Thursday, October 2, 2025

LGU Bayambang Accomplishments - September 2025

 

EVENTS COVERED

 

1. BPC Students, Umattend sa Iskolar ni Juan Assessment

2. Dating MPDO OIC, Kinumpirma bilang MENRO Chief

3. MAC, Nagkaloob ng Higit P500,000 na Tulong

4. Mga Sagabal na Puno sa Daan, Tatanggalin Na!

5. Congresswoman Arenas, Tutulong sa Agarang Pag-ayos ng Nasirang Dike

6. DRRM Course for Barangay Officials, Nagpatuloy!

7. Bagong Work Immersion Students, Na-deploy sa LGU

8. Huling Batch ng SPES Beneficiaries, Tumanggap ng Sahod

9. Orientation ukol sa Batas Kasambahay at Child Labor, Ginanap

10. LCRO, Nagpatuloy sa Info Drive

11. 16 Segundo Cluster Associations at Brgy. Langiran, Nakatanggap ng P1M Composting Facility!

12. 34 CDCs, Sumalang sa External Assessment

13. SB Members, Nagtapos sa NEO Refresher Course

14. SB, Pinulong ang mga CSO at NGO ukol sa Akreditasyon

15. SB, Tinalakay ang Paggamit ng Natitirang MDRRM Funds

16. Switch Cafe, MNAO, Naglunsad ng Feeding Program

17.  Pulong, Isinagawa ukol sa ZOD Program

18. Pangangalap ng Datos kaugnay ng RPVARA, Nagpatuloy

19. LGU, Nakiisa sa Civil Service Anniversary Celebrations

20. Clearing Operation, Isinagawa sa Magsaysay

21. Dressmaking Grads, May Sarili nang Patahian!

22. Public Hearing ukol sa Curfew for Minors, Isinagawa

23. LGU at Colgate-Palmolive, Naglunsad ng Dental Health Program

24. MFPTA Officers, Inilahad ang mga Programa sa LGU

25. Mayor ng Alcala, Bumisita

26. Wire Clearing Operations, Nagpatuloy

27. Marian Exhibit, Tampok sa Museo de San Vicente Ferrer

28. LGU, Nag-Benchmarking sa Mandaluyong Cemetery

29. Gender-Inclusive Business Management, Tinutukan sa Seminar

30. Update ukol sa Implementasyon ng 10-Year SWM Plan, Iprinesenta  

31. Resulta ng 2024 Census, Iprinesenta ng PSA

32. Bayambang, Tampok na Destinasyon sa DOT-DTI "Creative Tour"

33. LCR, Patuloy ang Pag-award ng Birth Certificate at Free Delayed Registration

34. Tree-Cutting Operations, Isinagawa matapos ang Ipo-ipo

35. MDRRMO, Sumali sa RDANA Training

36.  LCRO, Nagpatuloy ng Info Drive sa Dusoc

37. 'Gulayan sa Paaralan,' Muling Inilunsad sa mga Eskwelahan

38. OVP, Nagdonate ng School Supplies

39. Mag-aaral ng AP Guevarra I.S., Nagsimula sa Kanilang Work Immersion  

40. LGU Employees, Humataw sa Zumba

41. Drug-Free Workplace Ordinance, Ikinasa sa mga Barangay

42. De Vera, Bagong Municipal Accountant

43. 34 CDCs, Inassess ng ECCD Council

44. Peace and Security Programs, Tampok sa MPOC-MADAC Meeting

45. Bagong Hepe ng LTO–Bayambang, Nag-Courtesy Call kay Mayor Niña

46. LGU, Nakiisa sa Food Business Expo

47. Mga Kawani ng LGU, Muling Nagpakita ng Katapatan

48. Pagtatayo ng Sanitary Landfill, Pinag-aaralan

49. Mga Kawani, Dumalo sa Financial Literacy Webinar

50. Pampering Services, Inihandog sa mga Kawani

51. MAO, Nagpa-training sa Organic Farming

52. Cold Storage Project, Isinabak sa Audit

53. Buntis Congress, Naging Matagumpay

54. Bagong Hepe ng BFP, Nag-Courtesy Call Kay Mayor Niña

55. Mga Plano at Programa para sa 2026, Tinalakay sa MDC Meeting

56. RHU 3 Blood Drive, Nakakolekta ng 26 Blood Bags

57. Mga ALS Teacher sa Bayambang, Nakatanggap ng mga Printer mula kay Mayor Niña

58. MOA Signing para sa Bagong Land Bank ATM, Isinagawa

59. Bayambang, Pasok sa Top 5 Most Business-Friendly Municipalities!

60. LCR Info Drive, Nagpatuloy sa Idong

61. LGU, Nakilahok sa Enhanced LDRRMP Training

62. MDRRMO, Nakilahok sa Rescue March Challenge

63. ESWMO Staff, Naging Malikhain sa Paggamit ng Recyclables

64. Mga NGOs, May Feeding Activity Muli

65. Mayor Niña, Pinangunahan ang PDRA para sa Bagyong "Nando"

66. Relief Operations, Isinagawa Bunsod ng Bagyong 'Nando'

67. Suporta sa Sektor ng Edukasyon, Patuloy

68. LGU at Federated PTA, Nakilahok sa Dayalogo

69. 47 Farmers, Nagtapos sa School-on-the-Air Program

70. RHU I at III, Nagdaos din ng Buntis Congress

71. 1,026 na Magsasaka, Tumanggap ng Food Assistance

72. DOST at Bureau of Plant Industry, Naghandog ng Training sa Onion Farmers

73. PRDP Sub-Project Pre-Construction Conference, Isinagawa

74. Social Sector, Nag-update sa BPRAT

75. Mini-Job Fair, May 59 HOTS

76. Panibagong Responder para sa Oras ng Sakuna

77. GCash at SEE, Nagpromote ng Cashless Payments Gamit ang Paleng-QR PH

78. Kasunduan para sa 10MW Solar Plant, Nilagdaan ng CSFirst Green!

79. Mayor Niña, Nanguna sa PDRA para sa Bagyong "Opong"

80. Relief Operations, Nagpatuloy

81. Blood Drive, Nakakolekta ng 43 Blood Bags

82. Mga Natatanging Kawani ng LGU, Pinarangalan

83. 7 LGU Retirees, Pinarangalan

84. Task Force Disiplina, Magtitiket na sa Lahat ng Violators simula Ocotober 1!

85. Mayor Niña, Nanguna sa LCPC, LCAT-VAWC, at MAC Meeting

86. POPS Plan Formulation Workshop, Ginanap

87. Economic & Infra Sector, Nag-update sa BPRAT

88. GAD Fund Utilization, Tinalakay sa TWG Meeting

89. Mayor Niña, Inimbitahang Presenter sa 2nd GEMP Summit

90. M.C.D.O., Umani ng Karangalan sa Certification Program

91. PNP-Bayambang, National Nominee sa C.S.O.P. Award

92. Bayambang, Regional Winner sa 4Ps Model LGU!

 

 


 

 

                                                     

 

 

SUMMARY OF LGU ACCOMPLISHMENTS IN S.O.M.A. FORMAT

 

EDUCATION FOR ALL

 

- (LSB, Library, DepEd)

 

BPC Students, Umattend sa Iskolar ni Juan Assessment


Isinagawa ang isang orientation at assessment activity para sa Iskolar ni Juan program ng Gokongwei Brothers Foundation sa pamamagitan ng Zoom video sa Bayambang Polytechnic College noong August 29. Ito ay dinaluhan ng mga aplikante ng naturang scholarship program mula sa Bayambang at mga karatig-bayan, kung saan ipinaliwanag ang mga benepisyo at proseso ng programa at ginabayan ang mga kabataang nais magpatuloy at magtagumpay sa pag-aaral.

