EDUCATION FOR ALL
- (LSB, Library, DepEd)
Certificate of Compliance, Iginawad sa 2 BPC Courses
Noong June 3, pormal na iginawad ng Commission on Higher Education Regional Office 1 (CHED RO1) sa Bayambang Polytechnic College (BPC) ang Certificate of Program Compliance (COPC) para sa dalawang kurso, ang Bachelor of Science in Agribusiness at Bachelor of Science in Entrepreneurship. Iginawad ang sertipiko sa pangunguna ni Regional Director, Dr. Christine Nabor Ferrer at iba pang opisyal kay College President, Dr. Rafael L. Saygo, kasama ang buong faculty at students ng BPC. Ang certificate ay patibay na de kalidad ang handog na mga kurso ng BPC.
Don Teofilo ES, Handa nang Magbukas
Sa tulong ni Mayor Niña Jose-Quiambao at ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, tinanggap ng Don Teofilo Elementary School sa Brgy. Ligue ang mga bagong school equipment na nabili gamit ang Special Education Fund. Ang mga ito ay tinanggap ni Principal Jenny Marquez noong June 5. Ang paaralan na donasyon ng pamilya Quiambao ay may tatlong classroom, at nakahanda nang tumanggap ng kindergarten hanggang Grade 3 learners sa pasukan. Ang loteng kinatitirikan ng paaralan ay donasyon ni Don Teofilo Mataban. Dahil sa proyektong ito, hindi na lalayo pa ang mga mag-aaral sa Brgy. Ligue, na dati ay kailangan pang mang-enrol sa katabing barangay ng Amanperez.
Mayor Niña at SATOM CTQ, Nagdonate ng Mahigit P5M sa BPC
Noong June 10, tinanggap ni Bayambang Polytechnic College President, Dr. Rafael L. Saygo, ang P5,286,400 na donasyon nina Mayora Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Mayor (SATOM), Dr. Cezar Quiambao, para sa 340 na mag-aaral ng BPC para sa kanilang tuition fee sa unang semester. Dahil dito, magtutuluy-tuloy ang pag-aaral ng mga naturang estudyante upang maabot ang pangarap na makapagtapos.
Mga School Supplies, Nakatakdang Ipamahagi sa Public School Pupils
Hindi na problema ng mga magulang ang school supplies sa darating na School Year 2024-2025, dahil sinagot na ni Mayor Niña at LGU-Bayambang ang kanilang pangangailangan. Ang mga school supplies na ito ay para sa mga SPED, Daycare, Kinder, at Grades 1 to 6 mula sa pampublikong paaralan.
BNHS Batch '91, Nagdonate ng School Supplies sa 5 Barangays
Ang Bayambang National High School Batch '91 ay nagdonate ng school supplies sa limang barangay noong May 19 at 20 at June 19. Sa pangunguna ng Batch '91 President na si Japar Macawaris, kasama ang mga miyembro kabilang si Councilor Amory Junio, sila ay namahagi ng 111 school bags sa Brgy. Warding, 115 school bags sa Managos, 100 school bags sa Dusoc Elementary School, at 130 packs ng school supplies sa Tococ East-West Elementary School at Alinggan-Banaban Elementary School. Ang kabuuang donasyon ay nagkakahalaga ng P50,000.
Mayor Nina, Sir CTQ, May Adisyunal na Higit P5M Donasyon sa BPC
Muling tinanggap ng Bayambang Polytechnic College ang adisyunal na donasyong pondo nina Mayor Niña at Dr. Cezar Quiambao para sa mga mag-aaral na naidentify na needy students ng kolehiyo. Ang panibagong donasyon na nagkakahalaga ng P5,286,400 ay ilalaan para sa tuition fee ng mga naturang estudyante.
LSB Update
Sa pulong ng Local School Board sa RHU I Conference Room noong June 25, tinalakay ang pagbubukas ng Brigada Eskwela, update ukol sa enrollment para sa School Year 2024-2025, update ukol sa Palarong Pambansa, at ang implementasyon ng Matatag Curriculum para sa kindergarten, Grade 1, Grade 4, at Grade 7. Napag-usapan din sa pulong kung paano mapapataas ang numeracy and literacy skills ng mga mag-aaral sa nalalapit na pasukan.
