Sunday, July 3, 2022

LGU Accomplishments - June 2022

SUMMARY OF LGU ACCOMPLISHMENTS 

GOOD GOVERNANCE

Sampung service vehicles, tinanggap ng LGU-Bayambang

Salamat kina Mayor Cezar T. Quiambao, Mayor-elect Niña Jose-Quiambao, at KKSBFI COO Romyl Junio, sampung service vehicles ang itinurn-over ng Kasama Kita sa Barangay Foundation sa Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa isang programa noong June 3 sa Municipal Plaza. Ang mga service vehicles na ito ay magagamit ng Mayor’s Action Center, Rural Health Unit 3, Senior Citizens Association, at iba pang mga opisina sa paghahatid ng Total Quality Service sa mga Bayambangueño.

LGU Services, Dinala sa Buenlag 1st

Samu't-saring serbisyo ang tinanggap ng mga residente ng Mangayao, Buenlag 1st at Buenlag 2nd mula sa Komprehensibong Serbisyo sa Bayan team noong June 3 sa Buenlag 1st Elementary School. Kasing-init ng panahon ang naging pagtanggap ng mga mamamayan doon maging ang Principal ng eskwelahan na si Ms. Fe Balbin at Punong Barangay Rufo Junio sa mga empleyado ng munisipyo at sa kanilang hatid na serbisyo. Dagdag pa rito ang libreng haircut ng mga LGBTQI Association handog ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. na dinagsa ng mga tagaroon. Mayroon ding libreng bigas at grocery packs ang ipinamahagi sa kanila bilang regalo ni Mayora Niña Jose-Quiambao. Sa araw na iyon, halos isang libong Bayambangueño ang nahatiran ng mga serbisyong tapat at de-kalidad.

Road Clearing Operations, Nagpatuloy

Noong June 8, nagsagawa ng clearing operation sa Brgy. M.H. del Pilar at Brgy. Nalsian Sur sa pangunguna ni MLGOO Royolita Rosario ng DILG katuwang ang POSO, PNP Bayambang at mga pinuno ng nasabing barangay, upang pagtuunan pansin ang mga obstruction sa mga kalsada roon, mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko, at maiwasan ang anumang aksidente. Kinausap din ng buong team ang mga may-ari ng sasakyan na nakaparada upang abisuhan ang mga ito laban sa panganib na dulot ng ilegal na pagparada sa gilid ng kalsada. 

Signing of Post-elections Pledge

Nagtungo sina Mayor-Elect, Hon. Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao, at Vice-Mayor-Elect, Hon. Ian Camille Sabangan, at mga kasamang konsehal sa Team Quiambao-Sabangan sa Signing of Post-elections Pledge na inorganisa ng COMELEC at PNP-Bayambang para sa lahat ng mga tumakbong kandidato sa bayan ng Bayambang noong June 13 sa St. Vincent Ferrer Parish Church. Ang kanilang paglagda ay nangangahulugan ng kanilang buong-pusong pagtanggap sa naging resulta ng halalan noong May 9 kung saan nanaig ang boses mismo ng mamamayan.

ICT Office, May Panukalang Database at Financial Aid System para sa MSWDO

Noong June 16, iprinisenta ng ICT Office sa pangunguna ni Ricky Bulalakaw ang ginagawa ng opisina na panukalang Gender and Development o GAD Database at isang system upang mapabilis ang pagproseso ng financial assistance mula sa MSWDO. Dumalo sa pulong na ginanap sa Mayor's Conference Room ang mga nakatakdang gumamit ng naturang sistema mula sa MSWDO, sa pangunguna ni MSWDO head Kimberly Basco.

DSWD-CAR, Nagbenchmarking sa Bayambang

Noong June 14, bumisita ang DSWD ng Cordillera Administrative Region upang pag-aralan ang mga istratehiya para sa matagumpay na implementasyon ng iba't-ibang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD dito sa Bayambang. Ang delegasyon ay winelcome ni Mayor Cezar Quiambao, kasama ang MSWDO, DSWD Bayambang SLP team, at BPRAT. Sinabi ni Mayor Quiambao na, hindi man perpekto ang SLP implementation sa Bayambang, hindi tumitigil aniya ang LGU sa pamamagitan ng BPRAT na magpatuloy sa pagbibigay ng suporta gaya ng financial assistance, capacity building, marketing, at partnerships.

KSB Team, Nagtungo sa Brgy. Bacnono

Noong June 17, ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 5 ay dinala sa Bacnono Elementary School sa Brgy. Bacnono upang pagsilbihan ang Bacnono, Ataynan, at Tambac sa District 8. Pinangunahan ang delegasyon ng munisipyo nina Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo, RHU II head Dr. Adrienne Estrada, at RHU III head, Dr. Roland Agbuya, at iba pang mga opisyales kabilang na ang mga iba't-ibang department head. May 966 na benepisyaryo ang nag-avail ng mga libreng serbisyong handog ng iba’t-ibang departamento ng Munisipyo. 

Isa na Namang Honest Employee mula sa SEE 

Isa na namang empleyado ng Office of the Special Economic Enterprise (SEE), na si Felipe de Guzman, ang nakapulot ng isang nahulog na cell phone noong madaling araw ng June 19 sa Bagsakan. Ayon sa ulat ni SEE Market Supervisor Gernalyn Santos, kaagad kinontak ni De Guzman ang may-ari, kaya agaran ding naisauli ang cell phone sa may-ari, na isang mamimili na taga-karatig-bayan ng Bautista.

Bayambangueña, Top 3 sa Nursing Board!

Pinarangalan ng LGU-Bayambang, sa pamamagitan ni Sangguniang Bayan Secretary Joel V. Camacho, ang mga Bayambangueño na pumasa sa iba’t ibang licensure exams. Nanguna rito ang nagtop-3 sa 2022 Nursing Board exam na si Dhen Loren O. delos Santos ng Brgy. Manambong Parte. Siya ay graduate ng University of the Pangasinan at nagtamo ng marking 89%.

Kasabay nito ay pinarangalan din ang Sancagulis Barangay Council bilang national passer para sa Seal of Good Local Governance for Barangays, out of 44,000 barangays sa Pilipinas at out of more than 1,300 barangays sa Region I.