 

 

MFPTA Officers, Inilahad ang mga Programa sa LGU

 

A. Pormal na ipinakilala kay Mayor Niña ng mga bagong halal na opisyal ng Municipal Federated Parents-Teachers Association ang kanilang mga programa para sa school year 2025–2026. Layunin ng MFPTA na palakasin ang ugnayan ng guro, magulang, at LGU upang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa Bayambang.

 

B. Naging tampok sa pagbisita ang performance ni King Ariestone G. Galsim, na anak ng MFPTA President na si Gilbert Galsim.

 

'Gulayan sa Paaralan,' Muling Inilunsad sa mga Eskwelahan

 

Nanguna ang School Parents-Teachers Association ng Bayambang Central School sa pagbuhay muli ng taunang 'Gulayan sa Paaralan' project ng DepEd sa BCS campus ground. Gamit ang mga binhi at punlang galing sa Agriculture Office, nagtulung-tulong ang SPTA officers at members sa paglilinis ng mga loteng itinakda para sa gulayan, at hinikayat ang mga mag-aaral upang sila mismo ang magtanim ng mga binhi at punla.

 

 

OVP, Nagdonate ng School Supplies


Noong September 15, namahagi ang Office of the Vice-President ng mga bag at school supply na may kasamang hygiene kit sa may 519 na eskwela ng Hermoza Elementary School, matapos magrequest si former LGBTQI President Sammy Lomboy sa OVP. Ang OVP staff ay nag-courtesy call kay Mayor Niña bago magsimula ang distribusyon.

 

Mga ALS Teacher sa Bayambang, Nakatanggap ng mga Printer mula kay Mayor Niña


Malugod na tinanggap ng mga guro ng Alternative Learning System (ALS) sa ilalim ng DepEd Bayambang I ang tatlong bagong printer na ipinagkaloob ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang (LGU) sa pamumuno ni Mayor Niña Jose Quiambao. Ang donasyong ito, na bahagi ng suporta sa pagpapalakas ng edukasyon para sa mga out-of-school youth at adults, ay layuning mapadali ang paghahanda ng mga modyul at kagamitang panturo para sa mga mag-aaral na naantala ang pag-aaral.

 

Suporta sa Sektor ng Edukasyon, Patuloy

 

Patuloy ang pagbibigay-suporta ni Mayor Niña sa sektor ng edukasyon, sa pamamagitan ng Local School Board (LSB) gamit ang Special Education Fund. Noong September 23, itinurn-over ng LSB ang isang photocopier machine, na may kasamang isang toner cartridge, drum cartridge at printer ink, sa DepEd Bayambang II. Sa kabuuan, ang donasyon ay nagkakahalaga ng P84,160.

 

LGU at Federated PTA, Nakilahok sa Dayalogo

 

Nakilahok ang LGU at ang Municipal Federated Parents-Teachers Association (MFPTA) sa isang dayalogo ukol sa Basic Education Support and Shared Accountability na inorganisa ng DepEd Schools Division Office I Pangasinan noong September 19 sa Lingayen. Sa dayalogong ito, higit na napalakas ang komunikasyon at ugnayan sa pagitan ng DepEd SDO I Pangasinan at mga pangunahing stakeholders upang mas mapatibay ang implementasyon ng mga programang pang-edukasyon sa buong lalawigan.

 

 

 HEALTH FOR ALL

 

- Health (RHUs)

 

Pulong, Isinagawa ukol sa ZOD Program


Nagsagawa ng pagpupulong ang Municipal Health Office, barangay officials, at ZOD Technical Working Group para sa pagpapatupad ng ZOD o Zero Open Defecation Program. Pinangunahan ito ni Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo. Nilinaw sa pulong ang monitoring results at criteria ng ZOD upang makamit ang mas malinis at ligtas na kapaligiran.

 

LGU at Colgate-Palmolive, Naglunsad ng Dental Health Program

 

Matagumpay na idinaos ang isang dental health program para sa learners ng ating mga Child Development Center, sa pagtutulungan ng LGU at Colgate-Palmolive Philippines. Ang mga bata ay nakatanggap ng libreng fluoride application, dental kits, at oral hygiene lectures sa tulong ng mga RHU dentist. Binigyang-diin ni Dr. Dave Junio ang kahalagahan ng maagang dental care habang nanawagan naman si Dr. Paz Vallo ng suporta mula sa magulang at guro.

 

 

Pagtatayo ng Sanitary Landfill, Pinag-aaralan


Upang lalo pang mapahusay ang pamamahala sa basura at matiyak ang kalinisan at kalusugan ng komunidad, Noong September 16, pinangunahan ni Dr. Cezar Quiambao ang isang exploratory meeting kasama ang mga opisyal ng Jeico Development Corporation, isang South Korean company, upang talakayin ang posibilidad ng pagtatayo ng isang modernong sanitary landfill sa ating bayan. Ang pagkakaroon ng isang moderno at sanitary landfill ay malaking katipiran sa gastusin sa proper waste disposal.

 

 

KSB Year 8, Nagtungo sa Bongato West


Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 8 ay nagtungo naman sa Brgy. Bongato West Covered Court upang pagsilbihan ang mga residente sa distrito. Sa pangunguna ni Dr. Roland Agbuya, daan-daang muli ang nag-avail ng mga libreng serbisyong medical at non-medical services mula sa Munisipyo, at malaking ginhawa at katipiran ito sa 893 na mga taga-barangay Bongato East at Bongato West.

 

 

Buntis Congress 2025, Naging Matagumpay


Matagumpay na muling idinaos ang Buntis Congress 2025 September 19, na pinangunahan Rural Health Unit II, upang palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga ina sa tamang pangangalaga sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak. Naging sentro ng programa ang mga lektyur ukol saa prenatal care, kahalagahan ng pagbabakuna para sa proteksyon ng mga sanggol, oral health, at tamang nutrisyon at diet.

 

RHU 3 Blood Drive, Nakakolekta ng 26 Blood Bags


Isang mobile blood donation drive ang isinagawa ng Rural Health Unit III noong September 18 sa Pangdel Covered Court sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Red Cross-San Carlos Chapter. Mayroong 26 na naging successful blood donors sa aktibidad. Tumulong naman ang Pangdel Barangay Council sa pamamagitan ng pag-isponsor ng pagkain ng mga donors.

