, nag-courtesy call ang bagong Executive Director ng Pangasinan State University-Bayambang Campus na si Dr. Liza Quimson kay Mayor Quiambao. Doon ay tinalakay ang mga maaaring gawing hakbang ng PSU at ng lokal na pamahalaan para sa ikauunlad ng bayan. Kabilang sa tinalakay ay ang posibilidad na gawing bagong parking space ang bakanteng lote sa loob ng campus.
OTHER SOCIAL SERVICES
MSWDO, Nag-Asiste sa Additional Beneficiaries Payout
Noong July 11 at 12, tumulong sa cash distribution ang MSWDO para sa adisyunal na benepisyaryo ng DSWD sa ilalim ng Emergency Subsidy Program nito. Sa pagkakataong ito, ang mga benepisyaryo ay mga residente na hindi napasama sa naunang listahan ngunit karapat-dapat tumanggap ng ayuda.
PEACE AND ORDER & PUBLIC SAFETY
Public Hearing sa Tricycle Management Code, Nagpatuloy
Nagpatuloy ang Sangguniang Bayan Committee on Public Order and Safety at Committee on Rules, Laws, and Ordinances sa pagdinig ukol sa mungkahing ordinansa sa Tricycle Management sa bayan ng Bayambang. Noong July 16 sa SB Session Hall ay tinalakay ang mga amendments sa naturang ordinansa na di pa natalakay sa unang pagdinig.
TOURISM, CULTURE, & ARTS
SPORTS
Sports Council, Nireorganisa
Noong July 27 sa Events Center, binuo ang bagong komposisyon ng Bayambang Municipal Physical Fitness and Sports Development Council, sa bisa ng Executive Order No. 40, series of 2020. Chairperson pa rin si Mayor Cezar T. Quiambao, bagong Vice-Chairperson naman si PLtCol Norman P. Florentino, at Secretary General si DepEd Division Sports Coordinator Alex Mamaril.
AGRICULTURAL MODERNIZATION
Bagong Makinarya para sa Makukuli Farmers' Association
Noong July 7, nagtungo ang Agriculture Office sa Lingayen upang samahan ang mga lokal na magsasaka sa pagtanggap ng farm machineries na in-award ng Philippine Center for Post-Harvest Development and Mechanization ng Department of Agriculture. Ang benepisyaryo ay ang Makukuli Farmers' Association, na siyang tumanggap ay isang four wheel tractor, combine harvester, at hand tractor.
Magsasakang Bayambangueño, Magiging Agripreneurs
Nagtungo ang mga opisyal ng Philippine Rice Research Institute sa Bayambang noong July 15 upang ipaliwanag ang tungkol sa Rice Business Innovation System Community sa munisipalidad. Ang Bayambang ang kauna-unahan at ang isa sa dalawa lamang na bayan sa buong probinsya ng Pangasinan na napili ng PhilRice na maging benepisyaryo ng programang ito. Kasama si Mayor Cezar T. Quiambao, BPRAT, at Agriculture Office, ipinaliwanag ng PhilRice ang mga susunding paraan upang masigurong magtatagumpay at makikinabang ang mga magsasaka sa ilalim ng Rice Business Innovation System.
Bayambang Fisherfolk, Dumalo sa BFAR Workshop
Noong July 21, dumalo ang mga miyembro ng Bayambang Fisherfolk Association sa “Workshop on Strengthening Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC)” na hatid ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Region I sa Events Center sa pakikipagtulungan sa Municipal Agriculture Office. Kabilang sa mga nagtalakay sa workshop sina Regional Fisherfolk Coordination Unit OIC Derickson Mandar at BFAR Provincial FARMC Coordinator Hannah Jean R. Juguilon. Sa pagtatapos ng workshop ay nagkaroon ng action planning at open forum.
Bayambang Agriculture 2020 Plan, Binalangkas
Nagsagawa ng 3-day seminar ang Bayambang Poverty Reduction Action Team na pinamumunuan ni G. Rafael Saygo para sa buong puwersa ng Municipal Agriculture Office at iba pang kaugnay na tanggapan upang balangkasin ang iba't-ibang estratehiya at proyekto tungo sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Bayambang. Naroon sina Mayor Cezar Quiambao, Vice-Mayor Raul Sabangan, Councilor Amory Junio, Municipal Administrator Raymundo Bautista Jr., Kasama Kita sa Barangay Foundation CEO Romyl Junio, mga agriculture consultant na sina Maricel San Pedro at Artemio Buezon, at Municipal Agriculture Office OIC Zyra Orpiano upang magbigay ng gabay sa pagbuo ng iba't-ibang plano para sa nabanggit na layunin.
