Saturday, April 25, 2020

LGU Accomplishments During COVID-19 Pandemic (March 16-April 2020)

- As early as February 10 ay bumuo na tayo ng COVID Task Force kasama ang mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) base sa guidelines ng DILG. Ang Task Force na ito ang nangunguna sa ating mga effort para labanan ang pandemic na ating kinakaharap.

- Kinansela natin ang mga malalaking event katulad ng Love Concert at Fiesta 2020. Ang mga event naman katulad ng Mass Wedding na hindi na maaaring i-kansela ay istrikto nating sinunod ang protocols at preventative measures para masiguro ang kaligtasan ng lahat.

- Simula ng i-implementa ni Pangulong Duterte ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon ay tuloy-tuloy ang mga ahensya ng munisipyo sa pangunguna ng Rural Health Unit (RHU) at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), at sa tulong ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Motorpool, sa pag-disinfect sa buong bayan. Nagpamigay rin ng disinfectant solutions at alcohol sa munisipyo at sa mga barangay, at mga PPEs at thermal scanners para sa mga frontliners.

- Katuwang ang PNP-Bayambang ay nagpapatupad tayo ng mga batas upang mapigilan ang pagkalat ng virus katulad ng mga sumusunod:

          - curfew

          - checkpoint sa lahat ng borders sa tulong ng Agriculture Office

          - pagsasara ng ilang establishments

          - pagkakaroon ng skeletal workforce

          - pagsuspinde sa mass transport

- Noong March 20 ay pumanaw ang unang Bayambangueño na may kumpirmadong kaso ng COVID sa ating bayan. Nang nalaman natin ang kanyang resulta ay agad tayong nagpatupad ng lockdown sa buong Bayambang at sa 43 na barangay. Nagsagawa na rin ang RHU ng contact tracing simula noong March 13 pa lamang ng napag-alaman na ang ating “doktor ng bayan” ay dinala sa ospital matapos makitaan ng mga sintomas nito.

- Noon namang March 28 ay naitala natin ang pangalawang COVID-related case kung saan ang asawa ng unang biktima, na considered as Person Under Investigation (PUI), ay pumanaw rin.

- Tuloy-tuloy ang pag-decontaminate natin sa buong Bayambang, lalo sa mga apektadong barangay at sa mga ma-taong lugar, para masiguro na malinis ang ating bayan.

- Nag-iimplementa rin tayo ng Market Schedule at nagpapalibot ng Mobile Market para mapigilan ang pagtitipon ng maraming tao sa ating Pamilihang Bayan.

- Sa pangunguna ng ating MSWDO at sa pagtutulungan ng lahat ng LGU departments at volunteer LGU employees, nakapagbigay na tayo ng relief packs sa lahat ng 35,000 na households sa buong Bayambang. Nakatanggap rin tayo ng tulong mula sa Provincial Government at sa DSWD Region 1.

- Sinisimulan na natin ang 2nd wave ng ating relief operations para makapag-bigay na muli ng tulong sa mga Bayambangueño.

- Naglunsad naman ng Supplementary Feeding Program sa pangunguna ng ating Nutrition Office para matutukan ang isang libong malnourished children. 4000 food packs ang ipinamahagi sa kanila para mabigyan sila ng nutrisyon ngayong mayroong community quarantine.

- Nagpapasalamat po tayo sa Kusina ng Balon Bayambang para sa araw-araw na pagluluto nila ng pagkain para sa ating front liners. Maraming salamat din sa lahat ng mga Bayambangueño na maganda ang loob na nagbibigay rin ng pagkain sa ating mga front liners. Syempre, maraming maraming salamat sa lahat ng ating mga health workers at front liners na isinusugal ang kanilang mga buhay upang mapaglingkuran ang ating mga kababayan. Saludo po kaming lahat sa inyo.

- Para sa inyong proteksyon ay namahagi tayo ng mga vitamins at gamot na nagkakahalagang P400,000. Ang mga ito ay ipinamahagi sa mga punong barangay at sa mga kababayan nating nasa frontlines.

- Nagsimula na rin ang ating mga Punong Barangay, sa tulong ng ating Social Welfare Office, Municipal Agriculture Office, at Public Employment Services Office, sa pagdetermina ng mga makakatanggap ng cash assistance mula sa Social Amelioration Program ng gobyerno. Ang bayan ng Bayambang ay may 16,000 beneficiaries na approved ng DSWD. Ito ay hinati-hati natin sa 77 barangays ng bayan, at base sa ibinabang guidelines ng national government, tayo ay tinutulungan ng mga punong barangay na mailista ang mga kwalipikadong mga pamilya na maaring makatanggap ng P5,500. Ito ay para masiguro na may pambili ng mga pangangailangan ang lahat habang pinapatupad pa ang community quarantine sa buong Luzon.

- Pinaigting din natin ang komunikasyon gamit ang cellphone at social media:

          - mayroon nang teleconsultation ang ating Rural Health Unit

          - naglunsad din tayo ng Bayambang COVID Hotline kung saan pwedeng tumawag ang mga may katanungan ukol sa coronavirus

          - patuloy rin ang pag-update sa ating Facebook page ukol sa mga latest updates tungkol sa COVID. Hinihiling ko sa ating mga kababayan na maging matalino at mapanuri sa social media. Huwag tayong maniwala sa mga FAKE NEWS upang maiwasan ang mga kalituhan at pag-papanic.