 

RHU I at III, Nagdaos din ng Buntis Congress

 

Matapos ang matagumpay na Buntis Congress 2025 ng RHU II, sumunod namang nagdaos ng sariling Buntis Congress ang RHU I at RHU III, upang palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga ina sa tamang pangangalaga sa kanilang sarili at kanilang mga anak. Naging sentro ng programa ang mga lektyur ukol sa prenatal care, kahalagahan ng pagbabakuna para sa proteksyon ng mga sanggol, oral health, at tamang nutrisyon at diet. Kabilang sa naging pakulo ang pagdaos ng Ms. Gandang Buntis 2025 beauty pageant.

 

Blood Drive, Nakolekta ng 43 Blood Bags

Sa blood donation drive sa Tococ East noong September 29, may 43 volunteers out of 62 registrants ang nakapag-ambag ng supply ng dugo para sa mga nangangailangan -- salamat sa pagtutulungan ng RHU I at Philippine Red Cross–San Carlos Chapter. Nagsilbi rin itong paalala sa kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo upang makapagsalba ng buhay.

 

 

- Nutrition (MNAO)

 

Switch Cafe, MNAO, Naglunsad ng Feeding Program


Naglunsad ang Switch Café at Municipal Nutrition Action Office ng isang feeding activity para sa 42 na batang kulang sa timbang mula sa tatlong child development centers. Ginawa ito sa Brgy. Macayocayo, Langiran, at Alinggan noong September 4. Plano ng dalawang grupo na palawakin pa ang programa at magsagawa ng regular na monitoring upang tumulong mabawasan ang malnutrisyon.

 

- Sports and Physical Fitness (MPFSDC)

 

 

 

- Veterinary Services (Mun. Vet.)

 

 

– Slaughterhouse

 

 

 PROTECTION OF WOMEN AND CHILDREN

 

 

- Social Services (MSWDO, MAC)

 

MAC, Nagkaloob ng Higit P500,000 na Tulong


Sa pamamagitan ng Mayor’s Action Center, umabot sa kabuuang 542,000 pesos  ang ipinagkaloob na tulong pinansyal para sa mga Bayambangueño mula Hunyo hanggang Hulyo 2025. Sa buwan ng Hunyo 2025, naitala ang kabuuang halaga na 337,000 pesos bilang medical assistance at burial assistance. Umabot sa 234 na benepisyaryo ang nakatanggap ng tulong.

 

34 CDCs, Sumalang sa External Assessment


Sumailalim ang may 34 Child Development Centers sa isang external assessment noong September 3-4, na isinagawa ng mga assessor mula sa PSWDO Pangasinan. Ang pagsusuri ay bahagi ng paghahanda para sa Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA). Nakatakdang isagawa ang exit conference sa September 12.

 

34 CDCs, Inassess ng ECCD Council


Sa isinagawang exit conference ng ECCD Council, iniulat na 33 sa 34 na in-assess na Child Development Centers sa Bayambang ang pumasa sa external assessment. Isang CDC naman ang binigyan ng anim na buwang palugit upang makumpleto ang requirements. Tatlong CDC ang umabot sa Level 3, na may valid recognition hanggang limang taon.

 

Mayor Niña, Nanguna sa LCPC, LCAT-VAWC, at MAC Meeting


Noong September 29, dumalo si Mayor Niña sa pinagsamang pulong ng Local Council for the Protection of Children, Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children, at Municipal Advisory Committee on 4Ps. Nag-update sa kanya ang lahat ng departamento at ahensya ukol sa mga hakbang na kanilang isinasagawa para sa proteksiyon ng kababaihan at kabataan at pagpapalakas ng implementasyon ng programang 4Ps para sa mga resident-beneficiaries.

 

GAD Fund Utilization, Tinalakay sa TWG Meeting


Sa 3rd quarter meeting ng Gender and Development Technical Working Group noong September 30, tinalakay ang ukol sa utilization ng GAD Fund sa 3rd quarter ng taon, ang mga naging accomplishment ng iba't ibang departamento gamit ang naturang pondo, at mga kaugnay na aktibidad.

 

 

 

- Civil Registry Services (LCR)

 

LCRO, Nagpatuloy sa Info Drive


Nagdaos ang Local Civil Registry Office ng information drive sa Catalino Castañeda Elementary School upang talakayin ang tamang pagrerehistro at updates sa PSA memorandum circulars. Dumalo ang mga guro, magulang, at opisyal ng barangay kung saan sinagot ni MCR Ismael Malicdem Jr. ang kanilang mga katanungan. Kasabay nito, tumulong din ang Community Service Card team sa pagbibigay ng kaalaman at data capturing para sa iba pang proseso ng civil registry.

 

LCR, Patuloy ang Pag-award ng Birth Certificate at Free Delayed Registration

 

Kamakailan, muling nagsagawa ang Local Civil Registry (LCR) ng house-to-house awarding ng Birth Certificate in SECPA sa Brgy. Wawa, Pugo, Ataynan, at Buenlag 2nd kung saan 10 benepisyaryo, karamihan ay senior citizen, ang nakatanggap; kasabay nito ang pag-aasiste sa mga wala pang birth certificate sa ilalim ng programang Free Delayed Registration of Birth.

 

LCRO, Nagpatuloy ng Info Drive sa Dusoc


Noong September 12, nagpunta ang LCR sa Dusoc Elementary School upang magsagawa ng information drive ukol sa tamang pagrerehistro at updates sa PSA memorandum circulars. Inimbitahan dito ang mga teachers, parents at barangay officials upang mas mapalawak pa ang kanilang kaalaman sa civil registration at maiwasan ang anumang pagkakamali sa mga civil registry records.

 

LCR Info Drive, Nagpatuloy sa Idong

 

Noong September 17, nagpunta ang LCR sa Idong Elementary School upang magsagawa ng info drive ukol sa tamang pagrerehistro at magbigay ng updates ukol sa PSA memorandum circulars. Dahil dito, mas napalawak pa ang kaalaman ng mga residente roon ukol sa civil registration at nakatulong na maiwasan ang anumang pagkakamali sa mga civil registry records.

 

 

 

- Environmental Protection (MENRO, ESWMO)

 

Update ukol sa Implementasyon ng 10-Year SWM Plan, Iprinesenta  

 

Sa 3rd quarter meeting ng Municipal Ecological Solid Waste Management Board, naging pangunahing paksa ang mga update ukol sa nagawang accomplishment batay sa 10-Year Solid Waste Management (SWM) Plan ng LGU. Bahagi rin ng talakayan ang pagtukoy sa mga hamon at pangangailangan upang higit pang mapalakas ang implementasyon ng plano sa mga susunod na taon, para mapanatili ang kalinisan ang kaayusan sa ating pamayanan.

 

Segundo Cluster Associations at Brgy. Langiran, Nakatanggap ng P1M Composting Facility!


Tumanggap ang Segundo Cluster Associations at Barangay Langiran ng Composting Facility for Biodegradable Waste (CFBW) mula sa Bureau of Solid Waste Management, sa tulong ng LGU. Bawat unit ay nagkakahalaga ng ₱1,000,000, at kayang makagawa ng isang toneladang organikong pataba kada buwan, na makatutulong sa pagsusulong ng organikong agrikultura. May kasamang biomass shredder at rotary composter ang naturang pasilidad.

