Saturday, March 14, 2020

March 2020 Editorial - "Babae Ka, Hindi Babae Lang"

Babae Ka, Hindi Babae Lang

Kay gandang pakinggan ng mga katagang, "Babae ka, hindi babae lang," na aming nabasa online kamakailan sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Women's Month 2020, sapagkat binibigyan nito ng karapat-dapat na pagpupugay ang dati ay tinagurian nating "weaker sex."

Mapalad tayo dahil sa panahon ngayon ay mayroong pagsulong sa mga karapatan ng kababaihan sa ating batas matapos bigyang-pansin ang hindi pantay na pagtingin ng ating lipunan sa mga kababaihan. Ang mga maybahay, halimbawa, ay itinuturing na hindi produktibo sa ekonomiya subalit kung tutuusin ay napakalaki ng kanilang ambag, at hindi ito madaling tumbasan ng salapi. Kapag sila ay tumigil sa pamamalengke, pagluluto, paglilinis, paglalaba, at pag-aalaga ng mga anak, tiyak na madadamay ang lahat ng kasapi ng tahanan kabilang na ang mga kalalakihan.

Di natin nais sabihin na kung ano ang kaya ng mga lalaki ay kaya ring gawin ng mga babae, bagamat sa panahon ngayon ay namamayagpag ang maraming kababaihan sa mundo na dati ay sakop lamang ng kalalakihan. Ang nais lang nating tumbukin ay ito: may obvious na pagkakaiba man si Adan at si Eba, pantay naman ang kanilang halaga o dignidad, lalo na sa pagsulong ng kanilang karapatang pantao.

Malimit ay sinisisi ng iba ang saknong sa Bibliya na nag-uutos sa mga ilaw ng tahanan na "pasakop" sa kanilang mga
asawang lalaki, ngunit ang utos na ito ay may karugtong na katumbas na utos din sa mga haligi ng tahanan na "mahalin ang kanilang asawa gaya ng pagmamahal ng Diyos sa kaniyang simbahan," kaya't hindi ito nararapat gamitin upang di bigyang-pansin ang boses ng kababaihan lalo na sa loob ng tahanan.

Masasabi nating malayo na ang narating ng mga kababaihang Pilipina. Mula sa pagiging maybahay "lamang," sila ngayon ay presidente, abogado, duktor, pulis, piloto, at maging heneral, atbp. Hindi natin sinasabi na ang mga babae ay dapat maging kakumpitensya sa mga kalalakihan o banta man sa kanila; ang karapatang pantao ay dapat pantay-pantay sa lahat anuman ang kasarian. Ngunit huwag nating kalimutang nagkaroon ng women's movement sa kasaysayan nang dahil na rin sa mga maling pagtrato ng mga lalaki sa kanila sa loob ng napakahabang panahon, kaya naman ngayon ay mayroon tayong Magna Carta for Women at iba pang batas para sa kanilang kapakanan.

Di tayo dapat magpakakampante hangga't may kaso pa rin ng pang-aabuso sa mga kaabaihan, kabilang na ang diskriminasyon at karahasan. Ang pagidiriwang ng Buwan ng Kababaihan ay magkakaroon lamang ng kabuluhan kapag nagapi na ang mga ito nang tuluyan at maghari ang pagtrato sa kanila ng may paggalang at pagtangi.

Isinusulong ng LGU-Bayambang ang women empowerment sa pamamagitan ng Local Council of Women na pinamumunuan ni First Lady NiƱa Jose-Quiambao, na siyang laging naka-antabay upang ang kapakanan ng bawat BayambangueƱa ay maisulong sa iba't-ibang pamamaraan.

Ang women’s issue ay isyu ng buong sambayanan. Naniniwala tayo sa women empowerment dahil kapag ang mga kababaihan ay masaya at may panatag na kalooban, ang mga kalalakihan at ang buong lipunan ay sasaya at papanatag din tulad nila.

No comments:

Post a Comment