Saturday, November 7, 2020

November 2020 Editorial - Ang Diwa ng SingKapital

Marahil napapatanong tayo ngayon, “May pandemya pa rin, kaya’t anong kabuluhan ng pagdiriwang sa taong ito ng SingKapital?”

Sa aming palagay, isang malaking pagkakamali kung pati ito ay ipagpaliban din natin nang dahil sa COVID-19. …Sapagkat ang SingKapital ay masasabi nating pinakamahalagang parte ng ating pagkakakilanlan o identidad bilang isang bayan. Hindi ito maaaring ipagwalang bahala, kaya’t maski man lang sa isang maiksi at simpleng paggunita, ating maipaparating sa mga mamamayan, lalo na sa ating mga kabataan, na ang SingKapital ay hindi isang maliit na bagay kundi isang pagdiriwang na nararapat lamang ipagdaos at ipagmalaki.

Bunsod ng okasyong ito, muli nating aalalahanin ang nakaraan, at sa pag-alaala ay di natin maiiwasang mapatanong kung bakit sa lahat ng bayan ay napili ang Bayambang bilang lugar kung saan pansamantalang huminto ang mga Rebolusyonaryo noong Nobyembre 12, 1899.

Isang dahilan ay dahil tayo ay ang gateway o bungad ng Northern Luzon mula sa South at Central Luzon. Sa katunayan, dito rin daw bumababa ng tren si Gat Jose Rizal noon upang umangkas ng kabayo papuntang Camiling, na noon ay parte ng Bayambang, upang bisitahin ang kasintahang si Leonor Rivera, sa panahong isa siyang “most wanted man” sa mata ng mga Kastila.

Noong sumiklab naman ang digmaan laban sa mga Amerikano, dito rin inilipat ni Heneral Antonio Luna ang Department of War ng ating revolutionary government.

At iyon na nga, pagdating ng Nobyembre 12, 1899, dito tumigil ang buong hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo upang magpalipas ng araw. Totoong isang araw lang sila rito, ngunit ang araw na iyon ay naging makasaysayan dahil idineklara niya ang Bayambang bilang ikalimang kapitolyo ng bansa.

Sa kasawiang palad, namatay papunta rito ang kanyang sanggol na anak na si Flora Victoria, at sa simbahan natin siya inilibing. Ngunit dito rin ipinasulat ni Heneral Aguinaldo sa makatang si Jose Palma ang liriko ng ating Pambansang Awit – sa lugar ng Bautista na ngayon ay isa nang ganap na bayan.

Dito rin nagdesisyon si Hen. Aguinaldo na buwagin ang Republika upang mag-shift sa combat mode laban sa mga Amerikano ang ating revolutionary government.

Ayon sa pananaw ng isang historyador, kaya kampante ang sinumang rebolusyonaryo na magtungo rito ay dahil may kasaysayan ang Bayambang sa paghihimagsik. Alam nilang hindi sila ipagkakanulo ng mga Bayambangueño sa mga humahabol na Amerikano kapag sila ay nagpalipas ng oras dito. Ayon sa aklat ni Rosario Cortez, dito unang pumutok ang rebelyon sa Pangasinan, ang Andres Malong Revolt, noong 1660. Dito rin naganap -- sa Barrio Manambong -- ang unang bahagi ng Palaris Revolt noong 1765.

’Di nakapagtataka, kung ganoon, na magpunta rin si Heneral Gregorio del Pilar dito upang gampanan ang isang misyon habang hinahadlangan ang mga mananakop sa pagtugis kay Hen. Aguinaldo sampu ng mga opisyales ng ating pambansang pamahalaan. 

Sa bandang huli ay maituturing natin na maluwalhati ang naging kwento sapagkat ang pangalang Flora Victoria – na sa Ingles ay “flower of victory” – ay naging isang magandang pangitain. Mula pagkatalo at pagkalupig, ang unang pagtatangka nating maging isang bansa ay nagtagumpay sa kalaunan. At ang hinagpis ni Hen. Aguinaldo at ng kanyang pamilya ay napalitan ng isang awit, ang ating pambansang awit na “Lupang Hinirang.” Ang kwentong ito ng sakripisyo ng ating mga bayani ang siyang nagtulak sa iba’t-ibang pangkat etniko sa ating bansa upang magkaisa sa ilalim ng iisang bandila, isang konstitusyon, isang hudikatura, at isang hukbo. Alam nating lahat kung saan nauwi ang lahat ng ito: sa pagkakabuo ng isang bansa, ang bansang Pilipinas, na may kalayaan at kasarinlan!

Kaya naman noong 2018, bumalangkas ang ating Sangguniang Bayan ng isang lehislasyon – ang Municipal Ordinance No. 17. s. 2018 – upang ideklara ang Nobyembre 12 bilang petsa ng taunang pagdiriwang ng SingKapital o ang pagdeklara ni Hen. Aguinaldo sa Bayambang bilang ikalimang kapitolyo ng bansa.

Ngayon na may mas maigting na kamalayan na tayo sa Bayambang sa ating naging papel sa kasaysayan ng Pilipinas, natural lang na makahiligan natin ang paglunsad ng mga rebolusyon, tulad ng ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan. Sa bagong Rebolusyong ito ay ginamit natin ang ating kasaysayan na magsilbing inspirasyon upang gumawa ng kabutihan, upang manguna sa mga proyektong makabubuti sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap.

Hanggang ngayon, ang Bayambang ay isa pa ring gateway, kaya ang bagay na ito ay dapat nating pakinabangan pagdating sa mga oportunidad gaya ng kalakalan.

Ngayong panahon naman ng pandemya, patuloy nating gamitin ang ating tradisyon ng rebolusyon upang tuluy-tuloy na makaiwas sa walang-lunas na sakit at upang magtulung-tulong para walang Bayambangueño ang mapag-iwanan sa panahon ng “bagong normal.”

Isapuso sana nating lahat ang diwa ng SingKapital.


No comments:

Post a Comment