 

ESWMO Staff, Naging Malikhain sa Paggamit ng Recyclables

  

Isang staff mula sa ESWMO ang nagpakita ng pagkamalikhain sa pamamagitan ng pag-recycle ng ibinasurang plastic containers para gawing mga dustpan, na magagamit ng mga street sweepers ng departamento. Ang inisyatibang ito ay isang hakbang tungo sa mas eco-friendly na kagawian, sa pamamagitan ng recycling o up-cycling.

 

 

 

- Peace and Order (BPSO, PNP, DILG)


Peace and Security Programs, Tampok sa MPOC-MADAC Meeting


Idinaos ang ikatlong quarterly meeting ng MPOC at MADAC upang repasuhin ang mga hakbang para sa kapayapaan at seguridad sa Bayambang. Tinalakay ang mga programa tulad ng traffic enforcement, crime prevention, fire safety, paglalagay ng CCTV, at pagpapatupad ng mga ordinansa. Binigyang-diin sa pulong ang sama-samang aksyon para sa isang ligtas, disiplinado, at maunlad na komunidad.

 

Bagong Hepe ng LTO–Bayambang, Nag-Courtesy Call kay Mayor Niña


Noong September 16, nag-courtesy call ang bagong OIC ng LTO–Bayambang District Office na si Maria Dolores Soliven kay Mayor Niña Jose-Quiambao. Ipinahayag niya ang layunin na palakasin ang ugnayan ng LTO at LGU, lalo na sa mga programang pangkaligtasan sa kalsada. Kasama rin sa pagbisita ang Red-Rover Driving School na nagpanukala ng kolaborasyon para sa edukasyon ng mga drayber.

 

Mga Kawani ng LGU, Muling Nagpakita ng Katapatan


Patuloy ang mga kawani ng LGU sa pagpapakita ng katapatan sa kanilang tungkulin. Dalawang kawani ng BPSO at isang kawani ng SEE ang kusang loob na nagbalik ng mga napulot na cell phone sa kanilang mga may-ari. Ang una at pangalawang cell phone ay napulot ng mga traffic enforcer na sina Randy Ildefonso at John Lester Mesde, at ang ikatlo ay napulot ng SEE staff na si Reynalds Cayabyab. Kapuri-puri ang kanilang integridad at pagiging ehemplo ng malasakit sa kapwa Bayambangueño.

 

Bagong Hepe ng BFP, Nag-Courtesy Call Kay Mayor Niña


Pormal na nagpakilala si Fire Inspector Joy Carol A. Palchan, ang bagong itinalagang hepe ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bayambang, sa pamamagitan ng isang courtesy call sa opisina ni Mayor Niña noong September 18. Ipinaabot ni Palchan ang kanyang pangakong kooperasyon sa pamunuan kasabay ng pagpapalakas ng fire safety sa bayan.

 

Task Force Disiplina, Magtitiket na sa Lahat ng Violators simula Ocotober 1!


Muling nagpulong ang Task Force Disiplina upang mag-update ukol sa progreso ng istriktong implementasyon ng mga batas, mapa-national o local ordinance. Ipinatawag sa pulong ang lahat ng 77 barangay captains upang hingin ang kanilang buong suporta. Inanunsyo ng Task Force na sa darating na Oktubre uno, magsisimula nang mag-issue ng ticket ang mga miyembro ng task force sa lahat ng violators.

 

POPS Plan Formulation Workshop, Ginanap

 

Isinagawa noong September 29 ang isang Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan Formulation Workshop upang buuin ang komprehensibong plano para sa kapayapaan, seguridad, at kaligtasan ng publiko sa mga taong 2026 to 2028. Sa pag-oorganisa ng DILG at MPDO, binalangkas sa workshop ang POPS Plan ng Bayambang, na kinabibilangan ng Local Anti-Illegal Drug Plan of Action bilang isang mandatory focus nito.

 

 

 

 

AGRICULTURAL MODERNIZATION - (MAO)


MAO, Nagpa-training sa Organic Farming


Noong September 12, nagbigay ang Agriculture Office ng isang training sa Brgy. Managos para sa 30 farmers ukol sa paggamit ng organic fertilizer, organic pesticides, at good agriculture manufacturing. Nagsilbing resource speakers ang mga taga-DA Region 1. Sa training na ito, naipakilala sa mga farmers ang organikong paraan ng pagpapayabong ng tanim at pagkakaroon ng masaganang ani nang hindi isinasakripisyo ang gastusin at kalusugan.

 

 

‎Cold Storage Project, Isinabak sa Audit


Isinabak sa isang audit at field validation ng DA-PRDP ang “Construction of Bayambang Onion Cold Storage Project" noong September 17. Katuwang sa pagsusuri ang Internal Audit Service, Project Support Office, at Regional Project Coordination Office ng DA, kasama ang Municipal Engineering Office at MPMIU ng LGU-Bayambang. Napatunayan sa assessment na ang proyekto ay naipatupad nang tama, episyente, at epektibo.


47 Farmers, Nagtapos sa School-on-the-Air Program

 

May 42 na lokal na magsasaka at limang empleyado ng Agriculture Office ang nagsipagtapos sa DA School-on-the-Air Masagana Rice Industry Program, sa graduation ceremony na ginanap sa Calasiao noong September 19. Layunin ng school-on-air program na maipamahagi ang dagdag-kaalaman sa mga magsasaka kahit nasa tahanan o bukid lamang. Kinilala ang MAO bilang pangalawa sa may pinakamaraming grumaduate sa buong rehiyon, at isa sa kanila ang nagtamo ng karangalan.

 

1,026 na Magsasaka, Tumanggap ng Food Assistance

 

Mahigit sa isang libong magsasaka sa Bayambang ang tumanggap ng food assistance sa isinagawang pamamahagi na pinangunahan ng DSWD at Pinoy Workers Partylist, sa pamamagitan ni Board Member Raul Sabangan. Ang mga magsasakang binigyan ng tulong ay yaong mga labis na naapektuhan ng pinakahuling kalamidad.

DOST at Bureau of Plant Industry, Naghandog ng Training sa Onion Farmers

 

Noong Setyembre 24, naghandog ng training ang Forest Products Research and Development Institute  ng DOST katuwang ang Crop Pest Management Division ng Bureau of Plant Industry para sa mga onion farmers at farmers’ cooperatives at farmers' associations ng Bayambang, kung saan ipinakilala ang paggamit ng tinaguriang Bamboo LIQUOR bilang organikong pesticide na makakatulong sa ligtas at sustenableng pagsasaka.

 

 

 

 

 

JOBS AND LIVELIHOOD FOR ALL

 

- Livelihood and Employment (PESO, BPRAT)

 

Bagong Work Immersion Students, Na-deploy sa LGU

Noong September 1, ang mga estudyante mula sa Tanolong National High School ay nagsimula sa kanilang internship sa LGU bilang mga work immersion student. Sila ay winelcome ni BPC President, Dr. Rafael Saygo, at SLEO Gernalyn Santos matapos i-orient ng mga staff ng PESO.

 

 Huling Batch ng SPES Beneficiaries, Tumanggap ng Sahod

Noong September 3, tumanggap ng sahod ang huling batch ng mga benepisyaryo ng Special Program for Employment of Students (SPES) ng DOLE na na-deploy at nagtrabaho sa LGU ng 20 araw. Ang pay-out activity ay isinagawa sa presensiya ng PESO-Bayambang at DOLE staff.

