Saturday, June 11, 2022

Speech for 124th Philippine Independence Day

 Date: June 12, 2022

Venue: Municipal Plaza

Time: early morning


Speech for 124th Philippine Independence Day


Tema: "Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas"


Narito tayong muli ngayon upang ipagdiwang ang Pambansang Araw ng Kalayaan. Nagkataong pumatak ito sa araw ng Linggo kaya't alam kong malaking sakripisyo ito para sa lahat. Subalit di natin ito inaalintana sapagkat napakaliit na bagay ito kumpara sa hirap at sa mismong buhay na ibinuwis ng ating mga bayani.


Isang karangalan pa nga ang ganapin ang pagdiriwang na ito sapagkat ang Bayambang ay maituturing na kanlungan ng mga magigiting na bayani dahil tayo as isang bayan ng mga rebolusyunaryo.


Hindi dapat natin kalimutan kailanman ang nasusulat sa ating kasaysayan bilang isang bayan.


Hindi maiaalis na ang Bayambang ay mayroong "history of rebellion." Noong 1660, sumiklab sa baryo ng Manambong ang Andres Malong revolt laban sa mga Espanyol. 


Sumunod dito ay ang Juan dela Cruz Palaris revolt noong 1763.


Ang mga himagsikang ito ay kaagad na napuksa ng mga Espanyol at maraming Bayambangueño ang nagbuwis ng buhay.


Lingid sa kaalaman ng marami, dinayo din tayo ni Dr. Jose Rizal ng ilang beses noong 1880s papunta sa kanyang sinisintang si Leonor Rivera, na nakatira noon sa Camiling. Siya ay isang most wanted person noong mga panahong iyon. Ayon pa nga sa mga kwento ay mayroong siyang kaibigan dito na binibisita at pansamantalang tinuluyan.


Noong June 1898 naman, inilipat ni Heneral Antonio Luna ang Department of War ng pamahalaan sa Bayambang at dito siya nagkuta.


At noong Agosto 1899, isinulat ni Jose Palma ang liriko ng ating Pambansang Awit sa loob ng isang train coach sa may Bautista, na dating parte ng Bayambang. 


At noon na ngang November 12, 1899, idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Bayambang bilang pansamantalang kapitolyo ng Pilipinas. Dito nabuwag ang revolutionary army upang maging guerilla units laban sa mga mananakop na Amerikano. Sa ating Estacion ng Tren din naglimbag ang mga tumatakas na rebolusyonaryo ng isang issue ng official newspaper noon na "La Independencia." 


Sa araw ring iyon ibinurol sa ating simbahan ang labi ng anak ni Heneral Aguinaldo na si Flora Victoria na namatay sa gitna ng kanilang paglalakbay. 


Ayon sa research, pati na si Heneral Gregorio del Pilar ay naparito rin, subalit sa malungkot na dahilan: ang tugisin ang mga kasamahan ni Heneral Luna. Kaya naman laging nag-iistop-over ang Byaheng Tirad Pass o Heroes' Trek dito sa Bayambang taun-taon. 


Noong panahon naman ng Hapon, noong 1943, itinatag dito ng American military officer na si Col. Edwin Ramsey ang Eastern Central Luzon Guerrilla Area headquarters laban sa mga Hapon, kung saan maraming Bayambangueño ang tumulong sa kanya. Ang kanyang naging kanang kamay ay si Major Claro J. Camacho ng Barangay Nalsian. Ayon pa nga sa kwento, nakatakas si Col. Ramsey sa mga hapon sa pamamagitan ng pagtago sa isang taltagan (yung malaking bayuhan ng palay) sa barrio ng Inirangan. Hinahanap po natin ngayon ang bayuhan na yan. 


Alam ba ninyong nagtungo rin dito si President Ramon Magsaysay upang magdaos ng isang cabinet meeting sa Mangabul? Nagdonate din siya ng water-well pump para magkaroon ng maiinom na tubig ang ating mga kababayan. 


Kaya naman bukod sa istatwa ni Rizal at Aguinaldo ay mayroon din tayong istatwa ni Magsaysay sa Plaza.


Ating inaalala ang mga ito upang huwag nating kalimutan na tayo ay isang bayan na mahilig sa rebolusyon at tahanan ng mga bayani.


Uso pa rin po ang rebolusyon sa bayan ng Bayambang. Siyempre uso pa rin ang kabayanihan.


Kaya sa kasalukuyang panahon, hinihiling ko na ang lahat ay maging bayani o magpakabayani, sa pagkakataong ito, para naman sa tagumpay ng ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan. 


Isang makabuluhang Araw ng Kalayaan sa ating lahat.

No comments:

Post a Comment