Wednesday, August 27, 2025

Monday Report - September 1, 2025

Monday Report - September 1, 2025

 

[INTRO]

NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si ___.

NEWSCASTER 2: At ako naman po si _, at kami po ay mula sa Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office. Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.

NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon

SABAY: ... BayambangueNews!

 

1. Bayambang, Host ng Induction ng PARE-Pangasinan

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, malugod na winelcome ng LGU-Bayambang ang mga retiradong guro mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, sa ginanap na mass induction ng mga opisyales ng Philippine Alliance of Retired Educators (PARE)-Pangasinan Chapter noong August 22. Si Mayor Niña ay naging panauhing pandangal, at nirepresenta ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan.

 

2. OCD Regional Director, Muling Bumisita

A. Noong August 22, muling bumisita si Office of Civil Defense Regional Director Lawrence E. Mina upang makipagdayalogo sa MDRRMO hinggil sa mga naging epekto ng nagdaang pagbaha sa bayan, ang ugnayan at epekto ng iba't-ibang kailugan sa ating mga karatig-bayan, gayundin ang mga posibleng hakbang upang mapigilan o mabawasan ang epekto ng ganitong sakuna sa hinaharap.

B. Binisita rin ni Mina ang mga lugar na sentro ng paglikas upang personal na masuri ang kahandaan ng mga ito ngayong panahon ng tag-ulan.

C. Binisita ni Director Mina at kanyang mga kasamahan sa OCD ang pabrika ng bamboo materials ng CSFirst Green AID sa Brgy. Amanperez. Inilibot sila sa loob ng pagawaan, at nakita ng grupo ang iba't-ibang produkto ng kawayan at kung papaano ito pinuproseso gamit ang iba't-ibang makina sa loob ng pabrika. Humanga ang opisyal sa proyekto, lalo na sa malaking pagsuporta nito sa climate change adaptation.

 

3. MCDO, Nagbigay ng 2-Day Seminar

Patuloy ang Municipal Cooperative Development Office (MCDO) sa pagpapalakas ng mga kooperatiba sa Bayambang. noong August 19 at 20, ang tanggapan ay nagsagawa ng dalawang araw na seminar sa may Brgy. Macayocayo sa tulong ng Cooperative Development Agency.

 

4. Orientation on Cooperatives, Isinagawa

Noong August 26 naman, nag-organisa ang Agriculture Office ng isang orientation activity para sa mga local corn farmers tungkol sa tamang proseso ng pagpapalakas, pagtatayo, at pagpaparehistro ng isang kooperatiba. Ito ay ginanap sa Brgy. Sapang Covered Court sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Cooperative Development Office (MCDO) at Cooperative Development Authority.

 

5. SK Officials, Sumabak sa Budget Training

Noong araw ding iyon, sumabak ang mga Sangguniang Kabataan officials sa isang Budget Management Training na ibinigay ng Municipal Budget Office. Sa aktibidad, itinuro sa mga SK official ang tamang proseso ng pagba-budget, at mga paraan upang masiguro ang pagiging transparent at responsable sa paggamit nito.

 

6. Mayor Niña, May Birthday Treat Muli!

A. Sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong August 26, muling ipinakita ni Mayor Niña ang pagiging bukas-palad sa mga Bayambangueño sa pamamagitan ng mga handog na packed lunch para sa lahat ng kawani ng LGU....

B. ...gayundin ang mga katuwang mula sa iba’t ibang sektor.

C. Nagpaabot din si Mayor Niña ng libreng sorbetes para sa lahat ng 77 barangays bilang pagpapasalamat at pagbahagi ng biyaya sa buong komunidad.

 

7. MSWDO at ECCD Office, Lumipat na sa mga Bagong Gusali

Simula August 26, opisyal nang lumipat sa kanilang bagong tahanan ang Municipal Social Welfare and Development Office at Early Childhood Care and Development Office. Ang MSWDO ay matatagpuan na ngayon sa MSWDO Multi-Purpose Building, habang ang ECCD naman ay nasa ECCD Building na parehong nasa Brgy. Magsaysay. ‎Ang paglipat ay isang malaking hakbang tungo sa maayos na pagbibigay ng social welfare services.

 

8. Edukasyon, Muling Tinutukan sa LSB Meeting

Sa pulong ng Local School Board noong August 27, muling tinutukan ang iba't ibang isyu sa sektor ng edukasyon. Kabilang sa mga tinalakay ang paggamit ng Special Education Fund, preparasyon para sa World Teachers' Day, eleksyon ng PTA Officers, at iba pa.

 

9. HRMO, Nagbigay ng Training on Effective Communication

Noong August 27, nagsagawa ang HRMO ng isang training para sa mas mabisang komunikasyon ng mga piling kawani ng LGU. Naging tagapagsalita si Dr. Sharon F. Sanchez ng Bayambang National High School, na nagbahagi tungkol sa kahalagahan ng public speaking, storytelling, at epektibong komunikasyon sa serbisyo publiko.

 

10. KSB Year 8, Nagpatuloy sa Manambong

Nagpatuloy ang team ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 8 sa Manambong Sur Evacuation Center, upang pagsilbihan ang ating mga kababayan sa mga barangay ng Manambong Norte, Manambong Sur, at Manambong Parte. May 1,060 na residente ang nakapag-avail ng mga libreng serbisyo ng munisipyo nang di na kailangang mamasahe pa sa sentro, kaya't laking pasasalamat ng mga ito.

 

11. LGU, Nagbenchmarking sa Urbiztondo Water District

Ang mga opisyal ng LGU-Bayambang ay bumisita sa bayan ng Urbiztondo upang magbenchmarking activity sa Urbiztondo Water District. Kanilang inalam ang best practices ng naturang ahensya upang maaral kung alin ang maaaring iapply sa bayan ng Bayambang. Ang mga opisyal ay mainit na sinalubong nina Urbiztondo Mayor Modesto Operania at Vice-Mayor Alexis dela Vega.

 

12. SVF Prayer Park, Parte ng Familiarization Tour ng TPB

Ang Tourism Promotions Board - Philippines ng Department of Tourism ay nag-tour sa St. Vincent Ferrer Prayer Park bilang panghuling destinasyon ng kanilang Domestic Tourism Invitational Program, isang familiarization tour na nagdadala ng iba't ibang tour operators at travel agents upang maranasan ang isang kakaibang cultural tour sa Ilocos Region at ibenta ang naturang tour sa mga turista. Ang mga bisita ay winelcome at sinamahan ng Tourism Office staff.

 

13. 2,804 4Ps Members, Nag-exit sa Programa

May 2,804 na bilang ng 4Ps beneficiaries ang grumadweyt sa programa, matapos ang mga ito ay magboluntaryong mag-exit, mag-improve ang kanilang level of well-being, at wala nang puwedeng ma-monitor na 0-18 years old o buntis na miyembro ng pamilya. Ang graduation ceremony ay ginanap noong August 28, at siyang naging highlight ng pagdiriwang ng ika-walong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

 

14. Bagong Central Terminal at Bagsakan Market, Pinasinayaan!

Pormal na pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ang bagong tayong Bayambang Central Terminal at Bagsakan Market nitong August 25, sa isang seremonyang dinaluhan ng mga opisyal at mga bagsakan vendors. Ang modernong pasilidad, na matatagpuan sa Pangasinan State University-Bayambang Campus, ay itinuturing na makasaysayang hakbang para sa pagsasaayos ng transportasyon at pagpapalago ng ekonomiya ng bayan. Ang proyektong ito ay naging posible dahil sa magandang ugnayan sa pagitan ng LGU sa pamumuno nina Dr. Quiambao at Mayor Niña at ng PSU sa pamumuno ni University President, Dr. Elbert Galas.

 

***

Bayambang, dapat alam mo!

Dapat alam mo na ang tourism month sa ating bayan ay ilang beses nang kinilala bilang may BEST celebration sa BUONG PILIPINAS!

Kaya’t, Bayambangueños, handa na ba kayo sa isang buwang puno ng kasiyahan, kultura, at talento? Aba’y dapat lang! Dahil ngayong Setyembre… ipagdiriwang natin ang TOURISM MONTH!

Mapupuno ang Bayambang sa mga pakulong siguradong ikakatuwa ng lahat!

Heto na ang mga aktibidad na dapat abangan:

Anlong! Isang poem writing contest na bukas para sa wikang Ingles, Filipino, Pangasinan, at Ilocano. Kung may hugot ka, isulat mo na! May ₱3,000, ka pa kung ikaw ang pinakamahusay na makata!

Ilabas ang pinaka-maangas na pitik sa Talintao! Ang photography contest na magpapakita ng ganda ng Bayambang. Isang kuha lang, baka ikaw na ang makapag-uwi ng ₱5,000!

Tara, Mangistorya Ka! Isang short story writing contest kung saan bida ang iyong malikhaing kwento at ang kultura ng Bayambang.

Patunayan ang iyong talino sa Awaran Quiz Bee! Dito, hindi lang talino, kundi pati ang may pusong Bayambangueño ang mananalo! May ₱5,000 para sa hihiranging kampeon!

Umindak at matuto sa Binasuan! Isang dance workshop para maipasa ang tradisyonal na sayaw ng ating bayan.

Burolicious! Ang native delicacy demo na siguradong magpapaalala ng sarap ng pagkaing #TatakBayambangueño.

At sa Culminating Activity, siguradong bonggang-bongga!

May Tuupan Business & Investment Forum, isang seryosong usapan para sa mas maunlad na Bayambang.

Meron ding Singkapital 2025, kung saan ang mga bagong ideya para palaguin ang lokal na industriya ay ilalatag.

At syempre, Magana Fashion Show! Rampa na ang mga gawang-Bayambang, kung saan ang bawat hakbang ay may kwento ng kultura at sining!

At kung musika naman ang hanap mo, ready na ang Himigsikan! Ang singing contest na maghahanap ng may best voice sa buong bayan. May ₱5,000 para sa pinaka-birit at pinaka-hugot na boses! Kaya kung pang-Videoke King o Queen ka, dito mo na ipakita ang 100 na score mo!

Kaya mga Bayambanguenos, markahan na ang inyong kalendaryo, isama ang pamilya, at makisaya! Dahil dito sa ating bayan, hindi lang basta turismo, kundi tunay na Bayambang pride!

Ngayon, Bayambang, Dapat Alam Mo!

***

[OUTRO]

NEWSCASTER 1: Dito sa Bayambang, bawat proyekto ay may layuning makapaglingkod nang tapat at may puso.

NEWSCASTER 2: At bawat kwento, tagumpay nating lahat bilang isang komunidad.

NEWSCASTER 1: Ako pong muli si _____, kasama sa paglalahad ng mga kaganapan sa bayan.

NEWSCASTER 2: At ako si _____, mula sa Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office. Magsama-sama tayong muli sa susunod na ulat!

SABAY: Ito ang… BayambangueNews!

 

 


No comments:

Post a Comment