 

 Orientation ukol sa Batas Kasambahay at Child Labor, Ginanap

Isang orientation activity ang isinagawa ng PESO, ukol sa Batas Kasambahay, Child Labor Prevention and Elimination Program, Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Person, at ang papel ng mga BESO o Barangay Employment Service Officers. Ito ay dinaluhan ng mga barangay official at OFW Association President.

 

Dressmaking Grads, May Sarili nang Patahian!

 

Ang mga napa-graduate ng PESO-Bayambang noon sa isang dressmaking course sa tulong ng TESDA ay may sarili nang patahian! Ito ay matapos ilapit sila ng PESO sa DSWD upang makapag-avail sa Sustainable Livelihood Program na may start-up capital na P260,000. Kanilang ibinili ang halagang ito ng 8 sewing machines at mga materyales na pangtahi, at ipinambayad sa pagsasaayos sa kanilang shop. Ang 15 na dressmaking course graduates -- na pawang mga OFW returnees at mga pamilya ng OFWs -- ay nag-ooperate na sa kanilang shop sa Bgy. Tatarac na kanilang pinangalanang Atams Fabric.

 

Mag-aaral ng AP Guevarra I.S., Nagsimula sa Kanilang Work Immersion  


HAng mga mag-aaral ng A.P. Guevarra Integrated School sa Brgy. Manambong Norte ay nagsimula sa kanilang work immersion noong September 15. Sila ay mainit na sinalubong ng Municipal Administrator at ginabayan at pinayuhan ng PESO-Bayambang.

 

 

LGU, Nakiisa sa Food Business Expo


Nakiisa ang LGU-Bayambang sa matagumpay na Aligwas Buzzness Expo 2025 na ginanap sa PSU-Bayambang campus grounds mula September 17 hanggang 19, sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta rito. Itinampok dito ang iba’t ibang produkto at serbisyo ng mga MSME na maaaring maging inspirasyon sa iba pang mga negosyante. Layunin ng expo na ipakita ang malikhaing galing ng mga Bayambangueño at suportahan ang lokal na kabuhayan sa pamamagitan ng mga bago at innovative food business concepts.

 

Mga Kawani, Dumalo sa Financial Literacy Webinar


Noong September 17, ang mga kawani ng Munisipyo ay dumalo sa isang seminar ukol sa financial wellness and personal success gamit ang Zoom video, sa pag-oorganisa ng Business Permits and Licensing Office at sa tulong ng Bankers Institute of the Philippines. Dito ay natuto ang mga empleyado ng mga praktikal na kaalaman sa personal na panananalapi at paglago sa pansariling pamumuhay.

 

 

Social Sector, Nag-update sa BPRAT

 

Ang mga miyembro ng social sector ng LGU ay nagbigay ng update sa Bayambang Poverty Reduction Action Team upang mamonitor kung nasaan na ba ang mga aktibidad at proyekto na nakahanay ayon sa Bayambang Poverty Reduction Plan. Sa pamamagitan ng regular na monitoring ng mga nasabing proyekto at aktibidad, nasisiguro na tuluy-tuloy ang implementasyon ng mga ito tungo sa pagkakapanalo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

 

 

Mini-Job Fair, May 59 HOTS

 

Isang mini-job fair na inorganisa ng PESO-Bayambang noong September 25 ang dinagsa sa Events Center.

Sa 171 na aplikante na nagparehistro, 59 sa kanila ang hired on the spot.

 

 

 

 

- Economic Development (SEE)

 

GCash at SEE, Nagpromote ng Cashless Payments Gamit ang Paleng-QR PH

 

Sa kolaborasyon ng Office of Special Economic Enterprises, tinulungan ng GCash ang mga vendor sa public market at mga tricycle driver na magkaroon ng Paleng-QR PH codes na magagamit nila upang tumanggap ng digital payment mula sa kanilang mga mamimili noong September 25. Ang mga QR code ay magagamit ng kanilang mga customer upang magbayad, hindi lamang gamit ang GCash kundi kahit na anong digital payment na kasama sa Paleng-QR  

 

 

- Cooperative Development (MCDO)  

 

M.C.D.O., Umani ng Karangalan sa Certification Program


[Don’t say mak-do pls! Say em-see-dee-oh]

Matagumpay na nagtapos sina Atty. Melinda Rose Fernandez, OIC ng Bayambang M.C.D.O., at staff na si Jacinto Perez sa Cooperative Development Officers Certification Program sa Lingayen, Pangasinan. Napili si Atty. Fernandez bilang top performer sa dalawang kurso na “Fundamentals of Cooperatives” at “Governance and Management of Cooperatives,” patunay ng kanyang husay at dedikasyon sa pagpapaunlad ng kooperatiba. Bukod dito, tumanggap sila ng Certificate of Authority mula sa Cooperative Development Authority na nagbibigay kapangyarihan na magsagawa ng mga pagsasanay at seminar sa kanilang lokalidad.

 

 

 

- Tourism, Culture, and Arts (MTICAO)

 

Marian Exhibit, Tampok sa Museo de San Vicente Ferrer

 

Magmula Setyembre 7, naging tampok sa Museo ng Santuario de San Vicente Ferrer ang iba't ibang imahe ng Birheng Maria, bilang pagpupugay sa araw ng kanyang kapanganakan sa Setember 8. Ang mga masining at iba't ibang istilo na imahe ay ipinahiram pa ng mga deboto mula sa iba't ibang bayan sa Pilipinas. Sa tulong ng Tourism Office, kabilang sa mga tampok na exhibit ang ilang rebulto na pagmamay-ari ni Mayor Niña.

 

Bayambang, Tampok na Destinasyon sa DOT-DTI "Creative Tour"

 

Dalawang atraksyon sa Bayambang ang naging tampok sa isang tinaguriang creative tour ng DOT sa pakikipaugnayan sa DTI. Kasama sa nasabing tour -- na tinaguriang RANIAG -- ang humigit-kumulang na treinta (30) na personalidad mula sa iba'tibang sektor bilang mga "creative tourists." Kabilang sa mga aktibidad na handog ng LGU-Bayambang ang isang pambungad na cultural presentation; live demonstration ng mga bagong food researches, booth visitation, at shopping sa PSU-DOST R1 Food Innovation Center, at pagbisita sa St. Vincent's Ferrer Prayer Park.

 

- Infrastructure Development (Engineering: Infra, Housing, Transport, Utilities, etc.)

 

 Clearing Operation, Isinagawa sa Magsaysay

 

Isang clearing operation ang isinagawa noong September 6 sa Zamora St., Brgy. Magsaysay, matapos maireport ng mga residente roon ang natumbang puno pagkatapos ng malakas na hangin at ulan. Agarang inalis ang puno na sumandal sa isang katabing school building at nanganib na sirain ito. Salamat sa agarang pagresponde ng MDRRMO, agad na naputol ang naturang puno.