Pinarangalan din si Mayor Cezar T. Quiambao dahil ito ay muling nabigyan ng Most Outstanding Mayor Award ng Sustainability Standards Inc. 

Turnover Ceremony, Naging Maayos

Pormal nang ipinasa ni outgoing Municipal Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, ang susi na sumisimbolo sa pamamahala sa LGU-Bayambang kay Mayora Niña Jose-Quiambao bilang bagong lider kasama ang mga bagong halal na opisyal ng bayan, sa isang turnover ceremony noong June 27 sa Balon Bayambang Events Center. Sa kanyang huling opisyal na talumpati bilang mayor, binilin niya ang mga iiwanang kawani na alisin ang takot at panaigin ang ikabubuti ng nakararami upang mas mapabilis ang progreso ng bayan. Nangako naman si Mayora Nina Jose-Quiambao na magiging tuluy-tuloy ang Total Quality Service ng Team Quiambao-Sabangan sa ilalim ng kanyang panunungkulan. 

Mga Bagong Halal na Opisyal, Pormal nang Itinalaga

Noong June 28 naman, pormal na itinalaga si Mayor Mary Clare Judith Phyllis 'Niña' Jose-Quiambao at Vice Mayor Ian Camille C. Sabangan bilang kauna-unahang Alkalde at Bise-Alkalde ng bayan ng Bayambang sa oathtaking ceremony na ginanap sa Balon Bayambang Events Center. Ang makasaysayang programang ito ay pinangunahan ni Municipal Trial Court Judge, Hon. Dominico Sanchez, bilang Presiding Officer. Kasama sa oathtaking ceremony ang mga naihalal na Konsehal ng Bayan. Ang buong Team Quiambao-Sabangan ay pormal na nanumpa sa harap ng bawat Bayambangueño na kanilang ipagpapatuloy ang Rebolusyon Laban sa Kahirapan at sila ay magsisilbi sa lubos ng kanilang kakayahan bilang mga opisyal ng bayan. 

Paglilipatan ng MSWDO at Trial Court, Ininspeksyon

Noong May 30, nagsagawa ng ocular inspection ang Assessor's Office, kasama ang Municipal Legal Officer at Engineering Office para sa panukalang Municipal Social Welfare and Development Office at Municipal Trial Court Extension Office sa Brgy. Magsaysay. Ang team ay nakipag-usap sa mga temporary occupants ng pagtatayuang lote ukol sa plano ng LGU sa lugar.

FINANCIAL ADMINISTRATION & TAXATION

Tax Verification for CARP Beneficiaries

Noong June 14, nagtungo ang Assessor's Office team sa Brgy. Buenlag II at Mangayao upang mag-verify ng mga titulo na covered ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP. Ito ay para makapagprepara ang Assessor's Office ng tax declaration para sa mga benepisyaryo ng CARP at nang sila ay makapapagbayad ng tamang real property tax.

Tax Declaration Issuance ng Assessor's, Tuluy-Tuloy

Tuluy-tuloy ang Assessor's Office sa pag-iissue ng tax declaration para sa mga bagong tayong istruktura, mapa-residential man o commercial building. Noong May 30 at 31 at June 1 at 2, ang team ni Gng. Annie de Leon ay umikot sa Brgy. Sapang. Ipinapaalam ng Assessor's team sa mga ating kababayan na kailangan nilang magbayad ng amilar ayon sa batas, hindi lang para sa mga commercial building, kundi pati na rin mga residential building (with exceptions), dahil sa real estate tax nanggagaling ang kita o revenue ng Munisipyo upang may pangtustos sa lahat ng development projects ng lokal na pamahalaan. Sa ganitong paraan, ang bawat residente ay may ambag sa pamamahala at pagpapaunlad ng bayan.

Assessor's Office, Patuloy sa Pag-issue ng Tax Declaration

Patuloy ang Assessor's Office sa pagsagawa ng property appraisal at pagkuha ng approval mula sa Provincial Assessor's Office, at pagkatapos nito ay ang distribusyon naman ng mga Owner's Copy of Tax Declaration sa iba't-ibang barangay. Kasabay nito ay ang kanilang pag-inform sa mga property owner na maaari na silang magbayad ng kanilang amilyar matapos maisyuhan ng tax declaration. Ang mga aktibidad na ito ay isinagawa noong nakaraang linggo sa Barangay Tatarac, Cadre Site, Bacnono, Atayan, Tambac, Poblacion Sur, Zone VI, at Zone VII.

Treasury Office Services ng June 2022

A. BPLO Inspection, Tuluy-Tuloy

Patuloy ang inspeksyon ng Business Permit and Licensing Office sa iba't-ibang business establishments sa mga barangay na wala pang kaukulang permit. Sa nakaraang linggo ay binisita nila ang Brgy. Mangayao, Pantol, Tambac at Manambong Sur. Nabigyan din ng mga demand letter ang mga may-ari ng mga business na nag-ooperate ng walang kaukulang dokumento. 

B. RPT Section, Naging Abala sa Extension ng Penalty Condonation

Naging abala naman ang Real Property Tax Section sa huling linggo ng Hunyo dahil marami ang nag-avail ng extension of condonation of interests and penalties sa amilyar hanggang June 30, 2022. Matatandaan na nagpalabas ng ordinansa ang Sangguniang Panlalawigan na hanggang sa katapusan ng Hunyo na lamang ang extension ng condonation of penalties. 

C. Tax Campaign, Patuloy

Patuloy pa rin ang Tax Information Campaign ng Treasury Office sa iba't-ibang barangay, kung saan masusing ipinaliwanag sa mga taxpayers ang kahalagahan ng pagbabayad ng buwis, kabilang na kung saan napupunta ang mga ponding nalilikom at kung paano nakikinabang ang lahat dito. Ipinaalam din sa kanila na may kaukulang share ang barangay at ang provincial government kung saan matatagpuan ang property. 

D. Distribusyon ng Tax Bill

Tuluy-tuloy din ang Treasury Office sa distribusyon ng mga tax bill sa iba't-ibang barangay. Sa mga nakaraang linggo, sila ay lumibot sa Brgy. Duera, Sapang, Mangayao, Bongato West, Buenlag 1st at 2nd, Pugo, Wawa, San Vicente, Pantol, at Sancagulis.

