Saturday, May 30, 2020

Editorial (May 2020): Handa Ka na ba sa 'New Normal'?

Sa pagputok ng pandemya, marami ang nawalan ng kabuhayan sa isang iglap at di mawari kung saan kukunin ang susunod na kakanin sa hapag. Dahil napakalaki at biglaan ang mga naging suliraning dulot nito, matinding pangamba at kalituhan sa paghanap ng solusyon ang pinagdaanan ng lahat.

Akma ang obserbasyon na ang COVID-19 pandemic ay parang isang giyera na kung saan ay di nakikita ang kaaway. Ngunit sa kabila ng pagkasadlak sa kawalan ay pinilit ng lahat na bumangong muli at bumawi. May mga barbero na naghome-service, tricycle driver na nagkargador sa palengke, at mga empleyado na nag-online selling at reselling. Nakita nila na sa likod ng krisis ay mga bagong oportunidad.

Para sa huli, lalo na, ay naging malaki ang papel ng teknolohiya, lalo na ng information technology. Mapalad tayo at nangyari ito sa panahon na may cell phone at internet, dahil kahit paano ay naibsan ang ating mga agam-agam at pagkabagot. Marami ang nakahingi ng saklolo dahil sa social media, kahit may ilan din namang nakuha pang magpakalat ng fake news. Gaya ng kahit anong pagbabago, may kaakibat itong panganib.

Maraming kawani ang nakapagpatuloy ng kanilang trabaho, salamat sa work-from-home arrangement option ng mga kumpanya. May ilang tindahan na nag-alok ng online shopping at door-to-door delivery. Ilang kainan din ang nagpa-online ordering at delivery na rin. Pati ang ating Rural Health Units ay nag-offer din ng teleconsultation. Ang buong LGU naman ay nagkaroon ng isang virtual flag ceremony kada Lunes. Ngayon ay buhay na buhay ang mga chat groups, video conference/webinar, at Zoom meetings.

Ang mga kabahayan naman na may backyard gardening ay nabuhay sa pagpitas ng mga prutas at gulay. Matatandaang  isinulong ni Mayor Cezar T. Quiambao sa ilalim ng Bayambang Poverty Reduction Action Team ang backyard at communal gardening project bilang isang malaking proyekto para sa food productivity at sustainability.  Salamat sa Internet, direktang nabenta naman ng ilang magsasaka ang kanilang ani sa mga mamimili. Naging mahalaga rin ang mobile stores gaya ng Bayambang Mobile Palengke. Matatandaang isinulong din ng administrasyon ang pagkakaroon ng talipapa sa lahat ng distrito upang makatulong maiiwas sa siksikan ang sentro ng bayan.

Salamat sa mga mabubuting-loob, nausong muli sa mga barangay ang bayanihan, na noong araw sa Bayambang ay tinawag na "tagnawa."


Hangga't walang nakikitang gamot laban sa COVID-19 ay kailangan nating makibagay sa tinatawag na 'new normal,' kabilang na ang pagsusuot ng mask sa pampublikong lugar, pag-oobserba ng social distancing, at lahat ng naunang nabanggit ng mga solusyong unti-unting nadiskubre ng lahat.

Masama ang magkaroon ng malubhang takot at pangamba, ngunit sa harap ng di nakikitang kaaway, nakabubuti ang matakot tayo ng bahagya upang mapagtagumpayan natin ito.

Nawa'y ang lahat ay makasabay sa bagong ihip ng hangin, upang sama-sama tayong makatawid sa napakalaking pagsubok na dulot ng pagkaliit-liit na mikrobyong gumambala sa ating mundo.

No comments:

Post a Comment