 

Mayor ng Alcala, Bumisita

 

Noong September 9, nakipagpulong ang LGU-Alcala sa LGU-Bayambang upang pagtibayin ang ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bayan para sa progreso. Pinangunahan ni Alcala Mayor, Atty. Manuel Collado, ang courtesy call, kasama sina Alcala Vice-Mayor Jojo Callejo at Councilor Janela Love Nartates. Naging sentro ng talakayan ang pagpapatibay ng E-Agro program, ang rekonstruksyon ng Carlos P. Romulo Bridge, at concreting ng San Gabriel II–Pantol Farm-to-Market Road.

 

 

Wire Clearing Operations, Nagpatuloy

 

Ipinagpatuloy ng Wire Clearing Technical Working Group ang pagbabaklas ng spaghetti wires sa Poblacion area noong September 8, upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga pangunahing kalsada sa bayan. Katuwang sa operasyon ang BPSO, MDRRMO, Engineering Office, Globe, at Converge.

 

 

LGU, Nag-Benchmarking sa Mandaluyong Cemetery

 

Noong September 9, ang LGU ay nag-benchmarking activity sa Mandaluyong City Cemetery, na kilala rin bilang Garden of Life, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapaunlad ang serbisyo sa pampublikong himlayang bayan ng Bayambang. Malugod na tinanggap ang delegasyon ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos. Sa pagbisita, ipinaliwanag ang mga best practices sa Garden of Life Cemetery, kabilang ang maayos na operasyon at sistematikong pangangalaga sa mga kliyente.

 

PRDP Sub-Project Pre-Construction Conference, Isinagawa

 

Noong September 24 to 26, ang LGU ay nagsagawa ng isang pre-construction conference para sa nalalapit na implementasyon ng DA-PRDP-World Bank sub-project na "Road Opening and Concreting of San Gabriel II to Pantol Farm-to-Market Road." Sa kumperensyang ito, siniguro na ang lahat ng involved sa sub-project pati na ang contractor nito ay lubos na nauunawaan ang scope of work, implementation schedule, roles and responsibilities, at iba pang technical at administrative concerns ng naturang sub-project.

 

Economic & Infra Sector, Nag-update sa BPRAT


Ang Bayambang Poverty Reduction Action Team ay muling pinulong ang economic at infrastructure development sector para sa 3rd quarter ukol sa kanilang mga naisagawang proyekto na nakapaloob sa Bayambang Poverty Reduction Plan. Ang mga miyembro ng Economic and Infrastructure Development sector ay isa-isang nagpresenta ukol sa estado ng mga nakalistang programa, proyekto at aktibidad na kanilang tugon sa paglaban sa kahirapan.

 

Mayor Niña, Inimbitahang Presenter sa 2nd GEMP Summit

Inimbitahan ng Department of Energy si Mayor Niña bilang isa sa mga presenter sa 2nd Government Energy Management Program Summit sa Baguio City, dahil sa mga inisyatiba ng LGU-Bayambang sa pagtitipid ng enerhiya. Ibinahagi ng kanyang kinatawan na si Energy Efficiency and Conservation Officer, Engr. Rudyfer Macaranas, ang mga best practices ng LGU tulad ng paggamit ng solar lights, inverter equipment, at energy-saving measures sa mga opisina. Lubos namang hinangaan ng Department of Energy at iba pang LGU ang mga programa ng Bayambang para sa energy efficiency.

 

DISASTER RESILIENCE - (MDRRMO)

Mga Sagabal na Puno sa Daan, Tatanggalin Na!


Noong August 27, nakipag-ugnayan ang MDRRMO sa DPWH at DENR para sa pagtanggal ng mga punong naiwang nakahambalang sa mga road shoulder, matapos ang mga road widening project sa tatlong national roads sa Bayambang. Ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at maging maayos ang daloy ng transportasyon.

 

Congresswoman Arenas, Tutulong sa Agarang Pag-ayos ng Nasirang Dike


Nakipagpulong ang MDRRMO kay Congresswoman Rachel “Baby” Arenas noong August 29, upang talakayin ang pagkasira ng dike sa Brgy. Managos na nagsisilbing depensa laban sa ilog Sawat mula sa Camiling, Tarlac. Ang nasabing isyu ay naiparating na sa OCD-Region 1, at inaasahang mas mapapabilis ang aksyon sa pagkukumpuni sa tulong ng sabayang pakikipag-ugnayan ng LGU sa OCD at sa Kongreso.

 

DRRM Course for Barangay Officials, Nagpatuloy!

‎Noong Setyembre 1–3, nagpatuloy ang MDRRMO sa pagsasagawa ng 3-Day Disaster Risk Reduction and Management Course for Public Sector sa Events Center. Naging resource speakers ang mga kinatawan mula sa OCD, DENR, DOST-PAGASA, PRC, BFP, at PNP, na siyang nagbahagi ng kaalaman sa early warning systems, evacuation procedures, fire safety, climate change adaptation, atbp.

 

Tree-Cutting Operations, Isinagawa matapos ang Ipo-ipo


Noong September 13, ang MDRRMO ay kaagad na nagsagawa ng damage assessment at malawakang tree-cutting at clearing operation sa apat na barangay na nasalanta kamakailan ng malakas na ipo-ipo kasabay ng malakas na buhos ng ulan. Aktibong tumulong ang mga BDRRMC ng Brgy. Managos, San Gabriel 1st, Amancosiling Norte, at Amancosiling Sur upang maputol at maisaayos ang mga bumagsak at nabuwal na mga punongkahoy sa pitong magkakahiwalay na lokasyon. Walang naiulat na casualty sa nasabing insidente.

 

 

MDRRMO, Sumali sa RDANA Training


Nakilahok ang mga kawani ng MDRRMO sa isinagawang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA Training noong September 9-12 sa San Carlos City. Layunin nito na malinang ang kasanayan ng mga DRRM personnel sa agarang pagtukoy ng lawak ng pinsala at pagtasa sa mga pangangailangan ng mga komunidad na maaapektuhan ng kalamidad. Sa pamamagitan nito, masisiguro ang maagap at angkop na pagtugon, gayundin ang mas epektibong pagbuo ng mga plano para sa rehabilitasyon at pagbibigay-tulong.

 

LGU, Nakilahok sa Enhanced LDRRMP Training

 

Aktibong sumali ang LGU sa isang training ukol sa Enhanced Local Disaster Risk Reduction and Management Plan noong September 15-19 sa Dagupan City. Layunin ng training na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng Local DRRM Plan, kabilang ang prevention and mitigation, preparedness, response, at rehabilitation and recovery. Binigyang-diin din ang tamang paglalaan ng pondo, monitoring, at evaluation.

 

 

MDRRMO, Nakilahok sa Rescue March Challenge

 

Lumahok ang MDRRMO-Bayambang sa Rescue March Challenge sa San Carlos City noong September 22, na naglalayong paigtingin ang kahandaan ng local disaster responders. Ipinakita rito ng MDRRMO ang kanilang kakayahan at determinasyon sa mga hamon sa aspetong pisikal, teknikal, at mental, upang mapabuti ang kanilang disaster preparedness.