E. Cattle Branding sa Iba't-Ibang Barangay

Tuluy-tuloy ang cattle branding sa iba't-ibang barangay, at sa nakaraaang linggo, ang Treasury ay nag-ikot sa 17 na barangay, kung saan may 243 na baka ang nairehistro. Sa mga nais magparehistro ng kanilang mga alagang baka, maaaring magpa-schedule sa tanggapan ng Treasury.

F. Home Service para sa Senior Citizens

Labis na ikinatuwa naman ng mga senior citizens ang 'di na pagpunta sa Munisipyo para kumuha ng cedula, dahil sila ay nabigyan ng cedula sa pamamagitan ng home service para na rin sa kanilang kaligtasan at kalusugan. Ito ay ibinibigay na serbisyo sa mga maysakit, bedridden, may kapansanan, at walang kakayahan na magpunta sa Munisipyo para kumuha ng mga kaukulang dokumento.  

LEGISLATIVE WORK

HEALTH

Blood Drive sa Carungay, Nagtala ng 91 Donors

Nagtala ng 91 successful donors ang ginanap na Community Blood Donation Drive noong June 6 sa Carungay Covered Court, sa pagtutulungan ng RHU I, RHU II, at RHU III sa ilalim ni Dr. Roland Agbuya at Philippine Red Cross - Dagupan Chapter. Ito ang kauna-unahang blood donation drive na ginanap sa RHU III, at mayroong 100 na katao ang nagregister. Gaya ng mga nakaraang bloodletting drive sa bayan, nagpamigay ang Kasama Kita sa Barangay Foundation ng mga T-shirt at merienda. Ayon sa mga donors, masaya sila dahil nailapit sa kanilang barangay ang mobile blood donation drive sa araw na iyon.

Dental Services, Muling Dinala ng RHU II sa mga Barangay

Muling sinimulan ang paghatid ng dental health services sa mga barangay para sa mga buntis, bata, at nangangailangan ng serbisyong pangdental sa pangunguna ni Rural Health Unit II Dental Consultant, Dr. Alma Arenas Bandong, at sa tulong ng LGU, ni RHU II head Dr. Adrienne Estrada, at ng mga midwife ng barangay. Nabigyan ng serbisyo ang Brgy. Pantol noong June 2 at Brgy. Managos noong June 9 para sa oral health education, check-up, at fluoridization. Nabigyan din ng giveaways ang bawat kliyente sa mga nasabing barangay.

MNAO at DSWD Feeding Collaboration para sa 4Ps

Noong June 9, nakipag-ugnayan ang Nutrition Office sa Department of Social Welfare and Development upang mamahagi ng food items sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may undernourished children. Sa pamamagitan nito ay natututukan ng husto ang kalusugan ng mga kabataang Bayambangueño na mas nangangailangan.

Dr. Agbuya, Nagsagawa ng Consultative Meeting

Noong May 5, nagconduct si Rural Health Physician Dr. Roland Agbuya ng isang consultative meeting kasama ang mga barangay officials, Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Service Point Officers (BSPOs), at Barangay Nutrition Scholars (BNSs) ng RHU III sa Brgy. Carungay. Ito ay upang madagdagan ang kaalaman ng mga naturang opisyal ukol sa iba't ibang health services na hatid ng LGU-Bayambang sa pamamagitan ng ating mga Rural Health Units. Noong June 16, ang consultative meeting ay muling isinagawa sa RHU IV sa Brgy. Macayocayo kasama sina Dra. Paz Vallo at Dr. Dave Francis Junio.

RHU III, Nakiisa sa TB at HIV Testing ng Provincial Hospital

Noong June 28, nakiisa ang Rural Health Unit III sa aktibidad ng Pangasinan Provincial Hospital para sa TB at HIV counseling, screening, at testing, na ginanap sa Carungay Covered Court. Ito ay dinaluhan ng 24 na TB patients na kasalukuyang ginagamot sa RHU III. Tinalakay dito yung tungkol sa TB at HIV co-infection, kung saan binigyang-diin ang importansya ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman ukol sa dalawang sakit na ito at ang halaga ng pagpapatest ng HIV sa lahat ng mga TB patients.

PAALALA: Mayroon po Tayong Libreng Pagpapaanak sa RHU I at II

Tuluy-tuloy ang libreng pagpapaanak sa RHU I para sa mga regular na nagpacheck-up sa RHU I at II. Bukas ang mga ito 24/7 maliban kung holiday. Ayon sa Municipal Health Officer, ang RHU I ay nakapagpaanak ng 7 na sanggol nitong buwan ng Hunyo 2022.

EDUCATION

KKSBFI, Sinagot ang Gastusin ng mga School Principal sa Training at Conference

Sa pagpupulong ng Local School Board noong June 8 sa Niña's Café, napag-usapan ang problema ukol sa pondo para sa mga school principal sa kanilang nakaschedule na Principals' Training and Development Program at National Board Conference. Napagkasunduang sasagutin ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc., sa pamamagitan ni Mayor Cezar Quiambao, ang naturang gastusin na nagkakahalaga ng P336,000. Ang 3-day event na gaganapin sa Iloilo City sa June 28 to 31 ay lalahukan ng 28 school principals ng Bayambang.

Basista CDWs, Nag-Lakbay Aral sa Bayambang 

Noong June 14, nag-Lakbay Aral sa Bayambang ang Child Development Workers (CDWs) mula sa MSWDO ng bayan Basista. Sila ay bumisita sa tatlong Child Development Centers -- ang CDC ng Brgy. Hermoza, Malioer, at Carungay -- upang kumalap ng mga ideya para mas mapaunlad pa ang kanilang kaalaman bilang CDWs at ang kanilang implementasyon ng Early Childhood Care and Development Program sa bayan ng Basista. Kabilang sa 14 na bumisita ang kanilang Focal Person on Child and Youth Affairs na si Alexander A. de Vera.