P2M School Supplies, Ipinamahagi
Bilang paghahanda sa nalalapit na bagong school year, ang lokal na pamahalaan ay sinimulan nang magpamahagi ng mga school supplies sa 49 na pampublikong paaralan sa elementarya at lahat ng daycare centers. Ang distribusyon ay ginanap noong June 25 hanggang 27, sa Aguinaldo Hall ng Events Center. Ang mga school supplies ay nagkakahalaga ng higit P2,000,000, na mula sa pondo ng Special Education Fund.
332 Bayambangueñong Mag-aaral sa Ibang Bayan, May School Supplies Din!
Sa pagsigurong walang maiiwang Bayambangueño pagdating sa larangan ng edukasyon, ang 332 Bayambangueñong kasalukuyang nag-aaral sa Baug Elementary School, Batancaoa South ES, at Magsaysay ES mula sa ibang bayan ay nakatanggap din ng libreng school supplies. Ang mga kagamitang pang-eskwela ay inihatid mismo sa mga naturang paaralan noong June 26.
HEALTH FOR ALL
- Health (RHUs)
PDA Pangasinan Chapter, Bumisita
Noong June 3, bumisita sa bayan ang Philippine Dental Association - Pangasinan Chapter Executive Officers, sa pamumuno ni Dr. Beah Bautista kasama sina Municipal Dentist, Dr. Dave Francis Junio. Sila ay nagcourtesy call kina Vice Mayor IC Sabangan, at sa Municipal Administrator upang pag-usapan ang iba't ibang mga proyektong maaaring pagtulungang gawin ng LGU at PDA-Pangasinan Chapter.
RHU, Nagpaalala ukol sa Dengue
June is Dengue Awareness Month, kaya naman may friendly reminder mula sa RHU at DOH. Anila, ang dating '4S Kontra Dengue' campaign ay mas lalong pinatibay, dahil ito ngayon ay 5S na:
1. Search and destroy: Hanapin ang mga mapaminsalang lamok sa kanilang pinamumugaran na tubig at linisin ang mga ito tuwing alas kuwatro ng hapon.
2. Self-protect: Magsuot ng mga damit na kayang magbigay ng proteksyon sa kagat ng lamok.
3. Seek consultation: Kumonsulta sa duktor sa oras na may nakita o naramdamang sintomas.
4. Support fogging in outbreak areas: Suportahan ang fogging operation ng otoridad.
5. Sustain hydration: Kapag tinamaan ng dengue, ugaliing uminom ng sapat upang huwag madehydrate.
Kaya't simula ngayon, ang lahat ay inaabisuhang mag-5S na kontra dengue upang makaiwas sa sakit na ito!
RHU, May Paalala rin ukol sa HIV-AIDS
Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV-AIDS sa Pangasinan at sa bayan ng Bayambang, inaabisuhan ang lahat na alamin ang tamang impormasyon ukol sa HIV-AIDS.
Ang human immunodeficiency virus o HIV, kapag napabayaan, ay maaaring humantong sa mas malalang kundisyon na Acquired Immunodeficiency Syndrome o AIDS.
NAIPAPASA ANG HIV sa:
Hindi protektadong pakikipagtalik;
Pagbubuntis, pagkatapos manganak, pati pagpapasuso; at
Pagsasalin ng dugo at paggamit ng hindi malinis na mga karayom.
HINDI NAIPAPASA ANG HIV sa:
Pisikal na hawakan,
Yakapan o halikan,
Mga damit o kasuotan,
Pagkain o gamit sa pagkain, o
Kagat ng insekto.
BAWASAN ANG PANGANIB NG PAGKAKAROON NG HIV: Maging tapat sa asawa o kinakasama. Huwag makipagtalik sa kung kani-kanino. Magpa-HIV test, may nararamdaman man o wala, lalo na kung nagkaroon ng risky sexual activities. Alamin ang tamang impormasyon tungkol sa HIV.
120-Day Supplementary Feeding, Naging Matagumpay
Noong June 7, opisyal nang nagtapos ang 13th cycle ng 120-day Supplementary Feeding Program ng DSWD para sa lahat ng Pre-Kindergarten learners. Naging kasali sa naturang feeding program ang may 2,980 Child Development Pre-K learners na naka-enrol sa 74 Child Development Centers ng Bayambang.