 

Mayor Niña, Pinangunahan ang PDRA para sa Bagyong "Nando"

 

A. Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang isang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) upang maghanda para sa bagyong "Nando" sa pamamagitan ng Zoom video noong September 21. Tinalakay sa pulong ang mga posibleng epekto ng bagyo, tulad ng pagbaha, at mga hakbang ng iba't ibang departamento at ahensya sa pagtugon at paghahanda.

 

B. Sa araw ding iyon, nakipag-ugnayan ang MDRRMO sa mga Barangay DRRMC upang palakasin ang paghahanda laban sa posibleng epekto ng Supertyphoon 'Nando.' Nagsagawa sila ng inspeksyon sa mga flood-prone areas upang matiyak ang 24/7 na kahandaan ng mga komite at ang maayos na pamamahala ng mga evacuation center.

 

Relief Operations, Isinagawa Bunsod ng Bagyong 'Nando'

 

Sa direktiba rin ni Mayor Niña, agad na kumilos ang Municipal DRRM Council at Barangay DRRM Council members upang magsurvey at magmonitor ng mga nabahang residente at tinamong pinsala at maghatid ng ayuda sa mga tuluyang naapektuhan at nag-evacuate, matapos ang pananalasa ng supertyphoon 'Nando.'  Sa gabi ng September 23, namahagi ang MSWDO ng mga food pack sa mga residente ng Brgy. M.H. Del Pilar, Bongato East, at Bongato West at kinalaunan sa Bry. Tambac, Zone V, Iton, atbp. Nagbigay naman ang mga RHU ng leptospirosis prophylaxis, mga gamot, at bitamina.

 

Panibagong Responder para sa Oras ng Sakuna

 

Dahil sa tapat na pamamahala ni Mayor Nina, ang buwis ng taumbayan ay bumabalik din para sa kapakinabangan ng lahat. Noong September 25, nagkaroon ng isang blessing ceremony para sa isa na namang rescue vehicle responder, sa pangunguna ng MDRRMO. Ang bagong responder ay nagkakahalaga ng P2.488 million pesos, at pang-labing-limang responder na ng LGU.

 

Mayor Niña, Nanguna sa PDRA para sa Bagyong "Opong"

Pinangunahan ni Mayor Niña ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting noong September 26 bilang paghahanda sa bagyong “Opong.” Ibinahagi ng MDRRMO na mahina lamang ang epekto ng bagyo, ngunit pinag-usapan na rin ang nangyaring pagbaha sa ilang barangay dahil sa kakulangan ng drainage sa mga pribadong lote, na siya namang tinalakay sa isang hiwalay na pagpupulong.

 

Relief Operations, Nagpatuloy


Sa pagtutulungan ng iba’t-ibang departamento at ahensiya, lahat ng naitalang apektadong residente sa iba’t ibang barangay ang agarang hinatiran ng tulong. Sa kabuuan, may 1,017 food packs ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya mula sa 18 barangays sa loob ng dalawang araw na pamamahagi magmula noong manalasa ang magkakasunod na bagyong Marisol, Nando, at Opong kasabay pa ng habagat.

 

HONEST & EFFICIENT PUBLIC SERVANTS  

 

 

- Planning and Development (MPDO)

 

Resulta ng 2024 Census, Iprinesenta ng PSA

 

Noong September 11, iprinesenta ng Philippine Statistics Authority-Pangasinan ang preliminaryong resulta ng 2024 Census of Population-Community Based Monitoring System. Sa tulong ng MDPO, ipinakita sa mga lokal na opisyal at stakeholders ang mga detalyadong datos na nakalap sa isinagawang census, mga impormasyong magagamit ng lokal na pamahalaan sa pagpaplano at pagbuo ng mga programa nito, gayundin sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng iba't ibang proyekto.

 

Mga Plano at Programa para sa 2026, Tinalakay sa MDC Meeting


Sa idinaos na Municipal Development Council (MDC) Meeting noong September 18, iprinesenta at tinalakay ang tatlong mahahalagang dokumento: ang Supplemental Annual Investment Program (AIP) No. 2 for 2025, Revised AIP No. 1 for 2025, at ang AIP para sa CY 2026. Ito ay upang ipaalam sa lahat ng dumalo ang detalye ng mga proyektong pangkaunlaran ng bayan at upang ang mga ito ay marepaso at maaprubahan.

- Legal Services (MLO)

 

 

 

- ICT Services (ICTO)

 

- Human Resource Management (HRMO)

 

LGU, Nakiisa sa Civil Service Anniversary Celebrations

 

A. Aktibong nakiisa ang LGU-Bayambang sa pagdiriwang ng ika-125th na anibersaryo ng Philippine Civil Service. Noong September 5, ang team na pinangunahan ng HRMO ay sumali sa Zumbasurero, isang masayang Zumba session na sinundan ng coastal cleanup drive.

 

B. Kinabukasan, nakilahok din ang LGU sa isang Fun Run at Zumba-for-a-Cause na ginanap naman sa Dagupan City.

 

Gender-Inclusive Business Management, Tinutukan sa Seminar

 

‎Noong Setyembre 10, nagbigay ang Special Economic Enterprise ng isang Basic Business Management Seminar, kung saan tinalakay ang mga paksang gender-responsive entrepreneurship, business ethics, at gender-inclusive strategies bilang pagpapalawak ng kaalaman sa pagnenegosyo. Naging resource speaker si Dr. Presley de Vera, GAD Coordinator ng PSU-Open University. Tampok sa seminar ang film viewing bilang dagdag inspirasyon sa mga kalahok.

 

LGU Employees, Humataw sa Zumba


Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Civil Service, pinangunahan ng HRMO ang paghataw sa pagsayaw ng humba sa 'Hataw ZumBayambang' noong September 15. Ito ay upang hikayatin ang mga kawani ng pamahalaan na pangalagaan ang kanilang kalusugan at magkaroon ng kasiglahan sa pamamagitan ng masiglang Zumba session. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga empleyado na magsaya, mag-ehersisyo, at makapag-bonding bilang isang komunidad.

 

Pampering Services, Inihandog sa mga Kawani


Bilang parte pa rin ng selebrasyon ng 25th anniversary ng Civil Service, nagbigay ang HRMO ng mga libreng pampering services sa mga kawani ng LGU, kabilang ang manicure, pedicure, haircut, at back mMassage. Sa handog na mga serbisyo, naipadama ng pamahalaang lokal ang pagpapahalaga nito sa sarili nitong mga kawani.

 

Mga Natatanging Kawani ng LGU, Pinarangalan


Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Philippine Civil Service Commission, kinilala ng LGU ang mga natatanging lingkod-bayan na hinirang ng bawat departamento bilang ulirang kawani o model employee ng kani-kanilang tanggapan. Malugod na iginawad ni Mayor Niña ang mga parangal at nagpahayag ng pasasalamat sa mga empleyadong nagsisilbing huwaran ng sipag, integridad, at dedikasyon sa serbisyo publiko.

 

7 LGU Retirees, Pinarangalan


Bilang pagkilala at pasasalamat sa kanilang mahabang panahon ng paglilingkod sa bayan, ginawaran ng Certificate of Appreciation ang pitong retirees ng LGU Bayambang sa isang seremonya noong September 29. Kinilala sina Municipal Accountant Erlinda Alvarez, Municipal Treasurer Luisita Danan, HRMO Head Nora Zafra, Accountant for Barangay Affairs Elsie Dulay, LCR Officer Leonida Junio, at Treasury Officers na sina Eloisa Quinto at Edna Palisoc, sa kanilang dedikasyon sa trabaho at mahalagang ambag sa serbisyo publiko.

