Wednesday, January 5, 2022

Ano ang Posible sa 'Yo? - Editorial for January 2022

 EDITORIAL FOR JANUARY 2022

Ano ang Posible sa 'Yo?

Dahil Bagong Taon, napaisip kami kung anu-ano ba ang mga posibilidad sa bagong buhay na kaloob ng Diyos sa ating mga Bayambangueño. Marahil ay nakakahawa lang talaga ang visionary style ni Mayor Cezar T. Quiambao at ang transformational leadership ng Team Quiambao-Sabangan.

Kung ’di problema ang resources at maisasakatuparan ang panaginip ni Mayor Quiambao na maging isang Global City ang bayan ng Bayambang, napakarami ng posibilidad dahil sa napakarami ring oportunidad na ibubunga nito.

Sa dami ng nakatiwangwang at di produktibong lupain sa ating bayan, ang ilan dito ay maaaring gawing atraksiyon bilang farm tourism site; ecological park na may boating rides, bird watching site, ziplines, hiking at biking trails, picnic grounds, at iba pang amenities; floating restaurant at Agno River cruise; zoological garden; flea market with mercato; gift shop featuring Bayambang products at local cultural icons; atbp. – basta’t naaayon sa ating Tourism Plan at Comprehensive Land Use Plan.

Ang ating mga magsasaka naman ay maaaring mag-eksperimento sa pagtatanim ng alternative crops para sa high-end market gaya ng mga vegetable salad ingredients at exotic spices.

Upang madecongest ang sentro, mainam kung makapagbubukas ng mga bagong business sa bawat barangay at magbigay ng mga bagong oportunidad sa mga residente roon. Ang mga establisimyentong ito ay maaaring magfocus sa mga wala pa sa mga barangay ngunit hinahanap-hanap sapagkat kinakailangan.

Ano ba ang nakikinita mong misyon sa buhay sa ngayon? Saan ka ba masaya? Ngayon, ano naman ang matinding pangangailangan ng iyong komunidad na maaaring ang kasagutan ay nasa sagot mo sa unang katanungan? Nandiyan malamang ang oportunidad at pagpapalang naghihintay sa iyo at sa ating lahat.

Magmasid lamang tayo sa paligid ng mga kakulangan, at napakalawak ng mga maaaring pasuking oportunidad. Sana ang Bayambang Millennials Challenge na inilunsad ni Mayor Quiambao ay maging instrumento upang maglabasan ang mga innovative ideas na ito na naghihintay lamang ng implementasyon, sapagkat may inilaan siyang sapat na startup fund galing sa sariling bulsa.

Walang masama kung mangarap kahit gising, basta’t buo ang loob at tiwala sa sarili at sa DIyos na ang panaginip ay mauuwi sa posibilidad o realidad.

 

No comments:

Post a Comment