Tuesday, September 14, 2021

Editorial - August 2021 - Pagsibol ng mga Kabataang Bayani

 Ikinulong man ng pandemya, ngunit ang mga puso nila'y parang nagniningas na apoy na patuloy na umaalab sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at balang-araw ay magdadala ng tagumpay sa laban na kanilang hinaharap.

Ganito ang mga kabataang napagkaitan ng kalayaan upang mailayo sa bangis ng virus na lumalaganap. Hindi makapasok sa eskwela at hindi makatagpo maging ang mga guro nila, ngunit sa makabagong teknolohiya sila'y kumapit at humugot ng pag-asa. Sa pamamagitan ng modular learning at social media, nagsisikap at nagtitiyaga upang 'di mapag-iwanan ng edukasyong kanilang itinuturing na yaman at sandata laban sa kahirapan. Sarado man ang pintuan, ang kanilang boses ay maririnig na naghihiyawan, sumisigaw ng kalayaan upang mapakinggan ang kanilang karapatang makapagpatuloy sa pag-aaral, COVID-19 man ang humarang.

Dito sa ating bayan matatagpuan ang mga kabataang puno ng ambisyon sa buhay at malasakit sa bayan. Ginamit ang social media upang ihayag ang mga plataporma na sa palagay nila ay lubos na makatutulong sa publiko lalo na sa kanilang mga kapwa Bayambangueño.

Nitong Agosto ay ipinagdiwang ng mga kabataang Bayambangueño ang Linggo ng Kabataan sa loob ng kanilang mga tahanan, ngunit nanatiling konektado ang kanilang mga puso't isipan sa pagsulong ng mga proyekto na siyang susugpo sa kahirapan. Hindi nila kinalimutan ang responsibilidad nila sa lipunan na habang maaga pa ay mapagyaman na ang kanilang mga kaalaman alang-alang sa kinabukasan ng minamahal na bayan. Ito ay patunay na tama si Rizal: kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan.

Malaki man ang pinagkaiba ng bawat henerasyon ay huwag kalilimutang iisang dugo ang dumadaloy sa ugat ng mga Bayambangueño na laging bayan ang isinasapuso. Sa gabay rin ng mga lider dito ay tiyak na magagaling at mahuhusay ang mga kabataang produkto dahil iminulat sila sa wastong serbisyo publiko. Sa mata ni Mayor Quiambao ay kabataan ang laging bida dahil naniniwala siya na sila ang bagong bayani na magpapatuloy sa itinatag nitong rebolusyon para na rin sa susunod na henerasyon.

May iba't iba man na tono ng pananalita, kaugalian at gawi, maging pamamaraan ng pananamit dulot ng modernong panahon, kabataan noon at kabataan ngayon, magkaiba man ang kinagisnang panahon ay di mapagkakailang may iisang direksyon tinatahak magpasahanggang ngayon. Ito ay ang tulungang ibangon ang bayang nasasadlak pa rin sa kahirapan at maging kabataang bayani ng lipunan.

No comments:

Post a Comment