 

 

- Transparency/Public Information (PIO)

Pangangalap ng Datos kaugnay ng RPVARA, Nagpatuloy


Ipinagpatuloy ng Municipal Assessor’s Office ang pangangalap ng datos mula sa mga may-ari ng lupa kaugnay ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act o RPVARA. Bahagi ito ng paghahanda para sa General Revision of Property Assessment and Classification. Isinagawa ang aktibidad noong September 1 to 4 sa walong barangay ng Bayambang.

 

MOA Signing para sa Bagong Land Bank ATM, isinagawa


Sa ngalan ni Mayor Niña, lumagda si Vice-Mayor IC Sabangan sa isang Memorandum of Agreement para sa pagkakaroon ng bagong ATM para sa ating bayan. Ang nasabing machine ay ilalagay sa tabi ng Annex Building at magiging malaking tulong sa dumaraming financial transactions ng ating mga kababayan.

 

 

- Property Custodial Services (GSO, Motorpool)

 

 

 

AWARDS AND RECOGNITIONS

 

Bayambang, Pasok sa Top 5 Most Business-Friendly Municipalities!


Sa unang pagkakataon, napabilang ang bayan ng Bayambang sa Top 5 Most Business-Friendly LGU Awards sa Municipality Level 1 Category nationwide! Ito ay isang mahalagang pagkilala sa business practices, social services, at infrastructure development sa bayan ng Bayambang at ang kontribusyon natin sa ekonomiya ng bansa, partikular na sa pagdami ng investors at pagtaas ng employment rate. Ang patimpalak para sa taong 2024 ay inorganisa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).

Congratulations, LGU-Bayambang!

PNP-Bayambang, National Nominee sa C.S.O.P. Award

Kinilala ang PNP-Bayambang, sa pamumuno ni PLtCol Rommel Bagsic, bilang national nominee sa Community Service-Oriented Policing Award ng NAPOLCOM. Tampok dito ang programang “Police Hour at Your Service” na inilunsad noong 2023 sa 87.5 Niña Aro Taka radio station. Layunin nitong mapalapit ang serbisyo ng pulisya at maitaguyod ang kaligtasan ng komunidad.

Bayambang, Regional Winner sa 4Ps Model LGU!

Itinanghal ang LGU-Bayambang bilang regional winner sa Search for Model LGU Implementing 4Ps ng DSWD Region I para sa 2025. Ito ay bilang pagkilala sa mahusay na pamumuno at malikhaing estratehiya ng LGU para sa kapakanan ng 4Ps beneficiaries. Sa panalong ito, magiging opisyal na entry ng Rehiyon Uno ang Bayambang sa national GAPAS Awards.

 

 

LEGISLATIVE ENACTMENTS - (SB)

 

Dating MPDO OIC, Kinumpirma bilang MENRO Chief


Noong September 1, kinumpirma ng Sangguniang Bayan si dating Municipal Planning and Development Office OIC, Ma-Lene Torio bilang Department Head ng Municipal Environment and Natural Resources Office. Matapos ang masusing pagsusuri, siya ay nakitang kwalipikado ayon sa batas. Inisponsoran ni SB Committee Chair on Civil Service and Personnel, Councilor Jose Ramos, ang nominasyon kay Ms. Torio bilang MENRO Chief.

 

 

SB Members, Nagtapos sa NEO Refresher Course


Dumalo ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa isang refresher course na pinamagatang, “Transformative Leadership for Elevated Governance,” para sa mga re-elected officials noong September 2 at 3 sa San Carlos City. Pinangunahan ito ni Vice Mayor Ian Camille Sabangan, at ito may layong palakasin ang kakayahan ng mga lingkod-bayan. Ang pagdalo rito ay requirement mula sa DILG para sa lahat ng nahalal na opisyal.

 

 

SB, Pinulong ang mga CSO at NGO ukol sa Akreditasyon


Pinulong ng Sangguniang Bayan ang mga CSO at NGO para sa proseso ng akreditasyon at pagpapalakas ng kanilang partisipasyon sa pag-unlad ng bayan. Sa pangunguna ni SB Committe Chair on People's Participation, Councilor John Roy Jalac, tinalakay ang mga aplikasyong nais mapasama sa unang batch ng accredited organizations. Ayon sa SB, mahalaga ang papel ng mga CSO at NGO upang maging mas inklusibo at matibay ang mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan.

 

SB, Tinalakay ang Paggamit ng Natitirang MDRRM Funds

Tinalakay ng SB Committee on Finance ang paggamit ng natitirang pondo mula sa MDRRM Fund para sa mga proyektong may kaugnayan sa kahandaan at kaligtasan ng mamamayan. Pinangunahan ni Konsehal Jose S. Ramos ang pagdinig kasama ang mga kinatawan mula sa iba't ibang opisina ng LGU bilang mga resource person. Binigyang-diin nito ang tamang paglalaan ng pondo para sa mas ligtas at matatag na komunidad.

 

 

Public Hearing ukol sa Curfew for Minors, Isinagawa

 

Ang Sangguniang Bayan ay nagsagawa ng isang pampublikong pagdinig hinggil sa panukalang ordinansa ukol sa curfew para sa mga menor de edad, kasama ang pagpapataw ng parusa sa mga magulang o tagapag-alaga na lalabag dito. Pinangunahan ni SB Committee Chair on Social Welfare, Councilor Jocelyn Espejo, at kasamahang SB members ang pagdinig sa lahat ng argumento laban at sang-ayon sa panukala. Ang proposed curfew ay naglalayong protektahan ang mga kabataan laban sa kapahamakan sa pamamagitan ng pagbabawas ng panganib na maging biktima ng krimen o ma-expose sa droga, prostitusyon, juvenile delinquency, atbp.

 

Drug-Free Workplace Ordinance, Ikinasa sa mga Barangay


Noong September 15, nagdaos ng isang pampublikong pagdinig ang Sangguniang Bayan ukol sa mga panukalang barangay ordinance na naglalayong magpatupad ng isang drug-free workplace policy sa mga barangay. Pinangunahan ang committee hearing nina Councilor Jose Ramos at Councilor Rodelito Bautista. Tinalakay sa pagdinig ng komite ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na mekanismo laban sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa mga lugar ng trabaho sa mga barangay, at mga penalty na ipapataw sa mga lalabag dito. ‎

 

De Vera, Bagong Municipal Accountant


Noong September 15, kinumpirma ng Sangguniang Bayan ang pagtatalaga kay G. Flexner de Vera bilang Municipal Accountant. Si Sangguniang Bayan Member Jose Ramos, Tagapangulo ng Committee on Civil Service and Personnel, ang nagrekomenda ng kumpirmasyon sa appointment ni De Vera, at binigyang-diin ang kanyang mataas na kakayahan at integridad para sa posisyon.

Mula sa LGU-Bayambang, isang mainit na pagbati!

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment