Saturday, June 7, 2025

MONDAY REPORT – JUNE 9, 2025

 

MONDAY REPORT – JUNE 9, 2025

 

[INTRO]

 

NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si Sean Russell S. Lopez.

 

NEWSCASTER 2: At ako naman po si Sarah Jane Pablico, at kami ay mula sa Municipal Treasury Office. Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.

 

NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.

 

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon…

 

SABAY: Ang… BayambangueNews!

 

 

***

 

[SALITAN NA KAYO RITO]

 

1.     LGU Ville, May License to Sell Na!

 

Aprubado na ang License to Sell ng LGU Ville mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Ipinabatid ito ng mga kinatawan ng PAG-IBIG sa LGU-Bayambang, na nagbibigay pahintulot sa pagbebenta ng mga lote sa LGU Ville natatagpuan sa Brgy. Sancagulis sa mga interesadong kawani ng LGU at maging sa labas ng LGU.

 

 

2.     Mga Update ukol sa Agri Projects, Tinalakay

 

Pinulong ni Mayor Nina Jose-Quiambao, sa pamamagitan ni Municipal Administrator Atty. Rodelyn Rajini Sagarino-Vidad, ang Municipal Agriculture Office noong Hunyo 2 ukol sa progress report ng departamento ukol sa mga sumusunod na proyekto: onion cold storage, animal shelter, agriculture banner projects, agriculture biosystems engineering, improvement of 8 district warehouses phase II, at onion cold storage training para sa mga staff para sa mas maayos na operasyon.

 

3.     Client Satisfaction Surveys ng Munisipyo, Tinalakay

 

Noong June 3, isang refresher orientation ng isinagawa ng ICT Office para sa mga Quality Assurance Officer ng lahat ng departamento ng LGU ukol sa pagproseso ng mga required na client satisfaction survey ng mga LGU department. Dito ay tinalakay ni ICT Officer Ricky Bulalakaw ang mga update sa proseso, kabilang ang opsyon na magkaroon ng paper survey response forms upang mapataas ang response rate ng mga Bayambangueño na hinihingan ng opinyon ukol sa iba’t ibang serbisyong ibinibigay ng Munisipyo.

 

 

4.     Provincial Vets, Nagbigay ng Libreng Serbisyo sa mga Livestock sa Brgy. Nalsian

 

Noong June 3, isang team ng mga veterinarian mula sa provincial government, sa tulong ng Municipal Agriculture Office, ang nagbigay ng libreng veterinary services sa Brgy. Nalsian Norte. Kabilang sa mga hanadog na serbisyo para sa mga alagang baka, kalabaw, kambing, at tupa ang hemorrhagic septicemia vaccination, deworming, at vitamin supplementation.

 

 

5.     Task Force Disiplina, Ilulunsad

 

Base sa mga napag-usapan sa isang pulong noong June 4, nakatakdang ilunsad ng LGU ang Task Force Disiplina bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kaayusan, kalinisan, at disiplina sa buong bayan. Ang inisyatibong ito ay tugon sa lumalalang isyu ng mga paglabag sa mga lokal na ordinansa gaya ng ilegal na pagparada, pagtapon ng basura sa hindi tamang lugar, pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, at iba pang gawaing nakaaapekto sa kapakanan ng komunidad.

 

 

6.     Public Market Vendors at Stallholders, Pinulong

 

Upang mapag-ibayo ang serbisyo sa ating pamilihang bayan at mahigpit na ipatupad ang batas, pinulong ni Mayor Niña Jose-Quiambao at SATOM, Dr. Cezar Quimbao, Noong June 4 ang mga public market vendor at stallholder, kasama ang Special Economic Enterprise head at iba pang concerned departments. Tinalakay ang ukol sa actual cash tickets na na-charge, ang mga arrear o unpaid rental ng mga stall, at iba pang concerns ng mga vendors.  Nagbigay din ang LGU ng maaaring pagkautangan ang mga market vendor sa mababang interest upang kanilang maiwasan ang pangungutang sa mga Bumbay at nagpapa-"five-six."

 

 

7.     Brigada Eskwela Packages, Ipinamahagi Na!

 

Hindi na kailangang isipin pa ng mga guro ang gagamitin sa paglilinis sa kanilang mga paaralan at mga silid-aralan dahil  nagsimula na si Mayor Niña Jose-Quiambao na magpamahagi ng mga Brigada Eskwela package 57 na pampublikong paaralan sa elementarya at sekundarya.