Cattle Feeds para sa ASF Beneficiaries
Noong nakaraang lingo, muling nagkaroon ng distribusyon ng libreng feeds mula sa Department of Agriculture-Regional Office I. Ito ay para pa rin sa mga ASF beneficiaries na tumanggap ng alagang baka kamakailan.
Dagdag na Tulong na ASF Beneficiaries
Noong July 29, nagtungo ang grupo ni Municipal Veterianarian, Dr. Joselito Rosario, sa Purok 7, Brgy. Carungay, upang mamahagi ng gamut na pampurga at mag-inject ng antibiotics para sa mga bakang ipinamigay sa mga ASF beneficiaries.
Farmers’ Meeting 2020
Nagkaroon ng isang Farmers’ Meeting noong July 28 sa Events Center na dinaluhan ng mga representante ng walong distrito ng magsasaka sa Bayambang. Iprinisenta ni BPRAT head Rafael Saygo ang ukol sa ‘Bayambang Agriculture 2020,’ at ipinaliwanag naman ni Municipal Agriculture OIC Zyra Orpiano ang “Implementing Guidelines for Fertilizer Reimbursement Scheme.” Sa pagpupulong ay nangako si Mayor Cezar T. Quiambao na sa taong 2021 ay ibubuhos ang resources ng Munisipyo sa sektor ng agrikultura.
Maintenance of Municipal Nursery
Patuloy ang pagpapanatili ng Municipal Agriculture Office na maging maayos at produktibo ang Municipal Nursery sa PSU-Bayambang Campus. Gamit ang recyclable containers at organic compost, sinisiguro nilang tuluy-tuloy ang propagation ng mga seedlings doon upang makatulong na mag-supply ng binhi at punla para sa mga barangay nurseries.
ECONOMIC DEVELOPMENT
Economic Cluster, Tinalakay ang BPRAT Recovery Plan 2020
Noong July 8, nagpulong ang mga myembro ng economic cluster ng LGU Bayambang upang talakayin ang Recovery Plan 2020 ng Bayambang Poverty Reduction Action Team na pinamumunuan ni G. Rafael Saygo. Kabilang sa mga tinalakay ay ang Bangon MSME Program, Bayambang Agriculture 2020, pag-asiste ng BPRAT sa MSWDO at MDRRMO, consultation meeting ukol sa 67-hectare development project sa Bani, at ang ginanap na malawakang market cleanup.
Libreng Sakay, Umarangkada!
Gamit ang electric tricycle o e-trike na donasyon ni Mayor Quiambao sa Lokal na Pamahalaan, nagsimula nang mag-ikot ang Public Order and Safety Office upang maghandog ng libreng sakay para sa mga Bayambangueño. Simula July 2, dalawang e-trike ang iikot mula Bayambang-Basista-Malasiqui Junction patungong Public Market via Quezon Boulevard mula 7AM hanggang 5PM araw-araw. Tig-dalawang pasahero ang maaaring isakay sa isang e-trike upang maobserbahan ang physical distancing at kailangan na nakasuot ng face mask ang lahat ng sasakay bilang pagsunod sa public health standards.
MPDO, Nag-Inspeksyon ng Cellular Towers
Noong July 8 sa Sancagulis at July 10 sa Nalsian Norte, nag-inspeksyon sina Councilor Amory Junio at ang Municipal Planning and Development Office upang makita ang mga itinatayong mobile cellular tower ng isang pribadong kumpanya doon. Dalawa ito sa apat na itinatayo sa buong Bayambang na naglalayong mapalakas ang signal reception ng mga cellular phone at iba pang wireless communication devices.
Co-op Pre-Registration Seminar para sa Cattle Growers
Noong July 15, isang Pre-Registration Seminar ang isinagawa ng Cooperative Development Authority-Dagupan, kasama ang Municipal Cooperative Development Office, upang tulungang bumuo ng isang kooperatiba ang mga benepisyaryo ng cattle distribution ng Department of Agriculture bilang kapalit ng nawalang kabuhayan dahil sa African Swine Fever. Ginanap ang naturang seminar sa Brgy. Carungay Covered Court, at ang bubuuing kooperatiba ay pinangalanang Rancheros de Balon Bayambang.