Library & Museum, Muling Nag-Storytelling Session 

Nag-storytelling session ang Municipal Library Office at Museum Office sa Sitio Balangobong, Brgy. Tambac noong June 22, sa pangunguna ni Municipal Librarian, Leonarda Allado, at Museum Consultant, Gloria de Vera-Valenzuela. Sila ay nagkwento sa may sampung 4 to 6 years old na indigent na kabataan kasama ang retired teacher na taga-Tambac na si Gng. Fredora Victorio. Sa tulong ng DSWD at Kasama Kita sa Barangay Foundation, ang grupo ay nagdonate ng mga papel, lapis, at krayola sa mga bata, pati na snacks mula kay Gng. Victorio. Namigay naman ng mga mesa at upuan na pambata si Mayora Niña Jose-Quiambao.

LIVELIHOOD & EMPLOYMENT

Quinto, Inappoint Bilang Bagong PES Officer

Noong June 6, inappoint ni Mayor Cezar Quiambao si Joseph Anthony Quinto bilang bagong Public Employment Services Officer. Si G. Quinto ay ang tumatayong Municipal Environment and Natural Resources Officer at ang Officer-in-Charge ng Office of the Special Economic Enterprise.

80 Kabataan, Dumalo sa SPES Orientation

Noong araw ding iyon, nagkaroon ng orientation ukol sa Special Program for the Employment of Students (SPES) ng DOLE para sa taong kasalukuyan, sa pag-oorganisa ni OIC PESO Manager Joseph Anthony Quinto kasama ang kanyang staff noong sa Pavilion 1 ng Saint Vincent Ferrer Prayer Park. May 80 kabataang Bayambangueño ang naging bagong benepisyaryo ng SPES at pinangunahan naman ni Gng. Lizlee C. Puzon ng DOLE-Dagupan ang orientation. Aniya, P492.25 ang magiging minimum rate per day ng mga SPES beneficiaries, at sa loob ng 20 araw ng trabaho, ang bawat isa ay makakatanggap ng P9,845. Ang mga bagong hire ay nakadeploy ngayon sa iba't ibang opisina ng LGU.

Job Fair, Isinagawa bilang Parte ng PSU Centennial 

Noong June 30, daang-daang aplikante ang dumalo sa isinagawang job fair ng  Pangasinan State University - Bayambang Campus sa Benigno Aldana Gymnasium, katuwang ang Bayambang Public Employment Services Office (PESO), bilang parte ng pagdiriwang ng centennial anniversary ng PSU. Dito ay naging kinatawan ni Mayor Cezar Quiambao si OIC Municipal Employment and Services Officer Joseph Anthony Quinto. May 16 local at 3 overseas employers ang lumahok sa job fair na ito, na dinaluhan naman ng 352 applicants, kung saan 366 applications ang nag-qualify, 35 na applicants ang hired on the spot at 109 katao ang near-hires.

OTHER SOCIAL SERVICES

Bagong Senior Citizen Barangay Presidents, Hinalal

Noong June 30, nag-oathtaking ang mga hinalal na mga Senior Citizen Barangay President mula sa lahat ng 77 barangays sa Bayambang sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park. Ang aktibidad na ito ay inorganisa ng Federation of Senior Citizens Association of Bayambang sa pamumuno ni Eligio Veloria, sa superbisyon ni MSWD Officer Kimberly Basco. Naging inducting officer naman si Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brillante Jr.

CDWs, Pinarangalan at Nagtagisan 

Sama-samang ipinagdiwang ng 77 Child Development Workers (CDWs) ng Bayambang ang CDWs' Week 2022sa Events Center noong June 8, sa inisyatibo ni MSWD Officer Kimberly Basco at ng kanyang buong team. Dito ay iginawad sa mga CDW ang kani-kanilang sertipiko matapos ang halos isang taon na puspusang seminar sa PSU Laboratory Integrated School. Tumanggap rin ang 40 na CDW ng Recognition of Loyalty Award para sa kanilang mahabang taon na pagseserbisyo. Naroon bilang kinatawan ni Mayor Cezar Quiambao si Vice-Mayor Raul Sabangan, naagpahayag ng handog ng LGU na additional incentives at clothing allowance para sa mga CDW. Nagkaroon kinahapunan ng "Search for Gandang CDW 2022," na hindi inurungan ng mga naggagandahan at mga talentadong CDW, kung saan kinoronahan bilang kampeon si Belinda Sue Swafford ng Brgy. Alinggan.

Kasalang Bayan sa Buwan ng Hunyo

Isang memorableng Kasalang Bayan ang muling inihatid ng LGU Bayambang sa pag-oorganisa ng Local Civil Registry Office para sa mga magsing-irog noong June 10 sa Balon Bayambang Events Center. May 85 na magkasintahan ang pinag-isang dibdib ni Mayor Cezar Quiambao na siyang tumayong solemnizing officer, sa harap ng kani-kanilang mga magulang, ninong at ninang, at malalapit na kaibigan. Kasama sa mga sponsors sina Mayora Niña Jose-Quiambao, Vice-Mayor Raul Sabangan, Vice-Mayora IC Sabangan, at mga Municipal Councilors. Katulad ng dati, ang bawat pares ay tumanggap ng iba't ibang regalo mula sa LGU at mga official sponsor, na siya ring naghatid ng mainit na pagbati at payo para sa mga bagong kasal.

MANGOs, Muling Naghatid ng Tulong sa Muslim Community

Tuluy-tuloy ang good works ng Municipal Association of NGOs sa Bayambang. Noong June 11, sila ay nagtungo sa Muslim community sa Barangay Telbang upang maghatid ng mga serbisyong supplementary feeding, free haircut para sa mga bata, at donasyon ng stand fan para sa kanilang madrasa o children's school. Kasama ni MANGO President Vilma Dalope ang kapwa miyembro mula sa Xtreme Riders' Club of Bayambang, Bayambang Bayanihan Lions Club International, at LGBTQI Association of Bayambang, sa pakikipagtulungan ni Telbang Punong Barangay Carlos Sta. Teresa, at with special participation of Vice-Mayora Ian Camille 'IC' Sabangan.