KSB Year 7 Team, Muling Naghatid ng mga Libreng Serbisyo sa Amancosiling
Noong June 13, ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 7 ay tumulak sa Amancosiling Elementary School upang ipagpatuloy ang walang humpay na paghahatid ng mga libreng serbisyo ng Munisipyo na may tatak Total Quality Service. Ayon sa ulat ni Vice-Mayor IC Sabangan, may 1,401 na residente ng Brgy. Amancosiling Norte, Amancosiling Sur, at San Gabriel 1st ang direktang nakatanggap ng iba't ibang tulong, at ito ay kanilang sinuklian ng mainit na pagsalubong sa KSB team.
BAIPHIL, SM Foundation, RHU, Muling Nag-medical Mission
May 1,712 na Bayambangueño ang naging benepisyaryo sa isang medical, dental, at surgical mission na hatid ng Bankers Institute of the Philippines at SM Foundation, sa pakikipagtulungan sa Rural Health Units ng LGU. noong June 22 sa Events Center. Sa kabuuan, ang mga libreng serbisyo ay nagkakahalaga ng P2,952,850. Ang LGU-Bayambang ay taos-pusong nagpapasalamat sa BAIPHIL at SM Foundation sa taun-taon na pagsasagawa ng medical mission.
RHU III, Nakakuha ng Permit to Construct para maging Primary Care Facility
Ang Center for Health Development Region I ng Department of Health ay inapurbahan ang Permit to Construct para sa RHU III (Carungay). Ayon sa ulat ni RHU III head, Dr. Roland Agbuya, ang permit na ito ay nangangahulugang handa na ang RHU III para maging isang ganap na Primary Care Facility.
RHU I, Nagmisting Operation sa Batangcaoa
Ang RHU I ay nagsagawa ng dalawang rounds ng misting operations sa Brgy. Batangcaoa matapos maiulat ang anim na pinaghihinalaang kaso ng dengue sa lugar. Ang mga apektadong residente ay pinayuhan ng Sanitary Inspector na maglinis ng paligid, magsegregate ng basura, itapon ang mga nakapondong tubig, at yugyugin ang mga pinagtataguan ng mga lamok bilang parte ng 4 o'clock habit. Sa huli, walang naitalang kaso ng dengue sa lugar.
Bloodletting Drive, Nakakalap ng 84 Blood Bags
Mas marami muling mga kababayan ang madudugtungan ang buhay, salamat sa isa na namang mobile blood donation drive ng Rural Health Unit at Philippine Red Cross noong June 24. Ang bloodletting activity ay nakaipon ng 84 blood bags. May naitalang 101 na registered blood donors, at 84 naman ang successful donors.
Dr. Quiambao at Mayor Niña, Panauhin sa PDA Convention
Naging panauhing pandangal at tagapagsalita si Special Assistant to the Mayor, Dr. Cezar Quiambao, sa ginanap na 94th Philippine Dental Association (PDA) Pangasinan Chapter Annual Convention sa Dagupan City noong June 25. Siya ay naluklok din bilang honorary member ng PDA Pangasinan Chapter kasama si Mayor Niña. Inihalal naman bilang PRO si Municipal Dentist, Dr. Dave Francis Junio. Nakatanggap din si Mayor Niña ng Presidential Merit Award bilang pagkilala sa huwarang pagsuporta nito sa pagdiriwang ng Oral Health Month.
- Nutrition (MNAO)
- Sports and Physical Fitness (MPFSDC)
District 3, Kampeon sa Inter-district Basketball Tournament
Nag-kampeon ang District 3 team sa pagtatapos ng LGU Inter-district Basketball Tournament sa Buenlag 1st Covered Court noong gabi ng June 4. Ipinakita ng District 3 ang kanilang determinasyon at husay, matapos nilang pangunahan ang laro laban sa District 4 sa final score na 89-85. Ang best-of-three series championship game at ang buong interdistrict tournament ay inorganisa ng Municipal Sports Council.
District 8, Kampeon sa 2024 Inter-District Volleyball
Nasungkit ng District 8 ang kampeonato kontra District 2 sa Best of 3 championship series ng 2024 LGU-Bayambang Inter-District Volleyball Tournament na ginanap sa Events Center noong June 7. Kinumpleto ng District 8 ang 2-0 sweep para angkinin ang kampeonato, matapos nitong manalo kontra District 2. Ang matagumpay na tournament ay inorganisa ng Sports Council.
