Tunay na makasaysayan ang pagkakahalal ng dalawang kababaihan sa dalawang pinakamataas na posisyon sa ating bayan sapagkat ito ay kauna-unahan at magkasabay pa. At ayon sa obserbasyon ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo B. Bautista Jr., mukhang sila rin ang pinakabatang naupo sa puwesto. Malayung-malayo ito sa panahon na ang mga alkalde ay tinatawag na "Don," at di inaasahan kumpara sa sinaunang panahon kung saan ang mga babae ay walang karapatang bumoto at dapat ay nasa bahay lamang. Marahil ang malaking pagbabagong ito ay hudyat ng dahan-dahan ngunit diri-diretsong pag-angat ng antas at estado ng kababaihan sa ating bayan.
Kung sabagay, matagal-tagal na ring maraming kababaihan ang namamayagpag bilang pinuno sa ating bayan, mula kapitana, konsehala hanggang administrador at department at unit heads, at maging mga director, dean, supervisor, at principal ng mga paaralan. Sa ngayon, ang LGU, kabilang ang national government agencies, halimbawa, ay mayroong mga 19 na kababaihang namamahala at may mahahalagang papel.
Mga 1940s pa lamang diumano ay may nagtangka nang maging konsehala sa katauhan ni Gng. Sofia Martinez Ferrer at maaaring pati si Teting Roldan noong 1950s, subalit ang unang pinalad na maluklok ay si Priscila de Vera noong 1970 na siya ring naging number one councilor sa edad na 27 lamang. Ang unang naging kapitana naman ay si Gng. Norma Lomibao Cancino ng Brgy. Alinggan taong 1970 rin sa edad na19 taong gulang lamang. Ang pinakaunang appointed department head ng Munisipyo ay si Susan Menor ng Local Civil Registry noong 1990s. Ang unang babaeng Municipal Administrator naman ay si Atty. Rodelynn Rajini A. Sagarino noong July 2016.
Sa Bayambang din nanggaling
ang katulad nina Sr. Mary John Mananzan (founder ng Gabriela), Carmen Velasquez
(national scientist), at Luzviminda Camacho
(unang babaeng Commodore ng Philippine Navy).
Nangangahulugan
lamang ito na, bagamat may maliwanag na pagkakaiba ang lalaki at babae, hindi
lamang sa pisikal na aspeto, kundi maging sa sikolohikal man, 'di ito hadlang sa
mga nakararaming taga-Bayambang upang iatang ang mabibigat na
responsibilidad at katungkulan kaninuman, anuman ang kasarian.
Ngayon pa
lang ay magandang malaman kung papaano ang magiging istilo ng dalawang naturang
lider at gaano kaya ito naiiba sa kanilang mga sinundan. Nais nating masaksihang
lahat kung paano nila pabubulaanan ang mga iba’t-ibang kuru-kuro at haka-haka
ukol sa pamumuno ng kababaihan.
May
pagkakaiba man sa diskarte, sigurado naman tayong iisa ang kanilang hangarin:
ang maitawid ang bayan ng Bayambang sa nakagisnang kahirapan, sa lahat ng
lehitimong pamamaraan. Paano kaya nila
gagamitin ang kanilang pagiging babae upang ating patuloy na mapagtagumpayan
ang nasimulang Rebolusyon Laban sa Kahirapan ng Team Quiambao-Sabangan? Ating
abangan.
Samantala,
isang mainit na pagbati sa ating bagong alkalde, Mayora Mary Clare Judith
Phyllis ‘Niña’ Jose-Quiambao, at bise-alkalde,
Ian Camille ‘IC’ Sabangan!
Informants: Benjamin de Vera (Priscila de Vera); Municipal Budget Officer Peter Caragan (Priscila de Vera, Norma L Cancino, Susan Menor); Joey Ferrer (Sofia Martinez Ferrer, Teting Roldan)
No comments:
Post a Comment