BNHS Batch '90, Muling Tumulong sa Feeding Program

Muling nagsagawa ng supplementary feeding activity ang Bayambang National High School Class of 1990, sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Nutrition Action Office (MNAO) at barangay officials. Noong June 11, sila ay naglibot sa Brgy. Sancagulis, Sanlibo, Caturay, Inirangan, Reynado, at Zone IV, dala-dala ang biniling masusustansyang food items mula sa pondong nalikom ng batch sa kanilang mga miyembro, kabilang ang mga nakabase abroad. Ang mga ito ay ipinamahagi sa 79 undernourished children na naitala ng MNAO sa mga nabanggit na barangay.

Isa na namang Pahayag ng Pasasalamat

Isang pamilyang Bayambangueño ang muling nagpapahayag ng taos-pusong pasasalamat sa pamilya Quiambao at sa Mayor's Action Center dahil sa tulong na ibinigay sa kanila sa pagpapagamot sa sakit sa puso ng kanilang munting kapamilya sa Philippine Heart Center sa Maynila. Ayon kay Gng. Noime Francisco Lao ng Brgy. Apalen, ang "little heart warrior" ng kanilang pamilya na si Klea Kate ay matagumpay na sumailalim sa operasyon at kasalukuyan nang nagpapagaling.

Dalawang Centenarian, Tumanggap ng Cash Gift

Nakatanggap mula sa Office of the President ang dalawang centenarian mula sa Bayambang ng “centenarian gift” noong June 17, alinsunod sa Centenarians Act of 2016. Sa pangunguna ng DSWD at MSWDO, ang mga nakatanggap ng nasabing cash gift na nagkakahalaga ng P100,000 ay mula sa Barangay Caturay at Manambong Parte. Ang cash gift ay tinanggap ng kanilang mga kaanak matapos pumanaw kamakailan ang dalawang centenarian. Mayroong tatlo pang benepisyaryo na dadaan sa validation para makatanggap din ng cash gift.

Lions Club Garage Sale

Ang Bayambang Bayanihan Lions Club (BBLC) ay naglunsad ng isang garage sale na tinaguriang "Pre-Loved Goals" noong June 19, sa Brgy. Magsaysay, para lumikom ng pondo para sa kanilang charity fund.

Ang grupo na pinamumunuan ng kanilang President na si Engr. Eulito Junio ay nagbenta ng iba't-ibang pre-loved o ukay items, at ang nalikom na kita ay mapupunta sa gagastusin para sa isang bloodletting activity sa July 10, 2022, kung saan magkakaroon ng free blood sugar screening, at isang feeding program, free eye check-up, at distribusyon ng free vitamins, kasama ang Bayambang Municipal Association of NGOs (MANGOs), kung saan miyembro ang Lions Club.

PEACE AND ORDER & PUBLIC SAFETY

CCTV Seminar para sa POSO Operators at Technicians

Noong June 2 at 3, nagkaroon ng CCTV Seminar para sa dalawampung CCTV operators at CCTV technicians ng POSO na ginanap sa Royal Mall. Naging tagapagsanay si G. Joel Doliente ng Kasama Kita sa Barangay Foundation. Layunin ng training na maiangat ang antas ng kaalaman ng mga POSO staff tungkol sa CCTV gaya ng simpleng pagto-troubleshoot, kabilang ang voltage measurement, continuity test, part substitution, at tightening of screws and nuts. Nagkaroon din ng aktuwal na pagsubok sa kanilang mga natutunan, at sila ay nabigyan ng Certificate of Competency pagkatapos nilang pumasa.

Area Security at Crowd Control, Mahigpit na Ipinatupad ng PNP at POSO 

Sa opening ng DENR Month Celebration noong June 13 to 15 na ginanap sa Bayambang, mahigpit na ipinatupad ng POSO at PNP ang seguridad at kaligtasan ng lahat ng dumalo sa pamamagitan ng area security at crowd control. Sa maiksing programa at sportsfest competition, kabilang na ang friendly match kasama ang mga miyembro ng Bayambang Lady Warriors, nakaantabay din ang ambulansya at mga lay rescuer upang makapagbigay ng paunang lunas sa mga insidente ng injury sa mga manlalaro.

POSO, Force Multiplier din sa Private Events

Noong June 19, pinaigting ng Public Order and Safety Office (POSO) ang seguridad sa pagdiriwang ng kaarawan ng pambansang bayani na si Gat. Jose P. Rizal ng mga myembro ng Munting Paraiso ng Dios Padre Eterno na galing sa bayan ng Urbiztondo, Pangasinan. Sa munting programa sa Rizal Monument kung saan nag-alay ng panalangin at awiting papuri ang mga miyembro bilang pag-alala sa mga katangi-tanging nagawa ng ating pambansang bayani, ang presensiya at paggabay ng POSO ay nagresulta sa isang mapayapa at matagumpay na aktibidad.

POSO Traffic Enforcers, Muling Nagpamalas ng Katapatan

Muli na namang nagpamalas ng katapatan ang mga miyembro ng POSO. Kamakailan ay may naiulat ang isang establisimyento ukol sa isang bisikleta na tatlong araw nang naiwan sa kanilang harapan. Ang insidente ay inireport ng POSO at ang mountain bike ay dinala sa presinto ng pulis at inilipat sa kanilang pangangalaga. Matapos maiulat ang pagkawala nito sa social media, ito ay clinaim ng may-ari noong June 29. Nagpakita rin ng katapatan ang isa pang miyembro ng POSO sa pamamagitan ng pagsasauli ng isang cell phone na kanyang napulot sa harap ng Bayambang Commercial Strip. 

TOURISM, CULTURE & ARTS

124th Independence Day, Ipinagdiwang 

Sa temang, "Pag-Usong sa Hamon ng Panibagong Bukas," ginunita ng LGU Bayambang ang ika-124 na Araw ng Kalayaan noong ika-12 ng Hunyo sa harap ng munisipyo sa pangunguna ni Mayor Quiambao at iba pang mga opisyal at sa pag-oorganisa ng Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office. Sa maikling seremonya, sinariwa sa alaala ng mga Bayambangueño ang kabayanihan ng ating mga kapwa Pilipino na ipinaglaban ang kalayaan ng bansa mula sa mga dayuhan. Ang pagdiriwang na ito ay alinsunod sa direktiba ng DILG na ipaalam sa bayan ang kahalagahan ng yugtong ito sa ating kasaysayan.

