[Editorial for October]
Balik Eskwela
Sa isang iglap ay naging buwan ng Oktubre ang itinakdang pasukan ng mga kabataan sa paaralan sa buong bansa. Subalit hindi ibig sabihin nito ay tumigil sa pagtatrabaho ang ating mga guro mula noong Marso, nang magsimula ang pandemya.
Sa panahon ng pandemya ay patuloy na nagpunyagi ang ating mga guro upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral. Lingid sa kaalaman ng madla, sila ay boluntaryong gumawa ng mga activity sheets at modules kahit kailangang humugot muna sa sariling bulsa.
Matapat nilang itinaguyod ang sinambit ni Education Secretary Leonor M. Briones na “no Filipino learner will be left behind amidst the crisis.” Sa maraming pagkakataon ay inilalagay din nila sa peligro ang kanilang kalusugan dahil sa mga pagpasok sa paaralan upang makapagreport.
Minsan ay nakakalungkot ang sinapit ng iba dahil sa pagbaba ng mga enrolment, subalit nariyan pa rin sila na bumabangon, ‘di sumusuko, at nagsisilbing inspirasyon sa lahat upang patuloy na umusad ang buhay edukasyon ng ating mga mag-aaral sa gitna ng “new normal.”
Patuloy nilang pinapairal ang positibong pananaw sa buhay, upang patuloy na mapaglingkuran ang mga kabaatan sa pamamagitan ng paglinang ng tunay na ugaling Pinoy: ang pagiging magalang, disiplinado, matapat, at mapagmahal sa Diyos, kapwa, bayan, at kalikasan.
Nakasisiguro ang ating mga guro na ang kanilang pagsisikap na laging maging mabuting halimbawa sa isip, salita, at gawa, at ang kanilang pagsisikap na maging matatag sa mga hamon ng buhay dahil sa pagtitiwala sa Maykapal, ay patuloy ring sinusuklian ng administrasyong Quiambao-Sabangan sa iba’t-ibang paraan. Alam ng lahat na hindi tinatanggap ni Mayor Cezar T. Quiambao ang kanyang buwanang sweldo sapagkat ito ay nakalaan sa ating mga guro sa Bayambang. Patuloy din ang suporta ng LGU sa iba’t-ibang programang pang-akademiko ng Department of Education sa pamamagitan ng pagbigay ng pondo mula sa Special Education Fund ng mga mag-aaral. Mayroon ding iba pang proyekto gaya ng bagong lunsad na Bayambang Community-Based Distant Learning Enhancement Program upang patuloy ang face-to-face learning, na siyang pinaniniwalaan ni Mayor Quiambao na pinakaepektibo pa ring paraan ng pagtuturo.
Sa pagbabalik-eskwela, kaagapay ng LGU ang lahat ng mga magigiting na guro sa pag-aasam ng isang matagumpay na “new normal education” para sa ating mga kabataan.
No comments:
Post a Comment