- Veterinary Services (Mun. Vet.)
– Slaughterhouse
PROTECTION OF WOMEN AND CHILDREN
- Social Services (MSWDO, MAC)
Child Development Workers Week, Ipinagdiwang
Noong June 5, nagkaroon ng refresher training at socialization ang mga Child Development Workers ng Bayambang bilang parte pagseselebra ng CDW Week. Naging tagapagsalita si Bauang, La Union MSWD Officer Arlie Alonzo, at kanyang tinalakay ang "Pre-Assessment of Private School and Public Learning Center" at "Operation and Guidelines on Child Development and Daily Routine Activity." Nagkaroon din ng isang dance competition bilang socialization activity. Kinilala naman ang walong CDW na may 20 or more years of service.
Baguio CDWs, Bumisita
Noong June 10, nag-benchmarking at outreach activity ang Baguio City Child Development Workers sa Nalsian Sur Child Development Center at M.H. Del Pilar Child Development Center. Sa naturang aktibidad, nagbahagi ng ilang school supplies at kanilang best practices ang mga bisita sa naturang mga CDC at nakipagbonding sa kapwa CDWs.
1,930 Pre-K Learners, Nagsipagtapos
Noong June 10, 11, 13, at 14, matagumpay na nagsipagtapos ang may 1,930 na pre-kindergarten learners mula sa mga Child Development Centers ng Bayambang sa magkakahiwalay na 34th Moving-up Ceremony sa Balon Bayambang Events Center. Naging guest of honor at speaker sina SK Federation President Marianne Cheska Dulay; Local Youth Development Officer Johnson Abalos; Municipal Health Dentist, Dr. Dave Francis Junio; at Managos Elementary School Teacher III, Dr. Mark Carlo Lopez.
Lomboy, Ininduct bilang Pangasinan LGBTQI Association President
Pormal na ininduct ni Governor Ramon Guico III si Bayambang LGBTQI+ Association President Sammy Lomboy Jr. bilang bagong Pangasinan LGBTQI+ Association President para sa mga taong 2023-2026 noong June 10, sa Ramon Guico Jr. Sports Complex, Binalonan, Pangasinan, kasama ang mga nahalal na opisyales na nagmula sa iba't-ibang bayan ng Pangasinan. Ang induction activity ay dinaluhan ng LGBTQI+ Associations mula sa 37 na bayan ng Pangasinan.
LGBT Association, Nag-clean-up Campaign
Noong June 17, nagsagawa ang Bayambang LGBT Association ng isang clean-up campaign at ceremonial bougainvillea planting sa Brgy. Del Pilar, Magsaysay, at Bical Norte, bilang parte ng pagdiriwang ng Pride Month, katuwang ang Rotary Club of Bayambang, SK Federation, at mga Binibining Bayambang. Ito ay kanilang pagtugon sa panawagan ni Mayor Niña na makiisa sa kanyang proyektong 'Bali-Balin Bayambang 2.0'.
232 Households mula sa 4Ps Program, Gagraduate Na!
Sa isinagawang Municipal Advisory Council Meeting noong June 13, inanunsyo ng DSWD Municipal Links ang napipintong graduation ng 232 household beneficiaries mula sa 4Ps program. Iprinisenta rin nila ang mga update ukol sa estado ng mga 4Ps members, mga masidhing kaso ng kahirapan, ang mabilisang intervention measures na isinagawa ng LGU, Social Welfare and Development Indicator administration sa Bayambang, at ang lagay ng iba't ibang Sustainable Livelihood Programs ng ahensya.
Bayambang, Biggest Delegate Awardee sa 9th Provincial CDW Convention
Nanguna ang mga Child Development Workers ng Bayambang sa 9th Provincial Convention for Child Development Workers matapos nilang matanggap ang Biggest Delegate Award. Ang pagkilalang ito ay bukod pa sa mga service awards na iginawad sa mga CDW na may 10 up to 30 years of service. Ang convention ay ginanap sa Lingayen noong June 18 to 20.
Pride Month, Ipinagdiwang ng Local LGBT Community
Bilang bahagi ng pagseselebra ng Pride Month, nagdaos ng makulay na flag-raising ceremony ang LGBTQI Association of Bayambang noong June 24. Isa-isang rumampa ang mga miyembro ng asosasyon habang winawagayway ang kanilang mga rainbow flag. Nakatanggap ng mga T-shirt ang bawat miyembro ng asosasyon bilang regalo ni Mayor Niña.
LGBTQI Members, Nagpabonggahan sa Gala Night
Nagningning ang gabi ng bawat miyembro ng LGBTQI Association of Bayambang sa katatapos na Gala Night noong June 29 sa Events Center bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pride Month. Naging highlight ng gabi ang raffle draw na sponsored ni Mayor Nina Jose-Quiambao, na nagbigay ng dagdag na saya at excitement sa mga dumalo.
- Civil Registry Services (LCR)
Free Delayed Registration of Birth, Nagpatuloy sa mga Barangay
Patuloy sa pag-iikot ang Local Civil Registry para sa libreng delayed registration of birth bilang parte ng Birth Registration Assistance Project (BRAP) ng Philippine Statistics Authority. Sa batch na ito ay mayroong 90 beneficiaries mula sa barangay ng Maigpa, Tococ East, Amanperez, Batangcaoa, at Carungay.
- Environmental Protection (MENRO, ESWMO)
Nalsian Norte, Wagi sa Bali-balin Bayambang sa Mayo
Noong June 10, nasungkit ng Brgy. Nalsian Norte sa unang pagkakataon ang grand prize sa Bali-balin Bayambang 2.0 sa buwan ng Mayo, kasunod ng pinakahuling validation activity na isinagawa ng ESWMO.
Nakatanggap ng sertipiko ang naturang barangay at ginawaran ng mga bougainvillea cuttings at soil ameliorant bilang bahagi ng kanilang premyo.
MENRO, Nakipagpulong sa PSU ukol sa Environmental Project
Nakipagpulong si MENRO Joseph Anthony Quinto sa PSU Bayambang Campus officials para sa proyektong Tree Planting, Growing, and Monitoring Activities and Projects on RA 9003 noong June 20, sa pakikipagtulungan sa Pollution Control Officer at Extension Coordinator ng PSU. Sa kolaborasyong ito, ang PSU-BC ay inaasahang makakapag-ambag sa climate change adaptation measures at mapapabuti ang ecological solid waste management program nito.
- Youth Development (LYDO, SK)
- Peace and Order (BPSO, PNP)
Traffic Enforcers, May Bagong Uniporme
Noong June 4, tinanggap ng may 19 na traffic enforcers ng Bayambang Public Safety Office ang bagong set ng uniporme. Kabilang sa uniporme na ito ay ang sumbrero, long sleeves, reflectorized vest, pantalon, at boots na pinondohan ng ating LGU at aprubado ni Mayor Niña Jose-Quiambao. Buong-pusong nagpapasalamat ang mga traffic enforcer ng BPSO sa ating mayor sa kanilang bagong uniporme.
Talipapa sa Nalsian Sur, Inilipat ng Puwesto
Isang talipapa sa Brgy. Nalsian Sur ang dinemolish at inilipat ng Road Clearing Task Force noong June 17 upang mapigilan ang peligrong dulot nito sa mga mamimili at motorista. Mula sa gilid ng highway, ang mga vendors ay inilipat sa bagong gawang talipapa sa katabing looban, sa pagtutulungan ng BPSO, PNP, MDRRMO, Engineering, SEE, at ESWMO.
AGRICULTURAL MODERNIZATION - (MAO)
KALIPI, Nagtraining sa Urban Gardening at Hydroponics Farming
Isang training sa "Urban Gardening at Hydroponics" ang inorganisa ng Agriculture Office para sa mga miyembro ng KALIPI noong June 18 at 19. Tinalakay dito ang pagtatanim na di nangangailangan ng lupa gamit ang isang growth solution. Sa hydroponics farming, maaaring makapagtanim ang sinuman sa mga urban areas.
Rice Farmers, Tumanggap nga Panibagong Financial Assistance
Noong June 19, may 2,018 rice farmer beneficiaries ang tumanggap kada isa ng P5,000 bilang Rice Farmer Financial Assistance mula sa Department of Agriculture. Ginanap ang payout sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park.
JOBS AND LIVELIHOOD FOR ALL
- Livelihood and Employment (PESO, BPRAT)
PSU-LGU Job Fair, Dinumog ng 569 Applicants
Noong June 17, isang job fair ang ginanap sa pagtutulungan ng PSU-Bayambang Campus at PESO-Bayambang sa Events Center. May 569 applicants ang naitala, at 31 dito ang hired on the spot. Kabilang sa mga job recruiters ang Philippine Army at 13 na pribadong kumpanya. Naroon din ang SSS, na nakatulong sa may 265 applicants na makapag-apply para sa required SSS number.
- Economic Development (SEE)
Roof Ventilation, Ininstall sa RTW Section ng Public Market
Mabilis na pinaunlakan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang hiling ng mga vendor sa RTW section ng Public Market na magkaroon ng maayos na ventilasyon ang kanilang gusali. Ayon sa report ni Municipal Engineer Bernadette Mangande, ang Engineering Office ay kaagad na nag-install ng roof ventilation, exhaust fan, at ceiling fan sa nasabing section, at ito ay kaagad natapos noong nakaraang Biyernes.
Nasunog na Parte ng Public Market, Naayos sa Loob ng Isang Buwan
Gaya ng naipangako ni Mayor Niña Jose-Quiambao, mabilisang aksyon ang isinagawa ng Engineering Office upang agad na marehabilitate ang nasunog na mga stall sa Public Market sa loob lamang ng isang buwan.
Nagkaroon din ng installation ng bagong roll-ups sa mga stall doon.
Narito ang update sa mga aktibidad na ito as of June 5, 2024, ayon sa ulat ni Municipal Engineer Bernadette Mangande:
- Bagoong Section: 100% completed (inspected and occupied already)
- School Supply Section: 100% completed (both inspected and ready for occupancy)
- Pharmacy Section: 100% completed (both inspected and ready for occupancy)
Samantala, naglagay din ang Engineering Office ng demarcation line upang mapanatili sa tamang espasyo ang mga stall ng mga vendor at nang matiyak na hindi na sila lalampas dito at masakop ang kalsada.
Mga Nasunugan sa Palengke, Tumanggap ng Additional Financial Aid
Noong June 3, namigay ang LGU ng adisyunal na financial assistance sa mga nasunugan sa palengke. Ang mga may partially damaged stalls ay nakatanggap ng P3,000 cash, at ang mga may totally damaged stalls ay nakatanggap naman ng P5,000 cash. Nagtulung-tulong sa distribusyon ng financial aid ang MSWDO, Treasury, at SEE.
- Cooperative Development (MCDO)
- Tourism, Culture, and Arts (MTICAO)
Ika-126 na Araw ng Kalayaan, Ginunita
Ang ika-126 na taon ng Araw ng Kalayaan ng bansa ay ginunita ng LGU sa harap ng Municipal Hall noong June 12. Pinangunahan ang simpleng seremonya ng mga Sangguniang Bayan members, department at unit heads, empleyado ng LGU, mga Punong Barangay at barangay officials, Sangguniang Kabataan, at PNP at BFP officers at personnel. Sa pag-oorganisa ng MTICAO, ang lahat ay nagtipon-tipon upang parangalan ang makasaysayang araw nang may sigla at maalab na damdaming makabayan. Idineliver ni Mayor Nina ang kanyang talumpati gamit ang AVP.
- Infrastructure Development (Engineering: Infra, Housing, Transport, Utilities, etc.)
White House sa Central School, Binuksan
Noong June 6, pormal nang binuksan ang tinaguriang White House o kilala bilang dating Home Economics Bldg., na isang Gabaldon building, sa Bayambang Central School. Ito ay magsisilbing pansamantalang opisina ng Engineering Office at Office of Senior Citizen Affairs, at magiging satellite office din ng Bayambang Public Safety Office.
Completed: Phase 1 Construction ng Public Bonery
Ang Phase 1 construction ng Public Bonery ay 100% completed na, ayon sa report ng Engineering Office. Ang bonery, na matatagpuan sa Zone 7, ay isang mabilis na solusyon ng Quiambao-Sabangan administration sa matagal nang problema ng overcrowding sa ating lumang Public Cemetery.
Daan sa Bagong Talipapa sa Nalsian, Sinemento
Upang maging mas maayos ang bagong bukas na talipapa sa Brgy. Nalsian Sur at gawing mas kumbinyente ito sa mga mamimili, sinimento ng Engineering Office ang ginawang daan sa harap nito. Ang bagong bukas na talipapa ay isa sa mga solusyon upang maalis ang mga nakahambalang na mga tindahan sa daan at siguraduhing ligtas ang bawat mamimili at vendor.
Ceremonial Signing, Ginanap para sa PRDP Loan
Isang ceremonial signing ang ginanap sa pagitan ng LGU-Bayambang at Landbank para sa isang loan na nakalaan para sa Phase II ng Philippine Rural Development Project at Cold Storage Project. Sa pirmahang ginanap noong June 24, ang LGU ay nakatanggap ng loan na nagkakahalaga ng P45 million para sa PRDP road with bridges project at P35 million para sa cold storage bilang equity o counterpart fund ng LGU para sa mga naturang proyekto.
Groundbreaking Ceremony para sa BYB Metro, Idinaos
Upang bigyang katuparan ang matagal nang pinangarap na proyekto ni dating Mayor, Dr. Cezar Quiambao, para sa tunay na progreso ng Bayambang, ang groundbreaking ceremony ng BYB Metro o Bayambang Metro na nagkakahalaga ng P2.5 billion, ay idinaos noong June 24 sa 67 na ektaryang lupain sa Brgy. Bani. Lahat ng dumalo ay namangha sa ipinakitang master plan ng BYB Metro, na kabibilangan ng Commercial Business District, na may shopping mall at mga restaurant, at ang Blue Sky theme park na magbubkas sa darating na Nobyembre. Sa Phase II ay magkakaroon naman ng residential subdivisions. Lahat ng ito ay inaasahang magpapasok ng napakaraming trabaho at oportunidad sa bayan ng Bayambang.
DISASTER RESILIENCE - (MDRRMO)
Mga Bayambangueño, Muling Nahasa sa Earthquake Simulation Exercise
Sa 2nd quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) noong June 28, sabay-sabay na nag-duck, cover and hold at kalmadong naglakad patungong open grounds ang mga LGU employees at opisyales ng 77 barangays. Ang nabanggit na drill ay pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), at tumulong na nag-facilitate bilang first responders ang mga trained safety officers ng bawat departamento ng lgu, katulong ang BFP, PNP, at ang mga 104th Philippine Army reservists. Ang MDRRMO ay nagtala ng 559 na participants, na muling nahasa sa simulation exercise o makatotohanang pagsasadula ng mga sitwasyon na maaaring mangyari kapag may lindol.
HONEST & EFFICIENT PUBLIC SERVANTS
TWG, Nagpulong para sa BSGLG Compliance
Noong June 3, nagbigay ng orientation activity ang isang Technical Working Group na binuo para sa Seal of Good Local Governance for Barangays (BSGLG), sa pangunguna ni MLGOO Editha Soriano. Dito ay ipinaliwanag ang mga kakailanganing dokumentasyon mula sa mga barangay para makapasa sa BSGLG. Tinalakay kung papaano maging mas compliant ang lahat ng 77 barangays sa documentary requirements pagdating ng assessment team mula sa DILG.
BAC Members, Umattend ng Procurement Seminar
Ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee ay umattend ng isang seminar na pinamagatang "Navigating Government Procurement at the Local Level," mula June 4 hanggang June 7, sa UP Diliman. Ang pagsasanay ay nagbigay sa BAC ng malalim na pang-unawa sa Government Procurement Reform Act, at tyansa na matuto ng best practices. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapahusay pa ng BAC ang mga proseso ng procurement, mas mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko, at matiyak ang responsableng pamamahala sa kabang yaman ng bayan.
Training on Vlogging, Writing, at Photography, Idinaos
Noong June 21 to 22, nagsagawa ng isang training sa vlogging, writing, at photography ang MTICAO at Bayambang Polytechnic College sa tulong ng Quadcom Kreativ MultiMedia Production. Ito ay isinagawa sa BPC, kung saan naging aktibong kalahok ang buong MTICAO at mga representante ng iba’t ibang departamento.
Bagong Officers ng BBKAPI, Nanumpa kay Mayor Niña
Pormal na nanumpa ang mga bagong halal na opisyal ng Bayambang Barangay Kagawad Association of Pangasinan Inc. (BBKAPI) kay Mayor Niña Jose-Quiambao, sa oath-taking ceremony na ginanap sa Events Center noong June 24. Pinangunahan ang mga bagong halal na opisyal ni BBKAPI President Analiza Ballesteros ng Brgy. San Vicente.
Barangay Officials, Nagseminar sa Barangay AIP at Budgeting
Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang pagbubukas ng seminar ng Budget Office tungkol sa "Updates sa Barangay Annual Investment Program at Budget Preparation" noong June 20 sa Events Center. Nanawagan si Mayor Niña sa lahat na gawing gabay ang integridad at katapatan sa kanilang budgeting at annual investment programming. Kanyang ipinagdiinan na ipinagbabawal ang anumang fixer sa bayan ng Bayambang.
- Planning and Development (MPDO)
120 Applicants, Nag-Exam para sa Enumerators
Noong June 11, pinangunahan ng Philippine Statistics Authority, katuwang ang Municipal Planning and Development Office, ang isang pagsusulit para sa 120 na aplikante na taga-Bayambang para maging PSA enumeratorspara sa 2024 Census of Population. Ang naturang pagsusulit ay ginanap sa Annex Building ng Bayambang Polytechnic College.
- Legal Services (MLO)
Mahigit 200 Biktima ng Scam, Nagpasalamat!
Mahigit 200 na biktima ng isang online investment scam ang nagpapasalamat sa libreng legal assistance na natanggap mula kina Mayor Niña at Dr. Cezar Quiambao. Ang kasong ito ay tinutukan ng team ng Legal Office simula pa noong 2022, kaya’t nahuli ang mga scammer matapos silang sampahan ng kaso. Sa kasalukuyan ay nakikipag-areglo na ang mga naturang scammer sa mga biktima.
- ICT Services (ICTO)
LGU-Bayambang, Kinilala sa Pagsuporta sa DICT Initiatives
Isang plake ng pagpapahalaga ang iginawad ng DICT sa ICTO-Bayambang dahil sa matibay na pagsuporta ng LGU sa eGOV PH app at eLGU System ng ahensya, na siyang nagsusulong ng mga ICT initiatives na may kaugnayan sa pagpapayabong ng digitalization ng public service. Ito ay iginawad bilang parte ng eLGU Launching and Kick-off ceremony ng DICT noong June 6 sa kapitolyo.
ICT Office, Iprinisenta ang Ginawang Inventory Management System
Iprinisenta ng ICT Office ang unang phase ng natapos nitong LGU Inventory Management System sa mga kawani ng Accounting Office at General Services Office noong June 13. Kapag natapos ang programa, mas mabilis nang malaman ng bawat empleyado kung ano ang mga gamit na nakapangalan sa kanila at kung aling gamit ang dapat nang palitan.
- Human Resource Management (HRMO)
Mga Frontliners, Muling Nakinig sa Customer Service Seminar
Ang iba't ibang frontliners ng LGU ay muling sumailalim sa “Effective Customer Service Seminar.” Ito ay upang masiguro na ang bawat kawani ng gobyerno na humaharap araw-araw sa mga kliyente ay magkaroon ng tamang kaalaman kung paano ang maayos na pagtrato sa mga kliyente ng gobyerno. Ang seminar ay inorganisa ng HRMO noong June 26 sa Events Center.
- Transparency/Public Information (PIO)
- Property Custodial Services (GSO, Motorpool)
AWARDS AND RECOGNITIONS
LEGISLATIVE ENACTMENTS - (SB)
Budget Hearing para sa mga Barangay, Nagpatuloy
Sa pagpapatuloy ng serye ng committee hearings na isinasagawa ng Sangguniang Bayan noong June 25 ukol sa Supplemental Budget at Tax Ordinance ng iba't ibang barangay, isinalang ang annual budget ng Warding at tax ordinance ng M.H. Del Pilar, gayundin ang mga annual budget ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. Buenlag 1st, Warding, Idong, Ambayat 2nd, Dusoc, Nalsian Sur, Bongato West, at Iton. Matagumpay na dinepensahan ng mga naturang barangay ang mga binalangkas na budget.