Museum Update

Patuloy ang pagpupulong ng komiteng naatasan para sa ipinapatayong Municipal Museum, sa pangunguna ng Museum Office at Tourism Office, noong June 14 sa Municipal Annex Conference Room. Sa pagkakataong ito, kasama ang consultant na si Marie Denise Ursua Abella, isang Urban Designer na Regeneration Specialist na graduate ng Oxford Brookes University, UK, at tubong Bayambang. Dito ay nagkaroon muli ng talakayan, kasama ang iba pang consultants, upang mafinalize ang magiging mga exhibit at interior design ng naturang museo.

AGRICULTURAL MODERNIZATION

Goat Dairy Farm sa Mangayao, Operational Na

Nagbukas na ang goat dairy farm sa Brgy. Mangayao matapos mailipat mula sa Brgy. Hermoza ang mga milking goat na handog ng opisina ni Senator Cynthia Villar sa tulong ng National Dairy Authority. May mga 47 na kambing na Anglo-Nubian breed ang aalagaan ng mga caretaker na taga-Brgy. Mangayao, at ang mga ito ay palalakihin sa pasilidad na ipinagawa ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. Kaugnay nito, nagbigay ng briefing ang dairy farm consultant na si Sammy Lomboy Jr. sa mga caretaker. Ayon sa kasunduan, ang Mangabul Seed Growers and Marketing Cooperative ang magmamanage ng farm, sa tulong ng veterinarian ng Agriculture Office at Bayambang Poverty Reduction Action Team. Sa kalapit na lupain din itatanim ang magiging feeds na mollato at corn seeds. Kaugnay nito ay nagdonate si Mayor Quiambao ng isang silage machine upang mapadali ang produksyon ng naturang feeds.

Binhing Palay, Muling Ipinamahagi

Noong June 2, isa na namang truckload ng inbred rice seed allocation ang hinakot ng LGU para sa ating mga magsasaka mula sa Department of Agriculture-Region I para sa wet season farming ngayong taon. May apat na varieties ng inbred rice seeds ang idineliver, at sa kabuuan ay mayroong 2,230 bags ang hinakot kung saan may 20 kg ng binhi kada bag. Ang naturang alokasyon ng mga binhi ay kasya sa 1,115 ektarya ng lupaing sakahan. Ang kargamento ay nakakahalaga ng humigit-kumulang na ₱1,605,600.

MAO, Patuloy ang Pag-Assist para sa Crop Insurance

Nagsimula nang umikot sa mga barangay ang Municipal Agriculture Office para i-assist ang mga magsasakang Bayambangueño sa pag-aapply para sa crop insurance at life insurance. Layunin nitong maprotektahan ang mga magsasaka sa pinsala ng mga natural na kalamidad tulad ng mga bagyo at peste.

ECONOMIC DEVELOPMENT

Battery Manufacturing Facility, Itatayo sa Bayambang! 

Sa araw ng inagurasyon ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III sa Sison Auditorium, Lingayen, noong June 29, pinirmahan ng gobernador ang isang Memorandum of Agreement kasama ang Gr8 Seas Holdings Inc. -- isang US-based technology company, at SAHI Technologies, na magdadala sa bayan ng Bayambang ng isang manufacturing facility ng EV Charging Stations, Lithium Ferro Phosphate Batteries, at Battery Energy Storage Systems. Tinatayang nasa $40-million ang investment na ito ng kumpanya para sa probinsya na magdadala ng daan-daang trabaho para sa mga Bayambangueño at Pangasinense. Kasama sa pagpirma si outgoing Mayor Cezar Quiambao, at si Mr. Jorge Yulo mula sa 1Document Corporation, kasama si Mayor Niña Jose-Quiambao, Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, at ang mga Konsehal ng bayan.

INFRASTRUCTURE DEVELOPMENT

San Gabriel FMR Project, Inisyuhan ng NOL2

Noong June 16, ibinigay ng National Project Coordination Office ng Department of Agriculture - Philippine Rural Development Project ang No Objection Letter II (NOL II) sa LGU, hudyat na maaari nang magproceed ang konstruksyon para sa "Improvement of San Gabriel Farm-to-Market Road with Bridge" project. Kinabukasan ay nag-issue agad ang Special Bids and Awards Committee ng Notice of Award sa winning bidder na Christian Ian Construction Corp. para sa total contract price na P107,932,093.15.  Kaugnay nito ay nagdaos ng pulong ukol sa pre-implementation phase ng proyekto, partikular na ang 3-day training ng Municipal Project Management Implementing Unit, Barangay Implementing Team, at Citizens' Monitoring Team. 

Pre-Construction Conference para sa San Gabriel Road Project

Noong June 22 hanggang 24, ginanap ang tatlong araw na Pre-Construction Conference para sa proyektong "Improvement of San Gabriel II Farm-to-Market Road with Bridge," isang kolaborasyon sa pagitan ng LGU, DA-PRDP, at World Bank. Naroon sa San Gabriel II Elementary School Covered Court ang mga miyembro ng Management and Implementing Unit ng LGU kasama ang mga kinatawan ng Project Support Office ng Regional Project Coordination Office ng PRDP para magbigay ng kinakailangang impormasyon. Kabilang sa mga paksa ng talakayan ay nakatuon sa aspeto ng procurement, geomapping, social and environmental safeguards, at monitoring and evaluation.

Update sa construction  ng JKQ Medical and Wellness Center

Transition to Solar, Tuluy-Tuloy

Ang Engineering Office sa pangunguna ng electrical team ni Engr. Rudyfer Macaranas ay nag-trim ng mga punongkahoy at nag-install ng solar street lights sa kahabaan ng lumang Central School sa national road (Rizal Ave.). Ito ay parte ng dahan-dahang transition ng munisipalidad sa pag-adopt ng solar energy, ayon sa utos ng national government base sa RA 11485.