Bayambang Mobile Market, Nagsara sa ika-105 na Araw
Ang Bayambang Mobile Market project ay nagtapos noong July 15 matapos ang isangdaan-at-limang araw na operasyon nito simula noong magdeklara ang pamahalaan ng Extreme Enhanced Community Quarantine. Lubos na nagpapasalamat ang LGU-Bayambang sa lahat ng volunteer market vendors na matapang na sumuong sa panganib nang may dedikasyon gamit ang sariling resources. Muli, maraming salamat sa mga volunteer market vendors at sa lahat ng tumangkilik sa programang ito!
Stall Owners sa Harap ng Munisipyo, Pinulong
Noong July 29, pinulong ni Mayor Quiambao ang mga stall owners sa harap ng Municipio upang talakayin ang napipintong paglipat sa kanila sa Bayambang Commercial Strip at ang mga options na maaari nilang ikonsidera sa kanilang paglipat, kabilang na ang pag-apply ng loan sa Landbank.
INFRASTRUCTURE DEVELOPMENT
Narito ang iba’t-ibang completed at ongoing projects ng Engineering Office:
Construction of Municipal Hatchery in Langiran
Rehabilitation of Inland Fisheries in Tanolong
Covered Court in Cadre Site
Covered Court in Inanlorenza
Covered Court in Bical Norte
Covered Court in Tococ East
Covered Court in Buenlag 1st
Covered Court in Bongato West
ENVIRONMENTAL PROTECTION
Bring Your Own Bag Policy ng ESWMO
Sa ikatlong pagkakataon ay muling nagpamigay ang Solid Waste Management Office ng pulyetos at libreng eco-bags sa mga mamimili ng Public Market. Ito ay programa ng ESWMO upang maisulong ang pagpapatupad ng kanilang "Bring Your Own Bag" policy at bilang pagpapaigting sa implementasyon ng ordinansang nagreregula sa paggamit ng cellophane, plastic sando bag at styrofoam sa bayan ng Bayambang.
ESWMO, Nag-Qualify sa P200,000 DENR Grant
Isang mainit na pagbati sa ESWMO Bayambang sa pagkamit ng P200,000 grant para sa isang hazardous waste facility sa ating Materials Recovery Facility. Ito ay dahil sa pagtalima ng Bayambang sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 sa ating bayan.
Oplan 'Night Wolf'
Nagsagawa ng Oplan 'Night Wolf' ang ESWMO-Bayambang kasama ang apat na barangay ng Telbang, Sangcagulis, Buayaen, at Dusoc para mahuli at masawata ang mga ilegal na nagtatapon at nag-iiwan ng mga saku-sakong basura tuwing gabi at madaling araw sa Telbang-Sangcagulis-Buayaen-Dusoc Road.
Nagtulung-tulong ang mga barangay officials ng naturang apat na barangay kasama ang mga enforcers ng ESWMO sa operasyong ito para pananatiling malinis ang bayan ng Bayambang at ng kani-kanilang nasasakupang barangay.
Libreng Shredder at Composter Mula EMB
Napiling recipient ang Bayambang Materials Recovery Facility ng isang bagong shredder at composter mula sa Environmental Management Bureau-Region I ng Department of the Environment and Natural Resources. Ito ay dahil sa magandang record ng Bayambang sa waste generation at organic compost production at sa laki ng populasyon.
DISASTER RESILIENCY
Livestock Insurance Processing + Feeds Distribution
Noong July 8, tinulungan ng Agriculture Office ang mga benepisyaryo ng cattle distribution sa Brgy. Tatarac upang maproseso ang kanilang papeles para sa livestock insurance, bilang parte ng ASF recovery program ng LGU sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture. Doon ay nagpamahagi rin ang DA Regional Office ng feeds para sa mga alagang baka. Naroon sina DA-RO I Senior Agriculturist, Dr. Alfiero Banaag; Municipal Veterinarian, Dr. Joselito Rosario; at ASF Incident Commander-Designate at Paralegal Officer Germaine Lee Orcino.
National Disaster Resilience Month 2020
Kasabay din nito ang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month 2020, na may temang “Sama-samang Pagsulong Tungo sa Katatagan sa Gitna ng Bagong Normal.” Ito ay nagpapaalala ng kahalagahan ng pagkakaisa lalo ngayong tayo ay may kinakaharap na pandemya.
