LGU Accomplishments for May 2022
GOOD GOVERNANCE
KSB Team, Muling Bumisita sa Brgy. Nalsian Norte
Muling nagbalik ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan team sa Brgy. Nalsian Norte Covered Court upang paglingkuran ang mga mamamayan dito kasama ang mga residente ng Nalsian Sur at Tamaro noong May 6, 2022. Dito ay muling hinatiran ng mga empleyado ng munisipyo ang mga kababayan ng de-kalidad na serbisyo lalung-lalo ang mga nangangailangan ng serbisyong pangmedikal. Ang lahat ng serbisyong dinala ng Munisipyo sa kanila ay libre, dahil ang pagbaba ng mga basic services na ito ay isa sa mga layunin ni Mayor Cezar Quiambao sa pag-abot ng tagumpay sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan. Ang edisyong ito ng KSB ay may total registered clients na 667, ayon sa ulat ng overall coordinator na si Rural Health Physician, Dr. Roland Agbuya.
HALALAN 2022 | LGU at NGAs, Nagtulung-tulong para sa Matiwasay at Malinis na Halalan
A. Noong nakaraang May 6, nagsagawa ng pulong ang DILG, local IATF, MDRRM Council, at COMELEC sa Mayor's Conference Room upang siguraduhin na ligtas, malinis, at mapayapa ang magaganap na halalan. Itinaas sa Red Alert status ang lahat ng LGU responders upang magkaroon ng inter-operability ang lahat ng ahensya at makapagbigay ng quick response sa anumang di inaasahang insidente.
B. Pagdating ng Sabado, May 7, umikot ang DILG kasama ng MDRRMO, POSO, PNP, at RHU sa 54 na presinto upang i-assess ang mga lugar kung mayroong magagamit na sasakyan kapag nagkataong may emergency, kung may back-up generator, at upang makapaglagay ng medical first-aid desk.
C. Samantalang noong Lunes naman, May 9, mismong araw ng halalan, namigay ng libreng pagkain ang LGU para sa mga umasiste sa pagpapanatili ng kaayusan gaya ng POSO, PNP, BFP, RHU 1, RHU 2, RHU 3, Engineering, DILG, at mga volunteer drivers ng iba't-ibang opisina ng LGU.
D. Pagkatapos naman ng halalan, nagsanib-pwersa ang MDRRMO, ESWMO, at Engineering Office sa pagtanggal ng mga tarpaulin sa national highway.
LGU Castillejos, Zambales, Nagbenchmarking ukol sa RiceBIS Bayambang
Noong May 13, bumisita ang opisyales ng LGU Castillejos, Zambales at mga miyembo ng RiceBIS Castillejos sa Niña's Cafe upang pag-aralan ang karanasan ng Bayambang sa implementasyon ng proyekto ng DA PhilRice dito na Rice Business Innovation System.
Sila ay malugod na winelcome ni Mayor Cezar Quiambao, Agriculture Office, at ng buong Bayambang Poverty Reduction Team, na siyang nagpaliwanag kung paano naging akma ang RiceBIS sa mga layunin ng Bayambang Poverty Reduction Plan sa sektor ng agrikultura.
2 Kababaihan, Kauna-unahang Mayora at Vice-Mayora sa Kasaysayan ng Bayambang!
A. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bayan ng Bayambang, nailuklok sa puwesto ang dalawang kababaihan sa pagiging Mayor at Vice-Mayor. Ang mga ito ay sina Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao o walang iba kundi si Mayora Niña Jose-Quiambao, ang butihing maybahay ni outgoing Mayor Cezar Quiambao, at si Vice-Mayora Ian Camille 'IC' Sabangan, na butihing maybahay ni outgoing Vice-Mayor Raul Sabangan.
Ito ay matapos magwagi ang dalawa sa katatapos na halalang ginanap noong Mayo 9.