 

Ang kada Brigada Eskwela package ay naglalaman ng:

 

- 99 na 6-liter semi-gloss latex paint

- 138 na 4-liter roof guard (roof paint)

- 156 na 1-liter blackboard paint (green)

- 156 na 2 1/2" paint brush

- 156 na roller brush

 

Ang panimulang distribusyon ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center.

 

 

8.     LGBTQI Community, May Malawakang Clean-up Drive

 

Bilang parte ng pagdiriwang ng Pride Month, ang mga miyembro ng LGBTQI Bayambang kasama ang LGU-Bayambang, ay nagsagawa ng isang bongga at malawakang clean-up drive sa Poblacion area bilang suporta ng grupo sa Bali-Bali'n Bayambang project ni Mayor Niña. Matapos ang water flushing ng BFP, kanilang ginalugad ang mga sulok ng sentro ng bayan upang magbigay ng magandang ehemplo at bilang paalala sa lahat na panatilihing malinis at maaliwalas ang lahat ng sulok ng Bayambang.

 

 

         

***

 

Bayambang, Dapat Alam Mo!

 

Bayambang, dapat alam mo—ang batas sa pagbabayad ng buwis ay hindi gawa-gawa lang ng munisipyo o ng mayor. Ito ay mula sa national government at tungkulin ng bawat opisyal na ipatupad ito.

 

Dapat alam mo na ang pagbabayad ng buwis ay hindi lang obligasyon kundi ambag sa pag-unlad ng bayan. Kumbaga investment ito sa komunidad na nagbabalik ng benepisyo sa anyo ng serbisyong pampubliko tulad ng edukasyon, kalusugan, at imprastraktura.

 

Dapat alam mo rin na ang ating ibinabayad na RPT o Real Property Tax (na 2% ng assessed value ng iyong taxable property) ay hinahati sa dalawang bahagi. Sa Basic RPT na 1%, 35% ang napupunta sa Provincial Government, 40% sa LGU-Bayambang, at 25% sa barangay kung saan naroroon ang iyong ari-arian. Sa SEF o Special Education Fund na 1% rin, kalahati ay para sa Provincial School Board at ang kalahati naman ay para sa Municipal School Board.

 

Kaya’t bawat bayad mo ay may malinaw na direksyon at may kaakibat na benepisyong babalik sa iyo at sa iyong komunidad.

 

Bayambang, tandaan mo—hindi bago ang batas sa amilyar; matagal na ito pero dati hindi mahigpit ang pagpapatupad. Kahit sino ang lider, obligasyon nilang ipatupad ito. Lahat ng sambahayan at negosyo ay dapat magbayad ng buwis, maliban kung exempted.

 

Good news, Bayambang! May tax amnesty program ngayon sa buong Pangasinan hanggang July 2026. Ibig sabihin, pwedeng makipag-areglo sa Treasurer’s Office at hulugan ang utang sa buwis, wala nang penalty!

 

At dapat alam mo rin kung sinu-sino ang top taxpayers ng ating bayan noong 2024:

[FLASH TOP 5 and contribution in ]

 

1. Dr. Cezar T. Quiambao

2. JKQ Wellness Hospital

3. AILC

4. Sta. Lucia

5. Northern Plains

 

Look oh! Nangunguna sa listahan ang pamilya Quiambao, mga siz! Grabe, top taxpayer na, top supporter pa ng bayan! Sobrang latina at sobrang slay!

 

Bayambang, ngayon alam mo na—huwag na nating panghinayangan ang buwis na binabayaran natin. Dahil bawat sentimong 'yan ay puhunan para sa mas maayos, mas maunlad na kinabukasan ng bawat Bayambangueño.

 

Lahat ng ito, Bayambang, ay… Dapat Alam Mo!

 

***

 

[OUTRO]

                                                                                                

 

[OUTRO]

 

NEWSCASTER 1: Dito sa Bayambang, bawat proyekto ay may layuning makapaglingkod nang tapat at may puso.

 

NEWSCASTER 2: At bawat kwento, tagumpay nating lahat bilang isang komunidad.

 

NEWSCASTER 1: Ako pong muli si Sean Russell S. Lopez, kasama sa paglalahad ng mga kaganapan sa bayan.

 

 

NEWSCASTER 2: At ako si Sarah Jane Pablico, mula sa Municipal Treasury Office. Magsama-sama tayong muli para sa susunod na ulat!

 

SABAY: Ito ang… BayambangueNews!

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment