Monday, February 27, 2023

Editorial for February 2023: "Pag-asa sa Pagbabasa"

 

EDITORIAL

 

“Pag-asa sa Pagbabasa”

Ang pagbasa at pagsulat ay isa sa mga pinakamahalagang bagay na kailangang matutunan ng isang bata. Ito ay isang problema ng Pilipinas bago pa ang pandemya. Ngunit lumala ang sitwasyon noong panahon ng pandemya dahil nagsara ang mga paaralan at kinailangang mag-klase sa pamamagitan ng distance learning, tulad ng online classes at modular-based learning, kung saan hindi lamang ang mga guro ang kailangang asahan ng mga estudyante kundi pati na rin ang kanilang mga magulang upang turuan sila.

Ayon sa resulta ng “The State of Global Learning Poverty: 2022 Update” ng World Bank, ang learning poverty ng Pilipinas ay isa sa pinakamataas sa East Asia at Pacific region, kung saan 90.9% ng mga bata ang nagdurusa sa learning poverty. Ang learning poverty ay tumutukoy sa mga batang hindi marunong magbasa at umunawa ng simpleng mga teksto o kwento bago ang edad na sampung taon. Sa Bayambang, nakaka-alarma ang ulat ng ating mga guro at dalawang Public Schools Division Supervisor ng Department of Education: nang dahil sa pandemya, may mga Grade 3 learners ngayon ang hindi pa rin makabasa.

Ano nga ba ang kahalagahan ng pagbasa? Ang pagbasa ay nagpapahusay ng mga kasanayan na ginagamit natin sa ating pang-araw-araw na buhay, tulad ng komunikasyon at pag-unawa. Ito ang pinakamagandang paraan para sa mga bata na madagdagan ang kanilang kaalaman hindi lamang sa eskwela kundi sa buong buhay nila. Habang lumalaki ang bata, lumuluwag din ang mundo nito dahil binubuksan ng pagbabasa ang puso’t isipan sa iba’t-ibang bagay sa buhay. Ang pagbabasa ay nagbibigay daan sa tagumpay ng kinabukasan ng isang bata.

Hindi lamang para sa mga bata ang pagbabasa. Habang tayo ay tumatanda, ito ay nagbibigay ng pagkakataong patuloy na umunlad at matuto.  Nakakatulong din ito sa pagpapalakas ng ating brain activity.

Dahil batid niya ang lalim ng kahalagahan ng pagbabasa, ang ating mahal na Mayor Niña Jose-Quiambao ay nagsasagawa ng weekly reading activity tuwing Miyerkules upang enganyuhin ang mga mag-aaral na magbasa. Personal siyang naglilibot sa iba't ibang public schools para magbasa ng story books para sa mga bata nang mapukaw ang kanilang imahenasyon at matuto balang araw na magbasa sa kanilang sariling inisyatibo. Tulad ng sabi niya, "Ang pag-asa ay nasa pagbabasa."

 

No comments:

Post a Comment