- Inayos din natin ang San Gabriel 1st Evacuation Center para maging temporary shelter ng mga Bayambangueño na nanggaling sa ibang lugar dahil sila ay considered as Persons Under Monitoring (PUM). Ang 22 na namalagi doon sa loob ng 14 na araw ay araw-araw minomonitor ng ating RHU at lahat ng pangangailangan nila katulad ng tubig, pagkain, at seguridad ay provided ng LGU, BFP, at PNP.

- Nakikipag-tulungan din tayo sa mga private establishments para gawing temporary shelter ng mga umuwing OFW ang kanilang lugar para sa kanilang 14-day quarantine. Ito ay upang masiguro na wala silang maiuuwing sakit sa kanilang mga pamilya. Nananawagan po kami sa mga Bayambangueño na kasalukuyang nakatira sa ibang lugar na manatili po muna kayo kung nasaan man kayo. Huwag muna tayong magpumilit na makapasok dito sa Bayambang para hindi na madagdagan ang mga PUM at para maiwasan na ang posibleng pagkalat ng coronavirus dito.

- Isang magandang balita ang ating natanggap noong April 7 dahil ang isang Bayambangueño na may kumpirmadong kaso ng COVID ay dineklara bilang recovered.

- Ang apat na PUI din dito sa Bayambang ay bumalik na ang resulta at napag-alaman natin na sila ay negative sa COVID.

- Maliban dito ay sa loob ng sampung araw ay hindi na tayo nakapagtala ng karagdagang biktima ng COVID-19 sa ating bayan.

- Ito ay nangangahulugang nasa tama tayong direksyon sa pagsugpo sa epidemyang ito. Hinihiling naman po namin ng aking asawa na si Niña ang patuloy ninyong pagdarasal para sa aming full recovery at para malampasan na ng ating bayan at ating bansa ang pagsubok na ito.



- Pinaghahandaan na rin ng ating LGU, sa pangunguna ng Bayambang Poverty Reduction Action Team, ang mga programa para sa ating muling pagbangon mula sa COVID-19 para pagkatapos ng lahat ng ito ay muli tayong makabangon at patuloy tayong lalaban para sa mas komportableng buhay para sa lahat.

-Ang Finance Committee kasama ang iba pang mga miyembro ng LGU ay naghahanda at pinag-aralang maigi kung papaano maaayos at epektibong magastoas ang ating matatanggap na Bayanihan Grant to Cities and Municipalities (BGMC) na nagkakahalaga ng 23M.

-Ang BPRAT naman ay naghahanda na ng isang Recovery Plan para sa krisis na ating kinakaharap. Isa sa mga ginagawa rin ng grupo ay ang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa maaaring program o ayuda na maaaring maibigay sa ating mga kababayan.

Bayanihan sa Panahon ng Pandemya

Isang malaking pagsubok ang kinaharap ng buong mundo nitong mga nakaraang buwan dahil sa COVID-19 pandemic, at kasama na rito ang bayan ng Bayambang.

Pebrero pa lang ay nauna nang magkansela ng mga aktibidad sa pagdiriwang ng piyesta ang ating ayan, at kapalit nito ay ang pinaigting na information campaign ukol sa kumakalat na nakakahawang sakit na wala pang lunas.

Subalit sa kalagitnaan ng Marso ay nanguna ang Bayambang na magkaroon ng kaso sa probinsya ng Pangasinan, at sa kasawiang-palad ay agad na nagbuwis ng buhay ang isang duktor ng bayan at ang maybahay nito.

Dahil sa umiral na lockdown at extreme enhanced community quarantine, sari-saring krisis ang sabay-sabay na nagsisulputan: pagtigil at pagkawala ng hanapbuhay, pagsarado ng karamihan sa mga establisimyento, paglimita ng galaw ng tao, at pagka-antala ng dating ng iba't-ibang supply, na siyang nagdulot ng samut-saring abala. Ito ay nagdulot ng masidhing kakulangan sa lahat ng pangangailangan ng mga pamilya, una na ng pagkain sa araw-araw.

Higit pa sa unos, ang pangyayari ay mistulang isang malaking bangungot na siyang sumubok sa tibay ng dibdib at tatag ng pananampalataya ng lahat. Sa likod ng mga agam-agam, patuloy ang LGU Bayambang na gumawa ng paraan sa lubos ng makakaya nito upang tulungang ibsan ang biglaang pangangailangan ng mga kababayan. Mula sa mga frontliners nito, hanggang sa mga namamahala sa pagkalap at distribusyon ng relief goods, pamamahala sa Pamilihang Bayan, at pangongolekta ng mga basura, piniling magpakabayani ng mga opisyal at empleyado magampanan lamang ang sinumpaang tungkulin. Kahit may matinding pangamba ay pinilit nilang manilbihan na ang tanging baon lamang ay ang pananampalataya sa Diyos at pamumuno ng administrasyong Quiambao-Sabangan.

Di naman nagpahuli ang pribadong sektor sa pagkakawanggawa, sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga magigiting na frontliners. Sa huli ay naghari pa rin ang bayanihan dahil sa kabutihang loob ng maraming Bayambangueño.

Mahirap mang bumangon sa bangungot na dulot ng COVID-19, hindi naman makakalimutan ang pag-iral ng kabayanihan at pagkamakabayan ng lahat ng pumiling maglingkod sa kapwa sa kabila ng banta ng pagkahawa sa mabagsik na bagong coronavirus.