Ang dalawa ay taos-pusong nagpapahatid ng kanilang pasasalamat sa lahat ng naniwala sa kanilang pangakong ipagpapatuloy ang nasimulang Rebolusyon Laban sa Kahirapan ng Team Quiambao-Sabangan tungo sa tagumpay sa pamamagitan ng mga kongkretong proyekto na kapakipakinabang sa lahat.
B. Kasama rin sa kanilang tagumpay ang lahat ng miyembro ng Team Quiambao-Sabangan na sina re-elected Councilor Mylvin 'Boying' Junio, Councilor Philip Dumalanta, Councilor Benjamin Franciso 'Benjie' de Vera, Councilor Amory Junio, Councilor Gerardo 'Gerry' Flores, Councilor Martin Terrado II, Councilor Levinson Nessus Uy, at last but not the least, ang bagong councilor na si former Vice-Mayor Jose 'Boy' Ramos.
Mula sa inyong buong LGU-Bayambang family: Congratulations, Ma'am Niña at Ma'am IC, at sa buong Team Quiambao-Sabangan!
Treasury Office, Naging Abala sa Halalan
• Malaking parte sa tagumpay ng katatapos na halalan ang kontribusyon ng Municipal Treasury Office, sa pamumuno ni Municipal Treasurer Luisita Danan. Mula sa unang araw ng pagdating ng mga election paraphernalia, masusing inihanda ng Treasury ang bawat form na gagamitin.
• Maingat din silang nagbantay beinte-kwatro oras araw-araw kasama ng PNP upang masiguro ang proteksyon ng mga balota.
• Sa araw ng eleksyon, naroon sila para sa checking of documents hanggang sa releasing ng election paraphernalia sa bawat voting precinct.
• Walang tulugan naman pagdating ng Mayo 10, para sa pagbabalik ng ballot box.
• Tumayo ring Vice-Chairman ng Municipal Board of Canvassers si Gng. Danan, kung saan siya ang naatasan na tumanggap ng election returns hanggang matapos ang canvassing kinabukasan.
Mga Bagong Adisyunal na Serbisyo sa Pagpapatuloy ng KSB Year 5
Muling dinala ng Munisipyo ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan-Year 5 sa Sapang Covered Court sa Brgy. Sapang noong May 20 upang pagsilbihan ang mga magkakaratig-barangay ng Sapang, Banaban, at Duera sa District VII. Sa programa, nangako si Mayora Niña Jose-Quiambao na madaragdagan ang mga serbisyo ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan gaya ng mental health awareness upang mas mapalawak pa ang matulungan na mamamayang Bayambangueño. Mayroong 745 na kliyente ang nasilbihan ng edisyong ito ng KSB Year 5.
Latest Batch ng Achievers, Pinarangalan
Pagkatapos ng flag-raising ceremony noong Mayo 23, sa Balon Bayambang Events Center, ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Sangguniang Bayan, ay opisyal na pinarangalan ang mga Bayambangueño na pumasa sa bar exam at iba’t ibang board exams, mga nagsitapos sa Philippine Military Academy at isa sa mga naging topnotcher sa Philippine National Police Academy, at mga educators na nakatanggap ng international accolade mula sa academe. Ayon kay SB Secretary Joel Camacho, ito ay isang pagkilala sa mga naging pagsisikap at sakripisyo ng mga nabanggit at ng kanilang pamilya, na siyang naging daan tungo sa kanilang tagumpay. Sa ngalan nina Mayor Cezar Quiambao at Vice Mayor Raul Sabangan, ang maikling seremonya ay pinangunahan ng mga konsehal na sina Martin Terrado II at Amory M. Junio.
Honest Driver, Pinasalamatan
Isang driver ng van byaheng Bayambang-SM Carmen, Rosales ay naiulat na nagsauli ng naiwang cell phone ng isang pasahero nito noong May 24. Ayon sa report ng staff ng Office of the Special Economic Enterprise na naka-istasyon sa Balon Bayambang Central Terminal, ang naturang driver ay si G. Jerico Alvarez. Labis naman ang pasasalamat ng estudyanteng nagmamay-ari ng nawalang cellphone sapagkat gamit niya raw ito sa kanyang online classes.