ONGOING | Construction of Barangay Health Center at Brgy. Tococ East under 2022-20% Development Fund

ONGOING | Construction of Barangay Health Center at Brgy. Alinggan under 2022-20% Development Fund

1st Semester Municipal Development Council Meeting 

Noong June 20, ginanap ang Municipal Development Council (MDC) Meeting sa Balon Bayambang Events Center sa pag-oorganisa ng Municipal Planning and Development Coordinator. Dito ay iprinisenta ang mga Accomplishment Report ng LGU para sa 20% Development Fund, 5% Gender and Development Fund, at 5% DRRM Fund para sa taong 2021 at 1st Quarter ng 2022, ang Presentation of Approval of Infrastructure Plan for 2023-2025, at ang Barangay Annual Investment Programming for 2023. Sa diskusyon ay na-update sina outgoing Mayor Cezar Quiambao, incoming Mayor Niña Jose-Quiambao, at ang nagbabalik na Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino, sa mga ongoing infrastructure at social development projects sa mga barangay at ang mga kasalukuyang pangangailangan sa imprastraktura.

Sa Wakas: Contract Signing para sa PRDP Project

Ginanap noong June 21 ang contract signing sa pagitan ng LGU-Bayambang at ng Christian Ian Construction Corp., ang winning contractor, para sa construction project na "Improvement of San Gabriel Road with Bridge" sa ilalim ng Philippine Rural Development Project ng Department of Agriculture at World Bank. Dumalo sa Mayor's Conference Room ang lahat ng personalidad na involved sa pagproseso ng mga kaukulang dokumento para sa proyekto, sa pangunguna ni Mayor Cezar Quiambao, hanggang sa maaprubahan ito ng ahensya. Matatandaang anim na taon ang lumipas para makumpleto ang lahat ng kinakailangan para sa proyektong ito, kung saan ginastusan ni Mayor Quiambao ang feasibility study at engineering design.

ONGOING | Desilting/Declogging of Drainage at Quezon Blvd., Poblacion Sur and Lower Cadre Site

ONGOING |Installation of Solar Panels Off-Grid at Brgy. Reynado Police Community Precinct under 2022 20% Development Fund

Completed | Renovation of ICT Office, Mayor’s Office, at Administrator’s Office

ENVIRONMENT

Preparation para sa Tree Planting

Nagtungo ang ESWMO at mga kinatawan ng Engineering, Agriculture, at Assessor’s Office noong June 9 sa Pangasinan State University Campus na parte ng Brgy. Bical Norte upang tumulong sa empleyado ng DENR Region 1 para ihanda ang pagtatanimang lupa bilang preparasyon sa nakatakdang Tree Planting Activity sa June 14 ng DENR Region I, kasama ang LGU at PSU-Bayambang. Nagbigay naman ng kasangkapan para sa naturang aktibidad and CSFirst Green.

Mayor CTQ, Panauhing Pandangal sa DENR-Pangasinan 35th Anniversary

Naging panauhing pandangal si Mayor Cezar Quiambao sa opening ceremonies ng DENR-Pangasinan para sa 35th anniversary celebration ng ahensya na ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong June 13. Ang pambungad na programa na kinabilangan ng parade of colors, cheering competition, at volleyball competition. Binati ni Mayor Quiambao ang mga bisita, kabilang na ang mga environment and natural resources officer ng iba’t-ibang lungsod at bayan, at kinilala ang kanilang mahalagang papel bilang mga sundalo ng kalikasan.

Tree-Planting para sa Environment Month

Bilang parte ng pagdiriwang ng Philippine Environment Month, nakiisa ang LGU sa tree-planting activity ng DENR Region I, sa pangunguna ng ESWMO, kasama ang Agriculture Office, MDRRMO, PNP-Bayambang, at PSU-Bayambang Campus. Ang aktibidad ay ginanap sa likod ng PSU campus na sakop ng Brgy. Bical Norte. May 300 na puno ng narra ang itinanim, at inaasahang magiging isang kagubatan ang lugar na ito sa loob ng sampung taon.

Info Campaign ukol sa Solid Waste Act, Nagpatuloy

Nagpatuloy ang Solid Waste Management Office sa ilalim ni Bayambang MENRO Joseph Anthony Quinto sa information, education and communication campaign nito ukol sa Republic Act 9003 o mas kilala sa tawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Noong June 16 sa Barangay San Vicente Covered Court, tinipon ang mga residente sa District 1 upang makinig sa mga paliwanag ng ESWMO, partikular na sa papel ng barangay sa solid waste management, ang pagtapon ng basura mula sa kabahayan, backyard composting, toxic waste disposal, law enforcement, at MRF maintenance and management. Kabilang sa mga naging tagapagtalakay ang mga Solid Waste officials na sina Luz Cayabyab, Eduardo Angeles Jr., at Reny Junio at si PAO Chief, Atty. Gle-cee Macaranas. 

MANGOs' Monthly Clean-Up Drive Goes to Magsaysay St. up to Bical Norte

Noong June 26, ang Bayambang Municipal Association of NGOs (MANGOs) ay muling nag-clean-up drive bilang parte ng kanilang buwanang aktibidad, at sila ay naglinis sa kahabaan ng Magsaysay St. hanggang Bical Norte Rd. pinangunahan ang aktibidad ng presidente ng Xtreme Riders Club Pangasinan, at kinabilangan ng Fraternal Alliance of Bayambang, Tau Gamma Phi, United Ilocandia, Samahang Ilokano, at Brgy. Magsaysay officials, with special participation of Vice-Mayor Ian Camille Sabangan. Nagpapasalamat ang MANGOs sa Kasama Kita sa Barangay Foundation at Niña Cares Foundation sa pag-sponsor ng snacks at drinks ng mga NGO volunteers.

ESWMO, Nag-Tree-Planting sa MRF

Bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Environment Month 2022, ang ESWMO-Bayambang ay nag-tree-planting sa paligid ng Materials Recovery Facility o MRF sa Barangay Telbang. Kabilang sa mga nagtanim ng mga puno ng narra ang mga sweepers, sorters, collectors, at enforcers ng ESWMO. Aalagaan at imo-monitor ang mga itinanim na puno upang tiyak na makatulong ito sa pagpapayabong ng ating kalikasan. Nauna nang mag-information campaign ang naturang opisina bilang bahagi ng selebrasyon at imulat ang mga Bayambangueño ukol sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng disiplina at maayos na waste disposal. 

