Speech for Matalunggaring Awards 2022
Magandang araw po sa inyong lahat, lalo na sa ating mga awardees ngayong taon.
Kapag ang isang Bayambangueño ay umani ng karangalan kahit saan man, lahat tayo ay kasama rin sa karangalang iyon. Ito ang ideya sa likod ng Matalunggaring Awards: ang pagbibigay-pugay sa ating mga local achievers dahil sa pagbibigay ng karangalan sa ating bayan.
Siyempre, kakabit ng karangalang ito ay ang pagbibigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan. Ang magtagumpay ka sa iyong napiling larangan – sa kabila ng mga pagsubok sa buhay – ay nag-uudyok sa lahat na diskubrehin ang kanilang papel sa buhay na iniatang ng Diyos at pagyamanin kung anuman ang talentong ipinagkaloob sa kanila. Naniniwala ako na ang ating mga talento ay hindi para sa ating mga sarili lamang o para sa ating pamilya. Ang ating talento ay regalo ng Diyos para pakinabangan ng ating komunidad at ng buong mundo.
Iyan ang kapangyarihan ng pagbibigay ng inspirasyon: ang mag-udyok sa lahat na tahakin ang kanilang sariling landas at ipaglaban ang daan tungo sa tagumpay, ang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili sa paniniwalang, “Kung kinaya ng iba, kaya ko rin!”
Ang isa pang significance ng Matalunggaring Awards, para sa akin, ay ang pagkaroon ng malalim na sense of gratitude o pasasalamat – pasasalamat dahil tayo ay biniyayaan ng ganitong mga indibidwal na may ganitong nakamamanghang talento. Minsan ako ay nabibigla na lang na may mga Bayambangueño palang may mga ganitong achievements, at ganun na lang ang aking pasasalamat. …Sapagkat sa likod ng kada isang achievement, may isang kwento ng pagpupunyagi, at maraming kwento ng buhay na nakinabang sa tagumpay na ito.
Minsan ako ay napapaisip dahil karamihan ng ating mga naging awardees ay nagtagumpay sa labas ng Bayambang. Para bang nakasalalay ang kanilang tagumpay sa pag-alis o paglisan. Maaaring ito ay dahil --nakakalungkot mang sabihin pero ang katotohanan ay -- limitado ang oportunidad sa ating bayan upang umangat at magtagumpay sa buhay. Ngunit sigurado akong parte ng kanilang tagumpay ay ang kanilang simula, na siyang humubog sa kanila upang tahakin ang sariling landas. Kaya’t mapapansin ninyo sa mga talumpati ang pasasalamat sa pamilya, sa mga kababayan, sa mga taong tumulong sa kanila magmula pa nung umpisa, at sa bayang kumupkop at umaruga sa kanila at unang nagbigay ng inspirasyon.
Dahil sa Matalunggaring Awards, napagtanto kong ang tahimik na bayan pala ng Bayambang ay maaaring pagsimulan ng mga world-class na talents at achievers. Pero hindi ko maiwasang mag-wish: Na sana ay maaari ring maging matagumpay kahit nasa sariling bayan ka, dahil narito na ang mga oportunidad. Kaya naman ginagawa natin ang lahat ng ating mga makakaya upang ito ay maging isang realidad pagdating ng panahon. Dahil matayog ang ating pangarap para sa bayan ng Bayambang, tayo ay nagdesisyong sumugal dito ng malaki, kaya tayo may St. Vincent Ferrer Prayer Park, St. Vincent Village, Niñas Café, nilipat natin ang headquarters ng Stradcom dito at iba pang kumpanya, nagpagawa ng Comprehensive Land Use Plan sa tulong ng Palafox Associates, mayroon tayong JKQ Hospital, may Post-Harvest Facility Complex sa Amancosiling Sur, at marami pang ibang mga proyekto.
Alam ko eleksiyon na naman, pero hindi ko po ito sinasabi para mangampanya, dahil ang awards na ito ay walang kinalaman sa pulitika. Nais ko lang namang mag-wish na ang bayan ng Bayambang ay magsilbing inspirasyon din sa lahat, hindi lang dahil maraming mga magagaling na nagmula rito, kundi dahil din marami ring oportunidad dito upang gumaling at mag-shine sa iyong napiling larangan.
Sana ang award na ito ay magsilbing inspirasyon para sa lahat to give back sa ating bayan, upang mahalin ang ating bayan, at sama-samang ipagmalaki ito dahil ang bayang ito mismo ay marami ring na-achieve at napagtagumpayan sa likod ng mga balakid, tulad din ng mga Matalunggaring awardees natin sa loob ng apat na taon na ito ay ating ipinagkakaloob.
Magandang araw sa inyong lahat, at maraming salamat!