PRC, Muling Nagbigay ng Mobile Services
Muling naghatid ng serbisyo ang Professional Regulation Commission (PRC) sa ating mga kababayan, sa ginanap na Mobile Outreach Program noong May 31 sa pangunguna ni PRC Supervisor, Dr. Julie Junio, at sa pakikipag-ugnayan sa MESO at BPRAT. Daan-daang aplikante ang nagpunta sa Events Center upang tumanggap ng serbisyo, kabilang ang renewal ng professional ID card (PIC), release ng available PICs at board certificates, initial registration para sa mga pumasa sa examination, aplikasyon para sa licensure examination, at iba pa. Sa outreach program na ito ng PRC, nakatipid ang mga kliyente sa byahe at gastos sa pagproseso ng mga dokumentong kinakailangan sa kanilang propesyon.
11 Teams ng Millennials' Challenge, Sumabak sa Training Workshop
Noong May 28, tinipon ng LYDO at BPRAT ang 11 winning teams ng Millennials' Challenge para sa isang training-workshop kung saan itinuro ang paggawa ng Cash Flow Statement at Progress Report. Ayon sa trainor na CPA na si G. Rev Ramirez, ang mga dokumentong ito ay kinakailangan upang mamonitor ang kani-kanilang mga proyekto sa napiling komunidad. Itinuro sa workshop kung paano gawing komprehensibo ang kanilang mga reports upang makita kung saang phase na ang implementasyon ng mga proyekto, kung epektibo ba ito sa aspetong pampinansyal, at iba pa.
FINANCIAL ADMINISTRATION & TAXATION
Appraisal and Reassessment of Properties, Tuluy-Tuloy sa mga Barangay
Sa nakaraang pagdaraos ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan na ginanap sa Brgy. Sapang Covered Court, na sakop ang Brgy. Sapang, Duera, at Banaban, nagpatuloy ang Assessor's Office sa appraisal ng mga property sa lugar. Sila ay nagsagawa rin ng reappraisal of property para naman sa mga bagong patayong istraktura na nagbago ang klasipikasyon mapa-residential man o commercial building.
HEALTH
Mga BNS, Nag-Team-Building Activity
Noong April 30, nag-team-building activity ang mga Barangay Nutrition Scholars ng Bayambang sa Garcia's Resort, Brgy. Buayaen. Naging panauhing tagapagsalita sina Municipal Health Officer Venus Bueno at RHU III nurse Lady Philina Duque, na naglecture ukol sa team-building at leadership principles. Sa aktibidad na ito ay masayang nakipagbonding ang isa't isa at nagkaroon ng tsansa na makapag-unwind, recharge, at enjoy sa fellowship. Ang LGU ay nagpasalamat sa mga BNS sa lahat ng kanilang sakripisyo at pagpupunyagi tungo sa iisang layunin: ang wakasan ang malnutrisyon sa kabataang Bayambangueño.
Libreng Eyeglasses mula KKSBFI
Noong May 2 at 4, natanggap na ang mga eyeglasses ng may 1,200 beneficiaries na nagpakonsulta sa mata sa The Medical City doctors noong nakaraang piyesta sa Grand Komprehensibo sa Bayan, salamat sa donasyon ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. Ang distribusyon ng mga de-gradong salamin ay ginanap sa harap ng Municipal Annex Bldg.
Massive IEC on Teenage Health at Good Parenting, Nagpatuloy
Nagsagawa ang Rural Health Units sa pangunguna ni Municipal Health Officer, Dra. Paz Vallo, ng isang information-education campaign sa iba't ibang barangay mula April 20 hanggang May 11 upang ipagpatuloy ang naumpisahang pagpapaalala sa mga teenagers at kanilang mga magulang ukol sa kalusugan, pag-iwas sa teenage pregnancy, HIV at sexually transmitted diseases, at sa mga paksang good parenting, dealing with teenagers, at caring and having good relationship with children.
Sa kabuuan ay may 677 na teenagers at 376 na magulang ang nakinig sa mga naturang usapin na isinagawa sa 22 na barangay sa iba't ibang distrito.
Good Parenting Seminar, Tuluy-Tuloy
Noong May 16 to 17, nagconduct ang RHU I ng Seminar on Good Parenting and Development of Good Marital Relationship sa Brgy. Langiran, Sapang at Duera, upang matutukan ang mga magulang na maging modelo sa paggabay ng kanilang mga anak pagdating sa kalusugan, partikular na ang pag-iwas sa sexually transmitted diseases. Ito ay isa sa mga naisipang intervention measures upang tulungang masugpo ang pagtaas ng kaso ng unplanned pregnancy sa mga lokal na kabataan.
RHU III, Nag-IEC ukol sa Iba't Ibang Isyung Pangkalusugan
Ang RHU III, sa ilalim ni Rural Health Physician, Dr. Roland M. Agbuya, ay nagsagawa ng information-education campaign hinggil sa non-communicable diseases, notifiable diseases, at sexually transmitted infections, at HIV-AIDS, mula sa buwan ng Abril at Mayo sa 12 catchment barangays nito. Sila rin ay nagpayo ukol sa mga kabataang nadapa ngunit bumabangong muli para harapin ang bagong hamon sa buhay bunsod ng unplanned pregnancy. Sa kabuuan, may 644 na katao ang nakinig sa mga naturang usapin.
Sanitary Inspector, Tuluy-Tuloy sa Surprise Visits sa Food Establishments
Upang masiguro ang kalidad ng mga produkto at kaligtasan ng mga mamimili at customers ng iba’t ibang food establishments sa Bayambang, tuluy-tuloy ang ating Sanitary Inspector na si Mr. Danilo Rebamontan sa kanyang surprise inspection sa mga naturang establisimyento. Ang kanyang team ay umiikot at masusing ginagalugad ang mga food business enterprise upang busisiin ang pagsunod ng mga ito sa health protocols at lalung-lalo na sa food safety standards.
Municipal Nutrition Action Plan Formulation Workshop for CY 2023-2025
Noong May 26 to 27, nagsagawa ang Municipal Nutrition Office ng isang Nutrition Action Plan Formulation Workshop para sa Calendar Year 2023-2025 sa Kabaleyan Cove Resort, San Carlos City. Dito ay binalangkas ang mga bagong programs, projects, at activities na lalong magpapaigting sa pagpuksa sa malnutrisyon sa mga kabataan ng Bayambang. Ito ay dinaluhan ng mga top officials at department heads ng LGU.
Misting Operation Kontra Dengue
Noong May 27, isang misting operation sa Brgy. Pantol ang isinagawa ng RHU II Sanitary Inspector Team na sina Mr. Henry Austria at Mr. Christian David Aquino ngayong araw. Kasabay nito ay ang munting paalala ng RHU II sa ating mga kababayan na makisama sa 4 o'clock habit upang makaiwas sa dengue at iba pang sakit na dala ng lamok. Sa ika-4:00 ng hapon, ating itaob o puksain ang lahat ng maaaring pamugaran ng dengue mosquito na MALINAW NA TUBIG gaya ng naipong tubig ulan sa lumang gulong, walang takip na drum o sisidlan, stem ng kawayan, o baradong alulod, at tubig sa flower vase.
ONGOING: 'Usapang Bibo' ng PHO at 'Kakabakaba ka ba Kabataan' ng RHU II
Isinagawa ng Pangasinan Health Office kasama ang Rural Health Unit II ang Integrated Usapan Session o Usapang Bibo tungkol sa maternal, child, at mental health at family planning noong May 18, sa Amacosiling Sur Covered Court. Ito ay isang information campaign laban sa pagtaas ng teenage pregnancy, at dinaluhan ng 29 pregnant teenagers. Isa pang katulad na aktibidad ay ang ‘Kakabakaba ka ba, Kabataan,’ na isinasagawa ng EHU II sa iba't-ibang barangay para gabayan ang mga teenagers na maging responsable at parating malusog sa pangangatawan. Ito naman ay dinaluhan ng 168 participants.
Paghahatid ng Serbisyong Medikal, Walang Puknat
Ang mga midwife ng RHU II ay nag-iikot para sa buwanang pagbibigay ng maintenance na gamot para sa mga mayroong high blood at diabetes, para sa buwanang pagbibigay ng ferrous sulfate at vitamin C sa mga batang kulang sa timbang, at para sa buwanang pagbibigay ng gamot at vitamins sa mga buntis. As of May 2022 ay may 2,824 na clients na ang nabigyan ng maintenance medicines.
EDUCATION
Municipal Library, Nag-Iikot para sa Pagtatatag ng Barangay E-Reading Centers
Nag-iikot ngayon ang Municipal Library sa lahat ng 77 barangays upang mag-follow-up sa konstruksyon ng kani-kanilang e-reading center, batay sa nakasaad sa Devolution Transition Plan ayon sa Republic Act 7743. Ayon sa naturang plano, ang bawat barangay ay dapat maglaan ng isang e-reading center para sa mga kabataan, at ang budget para rito ay magmumula sa Sangguniang Kabataan Fund. Bawat e-reading center ay nakatakdang magkaroon ng computer, printer, at smart TV, depende sa laki ng inilaang budget ng barangay. Kapag natapos ang center, mag-ooffer ang mga ito ng mga serbisyong katulad ng ibinibigay ng Municipal Library. Sa hinaharap, ang Municipal Library naman ang magsupervise, -monitor, at -evaluate ng mga pasilidad na ito.
LSB Distributes Student Financial Assistance
Noong May 25, nagpamahagi ang Local School Board, sa tulong ng Treasury Office, ng financial assistance para sa isang libong college students bilang munting suporta sa kanilang pag-aaral. Ang budget ay mula sa tinatawag na Special Education Fund, isang pondo na nagmumula sa nalilikom ng LGU-Bayambang mula sa mga nagbabayad ng amilyar o real property tax.
LIVELIHOOD & EMPLOYMENT
Mga Alagang Kambing para sa Dairy Project, Minomonitor ng MAO
Ang livestock team ng Agriculture Office ay regular na nakamonitor dalawang beses kada linggo, kada Lunes at Huwebes, sa mga alagang milking goats na ibinigay ni Senator Cynthia Villar sa ilalim ng kanyang Goat Dairy Project. Kasabay nito ay ang pagrekomenda ni Municipal Veterinarian, Dr. Joselito Rosario, ng mga gamot, vitamins, at supplements para sa mga ito.
OFW General Assembly, Ginanap
Nagkaroon muli ng isang General Assembly para sa mga presidente at sekretarya ng lahat ng overseas Filipino workers (OFWs) association sa Bayambang noong May 6 sa Royal Mall sa pangunguna ng OIC ng Municipal Employment Service Office na si Dr. Rafael L. Saygo, at sa pakikipagtulungan ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT). Sa pulong ay pinag-usapan ang ukol sa reorganization ng mga Association officers at iba pang concerns ng mga OFW associations. Layunin nito na matutukan ang kapakanan ng mga OFWs, lalo na ang mga nasalanta ng pandemya sa pamamagitan ng paghanap ng mga solusyon upang makarating ang tulong ng iba't ibang ahensya ng gobyerno sa kanilang sektor.
OTHER SOCIAL SERVICES
BNHS Batch '90, Nagsagawa ng Feeding Activity
Noong April 30, nag-bonding ang ilang miyembro ng Bayambang National High School Class of 1990 sa pamamagitan ng isang supplemental feeding activity sa limang barangay. Sa pakikipag-ugnayan sa Nutrition Office at barangay officials, ang BNHS Batch '90 sa pamumuno ni OIC President, Kgd. John Galsim, ay nagtungo sa Brgy. Bani, Buenlag 2nd, Cadre Site, M.H. Del Pilar, at Tanolong at namahagi ng mga masustansyang food items para sa mga undernourished na kabataan doon. Kabilang sa mga miyembro ng batch ay mga empleyado ng Munisipyo na suportado ang Rebolusyon Laban sa Kahirapan na may tatak na "Total Quality Service." Sa kabuuan, mayroong 68 na kabataan ang nabiyayaan sa aktibidad.
Training on the Establishment of Women’s and Children’s Friendly Spaces
Isang Training-Workshop on the Establishment of Women's and Children's Friendly Spaces ang isinagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office noong May 11 hanggang 13 sa Balon Bayambang Events Center. Layunin nito na makagawa ng isang establisimyento na akma para sa mga bata at kababaihan bago, habang nagaganap, at matapos ang isang sakuna o kalamidad. Ang training-workshop na ito ay dinaluhan ng mga kinatawan ng PNP, DepEd District 1 at 2, Budget Office, MDRRMO, Agriculture Office, Engineering Office, at RHU 1, 2, at 3.
AGRICULTURAL MODERNIZATION
Ongoing: Distribution of Organic Fertilizers
Kasalukuyan namang ipinapamahagi ng Agriculture Office ang mga organic fertilizers na mula sa Department of Agriculture Regional Field Office I. Mayroong inilaang 5 bags kada recipient mula sa iba't ibang farmers association, at sa kabuuan ay may 360 farmers ang resipients ng mga ito.
Fish Cages para sa Langiran Lake
Noong nakaraang linggo, nagdismantle ang Agriculture Office kasama ang Engineering Office ng galvanized iron type ng fish cages mula sa bayan ng San Manuel, Pangasinan, at ang mga ito ay ibinyahe sa Bayambang. Ang mga ito, kasama ang drums at nets, ay idinonate ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Nakatakdang gamitin ang naturang mga fish cages para sa fisheries project ng LGU sa Langiran Lake.
Clean-up Drive sa Langiran Lake
Kaugnay nito ay nagsagawa ng clean-up drive ang tanggapan sa lugar upang bigyang daan ang pag-iinstall ng bagong fish cage doon. Katulong sa paglilinis ang mga volunteers mula sa Brgy. Langiran at mga miyembro ng NGOs. Ang Langiran Lake ay kasalukuyang puno ng mga water lily, kaya naman regular itong nililinis ng Agriculture Office. Sa mga gustong maging kabahagi ng programang clean-up drive, maaaring makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng naturang departamento.
Inbred Rice para sa Wet Season, Ipinamahagi ng PhilRice
May 558 bags ng inbred rice ang ipinamahagi ng Philippine Rice Resarch Institute o PhilRice sa pinakahuling mga kasapi ng Rice Business Innovation System o RiceBIS program ng Department of Agriculture sa Bayambang. Ang mga binhi ay nakalaan para sa Wet Season sa taong 2022.
Rice Allocation para sa Wet Season 2022, Ipamamahagi
Noong May 17 to 18, naghakot ang Municipal Agriculture Office, sa tulong ng iba’t ibang departamento, mga farmer volunteers, at ng Agricultural Infrastructure and Leasing Corporation (AILC)., ng rice allocation mula sa Department of Agriculture para sa mga lokal na rice farmers para itanim sa wet season ngayong taon. Mula Pangasinan Research Experiment Center, sa Tebag East, Sta. Barbara, Pangasinan, inilagak ang mga binhi sa warehouse ng LGU sa District 3. Ayon sa Agriculture Office, ang latest seed allocation ay kasya para sa 4,480 ektarya na sakahan. Sa kabuuan, ang kargamento ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang na P18M.
Kabataang Taga-Tampog, Pumasa Bilang BFAR Scholar
Isang kabataang Bayambangueña ang pumasa sa qualifying exam para sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) scholarship program. Siya ay si Catherine Villegas ng Brgy. Tampog, anak ng isang miyembro ng Balon Tampog Fisherfolk Association ng Brgy. Tampog, Bayambang. Noong May 20, ginanap ang orientation, awarding, at contract signing sa Pangasinan State University-Binmaley Campus, Pangasinan. Ang scholarship program ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang P500,000.
Sa mga gustong mag-exam para sa naturang scholarship program ng BFAR, maaaring kumuha ng application form sa tanggapan ng Municipal Agriculture Office.
ONGOING: Palay Distribution
Noong May 24, pinangunahan ng mga area district technicians na assigned ng Municipal Agriculture Office ang palay distribution sa kani-kanilang mga barangay assignments upang i-asiste ang mga barangay farmers' association sa distribusyon ng binhi, sa tulong ni MAFC President Resie Castillo. Ang mga binhi ay alokasyon ng Department of Agriculture para sa mga local rice farmers’ para sa kanilang wet season farming ngayong taon.
INFRASTRUCTURE DEVELOPMENT
Dahil tapos na ang election ban, muling nagpatuloy ang mga construction projects ng Engineering Office. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
ONGOING: Maintenance Works on Bical Norte-Tanolong Roadline
COMPLETED: Installation of Solar Streetlights in Brgy. Iton
ONGOING: Installation of Solar Streetlights in Brgy. San Gabriel 2nd
ONGOING: Construction of Drainage System at Brgy. Inanlorenza
ENVIRONMENTAL PROTECTION
Post-Election Clean-Up Drive
Noong May 14, nagsagawa ng isang massive clean-up drive ang Bayambang Municipal Association of NGOs sa pangunguna ni President Vilma Q. Dalope kasama ang bagong halal na si Vice Mayora IC Sabangan. Dahil sa limitadong budget at bilang ng personnel ng pamahalaang lokal, welcome na welcome ang tulong ng pribadong sektor sa anumang gawaing bayan. Kaya't maraming salamat sa lahat ng tumulong na mga NGO’s sa pakikisa tungo sa clean and green na bayan ng Bayambang.
MDRRMO, Isinulong ang Zero Waste Disposal
Noong May 12 hanggang 13, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ay maingat na nagsegregate ng mga materyales mula sa mga ginamit na campaign posters noong halalan, partikular na ang mga plastik na tarpaulin, kawayan at kahoy upang itaguyod ang zero waste disposal sa bayan ng Bayambang. Ang mga tarpaulin ay ibinigay sa opisina ng MSWDO para magamit sa programa nila na paggawa ng eco bags. Ang mga kawayan naman ay gagamitin bilang pambakod sa halaman at ang itinapon na kahoy ay gagamitin bilang mga materyales para sa pag-aayos ng mga bahay na nasira ng kalamidad.
Iba’t Ibang Bayan sa Pangasinan, Dumalo sa Demo at Machine Testing sa MRF
Noong May 18, dumalo ang iba't ibang bayan sa Pangasinan para sa demo at machine testing sa Materials Recovery Facility ng Bayambang. Ito ay para sa 27 na bayan sa probinsya na nakatanggap ng libreng bio-shredder at composter set galing sa National Solid Waste Management Commission ng DENR. Ang mga panauhin ay malugod na sinalubong ni MENRO Joseph Anthony Quinto sa opisina ng ESWMO. Ang demo at testing ay isinagawa ng mga technicians ng Suki Trading, ang supplier ng mga nasabing makinarya.