DISASTER RESILIENCY

Webinar ukol sa San Roque Dam 

Inimbitahan ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Genevieve U. Benebe ang lahat ng municipal at barangay DRRM Council members noong June 2 sa Balon Bayambang Events Center upang umattend ng inter-agency webinar ukol sa San Roque Dam. Kabilang sa information-education campaign na ito, gamit ang Zoom video, ang Pangasinan Provincial DRRMO, Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), San Roque Power Corporation, at National Power Corporation. Layunin ng IEC na ito na maunawaan ng lahat ang kahalagahan ng San Roque Dam at magkaroon ng sapat na ideya ang bawat Bayambangueño kung ano ang dapat gawin kung sakaling magkaroon ng hindi inaasahang sakuna kaugnay nito.

Rapid Assessment sa Nasalantang Kabahayan 

Nagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA ang MDRRMO kasama ng Barangay DRRMC sa Brgy. Macayocayo noong June 2 upang ivalidate ang kalagayan ng mga residenteng nawalan ng bubong at mga natumbang puno roon sanhi ng malakas na ihip ng hangin. Pagkatapos ng validation ay namigay ng 2 galon ng alcohol, 2 galon ng liquid hand soap, 2 galon ng disinfectant solution at 30 piraso ng face mask para sa Barangay Macayocayo na tinanggap naman ni Kapitan Mario G. Cariño.

Mga Kawani ng LGU, Lumahok sa 2nd Quarter NSED 

Sabay-sabay na nag-"duck, cover, and hold' ang mga nakiisa sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill, sa pag-oorganisa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) noong June 9 sa iba’t-ibang lugar sa Bayambang, kabilang na ang mga taga-Magsaysay St. Sa ikalawang quarter na ito ay inimbitahang sumali sa unang pagkakataon ang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa Municipal Annex Bldg., bukod pa sa dati nang kasali tulad ng mga public at private elementary school at high school, mga opisyales ng barangay, at mga daycare centers. Ang regular earthquake drill na ito ay nakabase sa Implementing Rules and Regulations batay sa R.A. 10121, kung saan nakasaad ang pagsulong sa public awareness para maiwasan ang pagpanic ng publiko at maging alerto sa oras ng hindi inaasahang pagyanig. May 12,259 na katao ang naitala ng MDRRMO na matagumpay na nakipagpartisipa.

Piling Staff ng LGU, Sumailalim sa ICS I 

Sumailalim sa Basic Incident Command System Training o ICS I ang iba't-ibang staff mula sa mga departmento at unit ng LGU noong June 22 hanggang 24 sa Ariel and Fe Resort, Brgy. Tambac. Ang training ay inorganisa ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, at ang mga trainors ay galing sa Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council. Ang training ay nakatuon sa  pagbibigay ng kaalaman ukol sa papel ng LGU departments sa pagresponde sa anumang insidente ng sakuna sa simple man o malakihang aktibidad, gaya ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan at town fiesta celebrations.

AWARDS & RECOGNITIONS

License to Operate, Iniaward sa RHU II Pharmacy

Iniaward ng Department of Health - Food and Drug Administration ang License to Operate sa RHU II Pharmacy. Ang pagkakaroon ng isang rehistradong pharmacy ay isa sa mga requirement para sa application ng RHU II na magkaroon ng tinatawag na e-konsulta. Iniaward ang License to Operate noong June 7, 2022.

LGU, Pasadong Muli sa Child-Friendly Local Governance Audit para sa 2019

Ang LGU-Bayambang ay pasadong muli sa audit ng DILG para sa Child-Friendly Local Governance sa taong 2019. Ito ay matapos mag-comply ang LGU sa mahabang checklist ng requirements, salamat sa pagpupursige ng lahat, partikular na ang mga miyembro ng Local Council for the Protection of Children, sa mabuting pamumuno siyempre ng Team Quiambao-Sabangan. 

Sancagulis, Ginawaran ng SGLG for Barangays 

Ginawaran ang Brgy. Sancagulis ng Bayambang, sa pamumuno ni Punong Barangay Marcelo Caniezo, ng Seal of Good Local Governance sa isang pilot assessment ng Department of the Interior and Local Government para sa mga piling barangay nationwide. Ang Sancagulis ay isa sa 549 lamang na passers sa pinakamataas na pagkilalang ito na iginagawad ng national government sa mga LGUs. Ngayon ay nasa tatlong lebel na ang SGLG conferment: provincial, city/municipal, at barangay.

Coun. De Vera, Pinarangalan ng Rotary Club

Ginawaran ng Leadership Award ng Rotary International si Municipal Councilor Benjamin Francisco 'Benjie' de Vera sa Year-End Review ng organisasyon na ginanap noong June 18 sa Best Western Metro Clark, Angeles City, Pampanga. Tinanggap ni Konsehal de Vera ang pagkilalang ito bilang kasalukuyang presidente ng Rotary Club of Bayambang. Ang Rotary Club of Bayambang ay isa sa mga katuwang ng LGU mula sa pribadong sektor sa pagbibigay suporta upang tuluy-tuloy ang pagsulong ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan. Sa naturang event ay pinarangalan din ang Rotary Club of Bayambang bilang isang grupo dahil sa mga proyekto nito ng pagbibigay serbisyo sa iba't-ibang larangan para sa komunidad.

Healthy Pilipinas 2022 Citation: National Award mula DOH

Noong June 30, dumating ang tropeyo na napanalunan ng LGU-Bayambang sa "Healthy Pilipinas" online contest ng DOH sa taong ito. Ang award na ito ay patunay ng husay na ipinamalas ng ating health department pagdating sa implementasyon ng wastong nutrisyon dahil na rin siyempre sa buong suporta ng Team Quiambao-Sabangan. Tinanggap ang naturang tropeyo na mula pa sa national DOH office nina RHU 1 nurse Mark Darius Gragasin at Municipal Nutrition Action Officer Venus Bueno. Isa ang Bayambang sa lima lamang na nanalo sa nasabing kategorya kung saan ang LGU ay nakipagsabayan sa mga siyudad ng Tandag sa Surigao del Sur at sa Quezon City.

No comments:

Post a Comment