Santization ng MDRRMO, Tuluy-Tuloy
Nagsagawa ang MDRRMO ng information campaign para sa mga kapitan noong July 3 bilang parte ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month 2020 na may temang “Sama-samang pagsulong tungo sa katatagan sa gitna ng bagong normal.” Sila rin ay nagpamahagi ng tarpulin ukol sa mga alintunin sa panahon ng kalamidad. Kasabay nito ay patuloy ang MDRRMO sa pag-disinfect at sanitation sa Public Market, parking lots, at Municipal Hall upang masiguro ang kaligtasan ng bawat Bayambangueño.
Contact Tracing Team Webinar, Dinaluhan ng mga Punong Barangay
Sama-samang dumalo ang mga Punong Barangay ng Bayambang sa Contact Tracing Team Webinar noong July 3 sa Events Center sa pag-oorganisa ng Municipal Local Government Operations Office. Doon ay tinuruan sila kung papaano ang pagsagawa ng contact tracing kung sakaling may naapektuhan ng COVID-19 sa kanilang barangay. Ipinaliwanag naman muli sa mga Punong Barangay ang guidelines dahil nananatili pa rin sa MGCQ ang Bayambang. Kasabay nito ang information and education campaign sa pagdiriwang ng National Disaster Resiliency Month ngayong buwan ng Hulyo.
Jeepney Operations, Magbabalik Na
Noong July 9, ininspeksyon ni Planning and Development Officer Malene Torio at Health Officer Dra. Paz Vallo, kasama si Supervising Tourism Operations Officer Rafael Saygo, ang labinlimang jeepney na nabigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa rutang Bayambang-Basista-San Carlos City-Calasiao-Dagupan City, upang masiguro ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang na kumpleto ang mga jeepney sa physical distancing markers at iba pang mga kagamitan katulad ng thermal scanners, footbaths, contact tracing forms, at alcohol para sa kaligtasan ng lahat ng sasakay. Samantala, ipinagbabawal ang pagsakay ng mga pasahero na may temperatura na 38 degrees pataas, walang face mask, at hindi sumusunod sa physical distancing.
Rotary Club, Tuloy ang Pag-abot ng Tulong sa Panahon ng Pandemya
Patuloy ang Rotary Club of Bayambang sa pagtulong sa bayan sa kabila ng Covid-19 pandemic, sa pamumuno ni Gng. Gloria de Vera-Valenzuela. Noong nakaraang linggo ay nagkaroon sila ng isang vegetable gardening activity. Pagkatapos nito ay naglunsad ang grupo ng disinfection sa lahat ng silid ng Bayambang National High School. Maraming salamat sa Rotary Club of Bayambang!
MGCQ Guidelines, Mahigpit pa ring Ipinatutupad
Noong July 7, limampu’t limang menor de edad ang hinuli ng Bayambang Police Station, sa pangunguna ni PLtCol Norman Florentino, dahil sa paglabag sa curfew at sa public health standards ng DOH. Ipinaalala sa lahat na ipinagbabawal pa rin sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang paglabas ng mga kabataan na edad 20 pababa at mga senior citizen na may edad 60 pataas, at kasalukuyan pa ring ipinatutupad ang curfew para sa mga non-workers mula 8PM hanggang 5AM. Ito ay para sa kaligtasan ng lahat ng Bayambangueño.
3rd Wave Relief Distribution para sa MSMEs
Noong July 14, 2020, nagsimulang mamahagi ng relief goods ang Quiambao-Sabangan administration kasama ng MDRRMO, MSWDO at SEE na nakalaan para sa micro-, small, and medium enterprises (MSMEs). Ang bawat relief pack ay naglalaman ng limang kilong bigas, isang pakete ng noodles, dalawang lata ng sardinas, apat na pakete ng powdered milk, tatlong pakete ng 3-in-1 coffee, at dalawang pakete ng biskwit.
3rd Wave Relief Distribution para sa TODA Members
Noong July 18, inumpisahan ang pamamahagi ng relief packs para sa myembro ng Bayambang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Events Center. Ito ay pinangunahan ng MSWDO kasama ng MDRRMO.
Cong. Arenas, Nag-Donate ng Bagong Ambulance
Noong July 20 ay tinanggap ni Mayor Cezar Quiambao ang bagong ambulansya na dinonate ni House Deputy Speaker at Pangasinan Congresswoman Rose Marie 'Baby' Arenas sa bayan ng Bayambang sa araw ng kanyang kaarawan. Maraming salamat po, Congresswoman Arenas!
No comments:
Post a Comment