ESWMO, Dumalo sa DENR Consultation sa Quezon City
Noong April 28, dumalo si Bayambang MENRO Joseph Anthony Quinto kasama si Environmental Management Specialist Luz Cayabyab sa isang Public Consultation on the Phase-Out of Non-Environmentally Acceptable Products bilang tugon sa paanyaya ng DENR Environmental Management Bureau. Ang unang batch ng public consultation na ginanap sa Axiaa Hotel sa Quezon City ay dinaluhan ng face-to-face ng mga environmentalists galing sa iba’t-ibang lugar sa buong Luzon, at ng mga distributors at suppliers sa pamamagitan naman ng Zoom video. Pinag-usapan dito ang pagbabawal sa paggamit ng plastic soft drink straw at plastic coffee stirrer. Ito ay dahil sa negatibong epekto nito sa tao at kalikasan ayon sa pag-aaral na ginawa ng mga siyentipiko ng bansa.
DISASTER RESILIENCY
Early Warning System para sa Baha, Ininstall ng MDRRMO
Noong April 29, nagsimulang mag-install ang MDRRMO ng isang Flood Marking System sa Quezon Boulevard Extension. Layunin nito na malaman ng residente doon ang iba't-ibang Alert Levels kapag may baha sa ating lugar, mula sa White o Normal level patungong Yellow, Orange, Blue, at Red level, na nangangahulugan ng forced evacuation. Hinihikayat ng MDRRMC ang lahat na maging maalam, mapanuri at handa sa oras ng sakuna. Nakatakdang magpatuloy ang nasabing pagmamarka sa ibat-ibang bahaing bahagi ng ating bayan.
River Monitoring mula Zone 5 hanggang Caturay
Dahil sa pagdiriwang ng Pista'y Dayat, nagsimulang magsagawa ng monitoring sa Agno River ang MDRRMO-Water Search and Rescue o WASAR Team, mula sa Brgy. Zone 5 hanggang Brgy. Caturay noong April 30 hanggang May 3. Nagpaalala ang WASAR Team sa mga residenteng naliligo sa Agno River na mag-ingat upang masigurong ligtas ang lahat. Wala namang naitalang aksidente o insidente sa loob ng apat na araw na pagmomonitor sa ilog.
DENR, Private Sector, Nag-inspeksyon sa Agno River Dike
Bumisita ang Department of Environment and Natural Resources ng Dagupan at La Union kasama ng CEST Inc. at ng SAFEGE sa Bayambang upang magsagawa ng ocular inspection sa mga dike sa Agno River. Layunin ng grupo na makita ang pinakasanhi o root cause ng pagbaha at pag-apaw ng tubig galing ilog Agno. Base sa kanilang nakalap na impormasyon, sila ay inaasahang magkakapagdisenyo ng magandang solusyon para tuluyang maresolba ang problema sa pagbaha ng ilog Agno.
AWARDS & RECOGNITION
Mga Kampeon sa Millennials Challenge, Top 10 Finalist ng Youth Social Innovation Lab
Matapos itanghal bilang grand champion sa ginanap na Bayambang Millennials Challenge, ang grupo ni John Alfred Lajera ng proyektong "Pinablin Yaman: Bayambang River Cruise," ay matagumpay na nakapasok bilang Top 10 Finalist sa isang national-level competition na "Youth Social Innovation Lab: Kabataan All In 2022." Dito, sila ay nakipagtagisan ng galing sa mga kabataang imbentor sa buong Pilipinas sa May 5 hanggang 6, 2022. Ang grupo ay binubuo ng limang myembro, kabilang sina Donny Hervacio, Dominic Terrado, Jethro Noah Medina at John Paul Vinluan, na pawang mga taga-Brgy. Amancosiling Norte.
RHU I NBS, Ginawaran ng "0.00 Unsatisfactory Rating” ng DOH
Nakatanggap ang Rural Health Unit I ng Certificate matapos nitong matamo ang pagiging isa sa mga Top Performing Newborn Screening Facilities sa Primary Care – Government Category. Ang pagkilalang ito ay iginawad ng Deparment of Health Newborn Screening Center-Northern Luzon para sa 1st Quarter ng taong 2022. Ayon kay Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo, ito ay nangangahulugan na lahat ng specimens na sinubmit ng RHU para sa newborn screening ay may satisfactory rating para sa nasabing period of evaluation.